ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika-15 Araw ng Abril, 2024
“Tama naman ang ginawa ko, hindi ba?” Nalilitong tanong ni Via sa kanyang sarili.
Pagkaraan ay malalim na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Hindi niya rin kasi maiwasan ang masaktan.
Ito ba ay dahil sa kanyang pag-alis? Siguro, dahil hindi rin naman niya alam kung ano'ng gagawin niya, at kung saan siya pupunta. Basta ang alam niya, hindi puwedeng malaman ni Nhel ang tungkol sa kanyang pagbubuntis, dahil natatakot siya sa magiging reaksyon nito. Kung layunin lang ba talaga nito ang makapaghiganti sa kanyang Tatay Pedro. Paniguradong tatawanan lang siya nito at sasabihing, “Yehey, nauto kita!”
Kapag nangyari ‘yun, tiyak na madudurog lang nang husto ang kanyang puso. So, bakit pa niya hihintayin na mangyari iyon? Mas maigi nga sigurong umalis na lang siya.
“Pero, paano ako mabubuhay?” Tanong niya sa sarili.
Hindi niya alam kung ano ang isasagot kaya naglakad na lang siya nang naglakad. Doon na kasi ang ruta ng bus na kanyang sinakyan.
Gapan, basa niya sa lugar na napuntahan niya. Ngayon niya pa lang napagtanto na pa-Nueva Ecija na pala ang bus na sinakyan niya. Basta kasi sumampa na lang siya sa bus na kanyang napili. Ang ginawa niyang basehan ay kung saan nagka-interest ang kanyang mga mata.
Sa kaisipang iyon, hindi niya napigilan ang mapangisi nang husto. Naniniwala kasi siya na bawat desisyon na ginagawa niya ay may kaugnayan sa kung ano ang itinakda.
“Hello, miss, saan ka pupunta?”
Wala sana siyang planong pansinin ang nagsalita, pero bigla itong huminto sa kanyang harap. Para tuloy siyang itinulos sa kanyang kinatatayuan. Ang tipo kasi nito ay iyong parang hindi gagawa ng mabuti sa kanyang kapwa.
“Paraanin mo ako,” lakas loob niyang sabi.
“Sasama ka sa akin!”
“No!”
Nanlaki ang mga mata niya nang umangat ang kamay nito at akmang sasampalin siya.
Pero hindi ‘yun nangyaring dahil bigla na lamang itong tumalsik nang banggain ito ng isang kotse.
Itutuloy…