ni Sis. Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | Sep. 30, 2024
Dear Sister Isabel,
Magandang araw, nawa’y patuloy kayong gabayan ng Diyos sa inyong buhay upang patuloy kayong makatulong sa inyong kapwa.
Ang isasangguni ko ay tungkol sa lovelife ko. Hindi ko na maintindihan ang sarili ko kung bakit sa umpisa lang ako nai-in love. Mabilis na nawawala ang pagmamahal ko, kahit na mababait at mapagmahal naman ang mga naging nobyo ko.
Sa katunayan, masasabi kong isa akong play girl. Sister, paano ko kaya mababago ang ugali kong ito? Hindi ko alam, pero kapag nasasaktan ko ang damdamin ng mga nagiging nobyo ko, iba ‘yung tuwang nararamdaman ko. Nasisiyahan din ako sa tuwing nakikita ko silang patay na patay sa akin. Bakit kaya ako ganito?
Sana ay mabigyan n’yo ako ng payo at maipaliwanag kung bakit may ugali akong ganito. Nawa’y sa pamamagitan ng malawak n’yong pag-uunawa ay maliwanagan ako kung bakit ganito ang ginagawa ko at dalangin ko rin na sana magbago na ang ganito kong pagkatao.
Umaasa,
Thelma ng La Union
Sa iyo, Thelma,
Masasabi kong isa kang sadista. Medyo abnormal ang takbo ng isip mo, lalo na sa larangan ng pag-ibig. Alalahanin mo, ang pag-ibig ay hindi isang laro, ito ay sagrado at banal. Nagmumula ito sa kaibuturan ng puso, kaya hindi mo dapat ito dedmahin. Hindi ka dapat nananakit at nakikipaglaro sa iyong mga nagiging nobyo.
Ang makapangyarihang Diyos ang nagpunla ng pag-ibig sa puso natin. Kaya ang sinumang maging mapaglaro ay may kaparusahan. Ngayon pa lang, magbago ka na. Gawin mong seryoso ang nararamdaman mo at huwag kang pabagu-bago ng karelasyon, dahil may balik din sa iyo ‘yan.
Kapag pinagpatuloy mo pa ‘yang ganyang pag-uugali, bahala ka baka wala na ring sumeryoso sa iyo at hindi ka na muli pang makatagpo ng mabuti at mapagmahal na lalaki.
Thelma, kung ako sa iyo, umibig ka ng tapat upang katapatan din ang isukli sa iyo ng lalaking napupusuan mo. Iwasan mo na ring paglaruan ang pag-ibig, kung ayaw mong ikaw ang paglaruan sa bandang huli. Kung ano ang ginawa mo sa iyong kapwa, ang siya ring mangyayari sa iyo. Tandaan mo ‘yan, Thelma.
Magbago at magseryoso ka na, upang hindi ka gantihan ng tadhana. Kapag patuloy kang nagbago, tiyak na makakasumpong ka rin ng lalaking makakasama mo habambuhay.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo