ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 22, 2023
“Ito ang ni-request mo kagabi, ah?!” Nagtatakang sabi ni Mark.
Ayaw sanang paniwalaan ni Maritoni ang sinabi nito, pero wala namang dahilan para magsinungaling sa kanya si Mark, saka, ‘di rin nito alam ang mga paborito at ayaw niyang pagkain.
“Wala akong maalala.”
“Dahil masyado kang lasing?” Pagtatanong nito.
Bigla siyang natigilan sa sinabi nito. May mga pagkakataon kasing kapag nagba-black out siya, kung anu-ano’ng nagagawa niya. Ipinilig niya ang kanyang ulo para mataktak sa kanyang isipan ang kanyang nararamdaman.
“Baka nga, sorry, ha?”
“Para saan?”
“‘Di ako makakakain ng niluto mo dahil hindi talaga ako kumakain niyan.”
“Okey lang, walang problema ru’n,” wika niya, nang bigla niyang naalala ang sinabi sa kanya ni Maritoni na, “kahit ano’ng mangyari, kakain ako ng tinola.” Malalim na buntong hininga ang kanyang pinawalan.
“Inaantok pa ako,” sabi niya.
Nais sana niyang labanan ang nararamdaman niyang antok, pero parang hindi niya na kaya, feeling niya kasi kinakawayan na siya ng kanyang kama.
“Matulog ka muna.”
“Natatakot ako, eh,” wika nito.
“Hindi naman nakakatakot ang matulog,” sagot pa ni Mark.
Tama naman si Mark, hindi naman talaga nakakatakot ang matulog. Kaya mas maiging umidlip muna siya. Kailangan din magpahinga ng kanyang utak. Kapag hindi niya kasi nagawa iyon, paniguradong siya rin ang mamomroblema. Basta kapag nagising siya, kailangan na niyang gawin ang kanyang trabaho.
Hindi niya namalayan kung ilang oras na siyang nakatulog, nang magising siya, nakaramdam siya ng pagkagutom kaya dumiretso siya sa kusina para kumain.
Nangasim siya sa tinola at nilantakan niya iyon nang nilantakan. Paubos na ang tinola nang biglang lumabas si Mark.
Nakaramdam siya ng takot sa pagtitig nito sa kanya.
“Sino ka” tanong sa kanya ni Mark.
Mabilis naman niya itong sinagot at sabay sabing “Chelsea.”
Itutuloy...