ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | August 12, 2024
Dear Sister Isabel,
Ang isasangguni ko ay tungkol sa minana naming lupa mula sa aming magulang.
Inangkin ng panganay kong kapatid ang malaking bahagi nito sa kadahilang siya umano ang nag-alaga sa aming magulang noong panahong pareho silang may malubhang karamdaman. Kaunti lang ang napunta sa amin ng bunso kong kapatid. Tatlo lang kaming magkakapatid na naghati, at 1/4 lang ang nakuha namin ng bunso kong kapatid.
Gayunman, pumayag na lang kami at nagsawalang kibo hanggang sa natagpuan kong wala ng buhay ang asawa ng panganay kong kapatid sa cr nila.
Nagbigti ito, pero ang masaklap kaming dalawa ng kapatid ko ang pinagbintangan niya. Hindi raw nagbigti ang asawa niya, kundi pinatay daw namin. Pinalabas lang umano namin na nagbigti ito, pero hindi naman talaga. Napakasakit mapagbintangan, ‘di siya nagsampa ng nagdemanda, pero hindi namin matanggap ang pambibintang niya. Pati mga kapitbahay at ibang tao ay naging masama ang tingin sa amin. Nalagay kami sa kahihiyan, at nahusgahan pa kami.
Ano kaya ang dapat kong gawin? Grabe na ang dinaranas ko sa panganay kong kapatid na ewan ko nga ba bakit ganu’n ang naging ugali.
Nawa’y mapayuhan n’yo ko kung paano makakayanan, at malalampasan ang problema kong ito sa kapatid kong ganid at suwapang.
Nagpapasalamat,
Dolores ng Eastern Samar
Sa iyo, Dolores,
Heto na naman, kapatid na naman ang sanhi ng problema. Ang masaklap nito ay napagbintangan pa kayo ng bunso mong kapatid, at pati tuloy kapitbahay n’yo ay napaniwala niya.
Lalabas at lalabas din ang katotohanan, kaya huwag mong masyadong dibdibin ang mga pangyayari. Kung talagang hindi totoo ang binibintang niya sa inyo, wala kang dapat ikabahala para ‘di ka na rin gaanong makunsumi sa ugali ng panganay mong kapatid.
Lumipat ka na lang din ng tirahan. ‘Yun bang malayo sa kanya, at huwag kang magtanim ng sama ng loob sa kanya. Sa halip, ipagdasal mo na lang siya. Idulog mo sa Diyos na baguhin nawa ang pangit niyang pag-uugali. Patawarin mo siya sa mga masama niyang nagawa sa inyo.
Ang mga taong mapagpatawad ay pinagpapala ng Diyos. Huwag kang magdamdam kung mas maliit ang parte mo sa lupang minana mo sa magulang n’yo, dahil higit pa riyan ang ibibigay sa iyo ng Diyos basta’t manatili kang mapagkumbaba at mapagpatawad.
Makikita mo balang araw, mas yayaman ka pa sa kapatid mo na nang-aapi sa iyo at pinagbintangan ka pa sa krimeng kailanma’y hindi mo kayang gawin. Ipaubaya mo na lang sa Diyos ang lahat. Ang Diyos ay makatarungan, kaya nasisiguro ko na may gantimpalang nakalaan para sa iyo.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo