ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | July 18, 2024
Dear Sister Isabel,
Gusto ko sanang humingi ng payo sa inyo tungkol sa nakababata kong kapatid na nagsabi sa akin ng kanyang problema.
Nagulat ako nang ipagtapat niya sa akin na may anak na pala siya sa labas. High school na ito ngayon, at ga-graduate na siya next year.
Nagtataka tuloy ang asawa niya, kung bakit hindi siya makaahun-ahon sa utang, gayung kumikita naman ang negosyong pinagkatiwala ng misis niya sa kanya.
Doon pala kasi niya kinukuha ‘yung sinusustento niya sa anak niya sa labas. Wala siyang sariling income, at umaasa lang siya sa negosyo nila.
Hanggang ngayon, hindi pa rin alam ng tunay niyang asawa na may anak na siya sa ibang babae. Hindi niya alam kung ipagtatapat niya na ba sa asawa niya ang lihim niya o hindi.
Ano sa palagay n’yo ang dapat niyang gawin? Hihintayin ko ang payo n’yo sa nakababata kong kapatid. Tuliro na ang isip niya at hindi na siya makatulog.
Nagpapasalamat
Aurora ng Marulas, Valenzuela
Sa iyo, Aurora,
Ang pinakamagandang dapat gawin ng nakababata mong kapatid ay ipagtapat sa asawa niya ang kanyang lihim. Taunin niya na nasa magandang mood ang misis niya kapag sinabi na niya ang pinakatagu-tago niyang sikreto, dahil walang lihim na ‘di nabubunyag. Matutuklasan din ng misis niya ang lihim na iyon, kaya mas makakabuting sa sariling bibig na niya manggaling kaysa sa ibang tao pa malaman ng asawa niya.
Humingi muna siya ng guidance sa Holy Spirit, kung paano niya ipagtatapat sa asawa niya ang katotohanan. Magdasal muna siya, sa umpisa maaaring magalit ito, pero sa dakong huli ay natitiyak kong uunawain din siya ng asawa niya, at tatanggapin ng buong puso ang bawat sabihin niya. Gawin na niya ito agad, at huwag na niya kamong patagalin pa. Lakip nito ang dalangin ko na maging maayos ang lahat.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo