Dear Roma Amor - @Life & Style | November 11, 2020
Dear Roma,
Gusto kong humingi ng payo kung ano ang magandang gawin sa anak kong babae na may asawa na dahil sa amin sila nakatira kasama ang kanyang dalawang anak. May trabaho ang asawa niya, pero wala silang kusa na magbigay para sa mga bills sa bahay kaya humihingi pa ako. Nagbibigay man sila, nasa isa hanggang dalawang libo lang at doon ko na kukunin ang pambayad sa kuryente, tubig, pagkain, gas at kung anu-ano pa.
Ilang taon na akong nagtitiis sa kanila, tipong ako na sa mga gawaing-bahay, halos sinasalo ko pa ang gastusin. Napakahirap pagkasyahin ng binibigay nila dahil apat silang nadagdag sa amin, pero pagdating sa mga bisyo, may nailalabas sila.
May matitirhan naman sila sa puder ng lalaki, pero rito nila sa amin piniling makisama. Dahil sa laki ng gastos, wala akong naiipon kahit nagbibigay ang aking asawa at anak kong binata. Ano ang magandang gawin, paalisin na sila o kausapin at hingan ng ambag? Sana ay mapayuhan n’yo ako. – Acel
Acel,
Kung kinaya nilang bumuo ng pamilya, kailangang matuto silang tumayo sa sarili nilang mga paa. Sa totoo lang, hindi mo sila dapat pakiusapan pa, mas mabuting diretsuhin mo na dahil may punto ka naman. Siguro, panahon na para kausapin silang mag-asawa nang masinsinan. Alamin mo kung ano ang plano nila – kung mag-i-stay sila kasama ka, dapat magkaroon kayo ng kasunduan, lalo na kung may involved na pera. Kung pipiliin naman nilang bumukod, mas okay ‘yun. Ang importante, maunawaan niya na may kani-kanya pa rin kayong responsibilidad kahit pamilya kayo. Good luck!