ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | July 4, 2024
Dear Sister Isabel,
Good day sa inyong lahat d’yan sa Bulgar! Matagal n’yo na akong tagasubaybay, at ang sarap basahin ng mga payo n’yo.
Gusto kong ibahagi sa inyo ang kuwento ng buhay ko. 16-anyos ako nang mainlab sa katulad kong teenager din na 17-anyos. Tutol ang mga kapatid ko sa relasyon namin, ulila na kami sa magulang, kaya ang mga kapatid ko na lang ang kasama ko sa bahay, ngunit wala sila buong maghapon dahil nagtatrabaho sila.
Ramdam ko ang pagmamahal at pagmamalasakit niya sa akin. Dahil tutol ang mga kapatid ko, tinakas niya ako, at dinala niya ako sa bahay nila. Tinanggap ako ng nanay niya at itinuring bilang anak. Doon ko naramdaman ang hinahanap kong kalinga at pagmamahal ng isang ina. Isa pa, tinuring din akong kapatid ng 2 niyang nakababatang kapatid.
Naging masaya ako sa bahay na iyon.
Okey lang sa amin ang pangaral ng mother niya na ‘wag muna raw namin gawin ang ginagawa ng mag-asawa dahil bata pa kami.
Pero after two years ng aming pagsasama, bigla siyang kinuha ng Maykapal. Naaksidente siya sa motor, at dead-on-arrival siya. Sobra akong nalungkot, at doon ko napagtanto na kaya pala kami hinayaan ng langit na magsama dahil maaga rin pala siya kukunin sa amin.
Naka-move on naman na ako. Sa ngayon, may bago na kong mahal at handa niya akong pakasalan.
Ang problema ko ay paano ko ito sasabihin sa nanay at mga kapatid ng ex-bf ko, natatakot ako na baka ‘di nila ako maunawaan.
Paano ko sasabihin sa pamilya niya ang bagay na ito? Tulungan n’yo ako, Sister Isabel.
Nagpapasalamat,
Susan ng Pampanga
Sa iyo, Susan,
Sa palagay ko naman ay mauunawaan ka ng pamilya niya. Kung paano ka inunawa ng nanay niya noon, natitiyak kong lalo ka niyang mauunawa ngayon.
Sa kabilang dako, bago ka magpakasal kilalanin mo munang mabuti ang lalaking pakakasalan mo.
Ang pag-ibig ay hindi isang kanin na iluluwa mo kapag napaso ka. Sa edad mong 18-anyos, alam kong hindi ka pa rin gaanong matured. Huwag puso ang lagi mong pairalin, minsan gamitin mo rin ang isip mo. Tulad ng una mong minahal, maging ganundin sana kabait ang lalaking nag-aalok ng kasal sa iyo.
Hangad ko ang kaligayahan mo sa lalaking napili mong ipalit sa first love mo na maagang kinuha ng Maykapal. Maging karapat-dapat nawa siya, at patnubayan ka nawa ng Diyos.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo