Dear Roma Amor - @Life & Style | March 1, 2021
Dear Roma,
Matagal na kami ng boyfriend ko pero hanggang ngayon, feeling ko hindi pa talaga kami ready sa marriage dahil hindi ko makita na handa na siya sa responsibility. Nang nagka-work siya, pinatuloy ko siya sa apartment ko, pero lumipat kami sa mas malaki dahil nagsabi siyang magse-share naman siya sa rent, pero palagi akong nag-aabono sa lahat ng bayarin. Iniintindi ko dahil wala siyang fixed schedule ng release ng commission dahil sa sales siya. Magbabayad lang siya kung kailan at magkano niya gusto. Dumating sa point na nagkaroon siya ng problema sa bayarin sa kotse kaya nag-loan ako sa company namin dahil wala siyang malapitan.
Kapag nakuha niya ang commission niya, inuuna niyang bumili ng luxury items tulad ng relo, sapatos sa halip na magbayad ng utang. Nakapagbayad-bayad naman siya, pero malaki pa ang kulang niya. Nakakainis kasi hindi niya priority magbayad ng utang dahil hindi naman siya sinisingil. Nagka-business siya at okay naman, pero ‘yung kinikita niya ay ipinambibili niya ng alahas at naubos ang pera niya.
Nang dumating ang panahon na ako ‘yung nangailangan, nanghihingi ako sa kanya ng tulong pero wala akong maasahan. I know that relationship is not about money, pero parang nahihirapan ako dahil ako ang umaako ng responsibilidad. Okay siya sa love and care, pero paano ‘pag may pamilya na kami? Dumarating sa point na sinasabi ko sa sarili kong, “Ayoko ng ganito.” —Bam
Bam,
Tulad ng palagi nating sinasabi, kailangan mo munang makipag-usap sa iyong partner pagdating sa ganitong topic. Isa pa, kaya “partner” ay dahil dapat magkasama kayo sa hirap o ginhawa, tandem, kumbaga. Mas okay mamuhay mag-isa nang alam mong wala kang matatakbuhan kesa may partner ka nga, pero para ka namang mag-isa.
Tandaan, kung ngayon pa lang ay hindi kayo nagkakasundo, paano pa sa future? Gayundin, kung siya talaga ang para sa iyo, ipararamdam niya na secured ka, financially at emotionally kaya kung wala kang makikitang progress matapos n’yong mag-usap, isip-isip na. Good luck!