ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 22, 2024
Nakasaad sa ating batas ang tinatawag na minimum wage, at 13th month pay na obligasyon ng mga employer o amo na makatalima.
Sa kabilang banda, ang pagpalya o hindi pagtalima ng isang employer o amo na maibigay ang nararapat na sahod at benepisyong ipinagkaloob ng 13th month pay law ay maaaring maging dahilan ng isang manggagawa o empleyado na magsampa ng money claims laban sa kanyang pinapasukan o employer.
Sa kuwentong hango sa isa sa mga kasong nahawakan ng ating tanggapan, ating silipin kung paano natulungan ng tamang aplikasyon ng nasabing batas ang isa sa ating mga kliyente na itatago na lamang natin sa pangalan na Banley.
Si Banley ay nailigtas ng Public Attorney’s Office (PAO) sa pinangangambahang tila walang katapusang pagdaing dahil sa kawalan ng katarungan na nararanasan sa trabahong kanyang dating pinapasukan.
Bilang pagbabahagi, sa kasong Kriska Logistics, Inc. v. Mendoza, pinal na natuldukan ang daing ni Banley na mabayaran ng wasto para sa kanyang trabaho bilang empleyado o manggagawa ng kanyang pinapasukan na itago na lamang natin sa pangalang ‘Mojie Incorporated’.
Noong Pebrero 6, 2006, nagsimula si Banley na mamasukan bilang delivery helper sa Mojie Incorporated. Bilang delivery helper, responsable si Banley na manu-manong dalhin at ihatid ang mga kahon sa mga mall, supermarket, at iba pang mga establisimyento.
Noong Setyembre 2016, huminto si Banley sa pag-uulat para sa trabaho pagkatapos ng kanyang operasyon sa katarata sa kanyang kaliwang mata. Sa isip ni Banley, ang payo ng kanyang doktor sa kanya na huwag magdala ng mabibigat na bagay ay nangangahulugan na hindi na siya maaaring magtrabaho.
Hiningan ng Mojie Incorporated si Banley ng Medical Certificate na nagpapatunay na ang kanyang karamdaman ay incurable o walang lunas sa loob ng 6 na buwan, alinsunod sa Artikulo 299 ng Labor Code. Walang naipakita si Banley sa kanyang Medical Certificate, ngunit iginiit niya na mabayaran siya ng separation pay.
Natapos ang Single Entry Approach o (SENA) ng walang kasunduan sa magkabilang panig. Sa Position Paper ni Banley sa Labor Arbiter, hinaing niya na ang kanyang sahod ay higit na mababa pa sa minimum wage. At dahil sa kakulangan sa sahod, kulang din ang kanyang 13th month pay na siyang nakabatay sa kanyang sahod. Sa kabuuan, hiling ni Banley na mabayaran ng wasto sa kanyang mga money claims.
Noong Enero 31, 2017 ay ibinaba ng Labor Arbiter ang naging desisyon nito, kung saan na-dismiss ang hiling ni Banley.
Aniya, hindi underpaid si Banley. Gayunman, noong Mayo 16, 2017 ay binaligtad ng NLRC ang naging pasya ng Labor Arbiter. Ayon sa NLRC, hindi maaaring makonsidera ang meal allowance o pagkain bilang bahagi ng sahod ni Banley, dahil pumalya ang Mojie Incorporated na makasunod sa mga rekisito kung saan maaari itong maging bahagi ng sahod ng isang manggagawa. Dahil dito, ito ay nagresulta sa underpayment ng sahod at kakulangan sa 13th month pay na nararapat niyang matanggap.
Sa desisyon na may petsang Abril 24, 2019 – kinumpirma ng Hukuman para sa Court of Appeals ang naging desisyon ng NLRC. Dahil dito, umakyat ang kaso sa Korte Suprema kung saan ang naging usapin ay ang tamang halaga ng sahod ni Banley at ang halaga ng natanggap niyang 13th month pay.
Sa madaling salita, tama ba na ituring ang meal allowance o pagkain bilang bahagi ng kanyang sahod? Ang kasagutan sa tanong na ito ang magtatakda kung sapat ang naging sahod at 13th month pay ni Banley.
Tulad ng ating unang nabanggit, pinal na natulungan ng ating tanggapan si Banley sa kanyang daing na mabayaran ng wasto para sa kanyang mga napagtrabahuhan na inilabas ng Korte Suprema ang naging desisyon nito noong ika-8 ng Mayo 2023 na siya namang nagkaroon ng Entry of Judgment noong ika- 13 ng Hulyo 2023.
Ayon sa Kataas-taasang Hukuman, tungkulin ng Mojie Incorporated na (1) maipakita ang pay slips upang suportahan ang depensa nito na ang sahod ni Banley ay pantay o higit sa minimum wage; at (2) makapagbigay ng patunay na ang meal allowance o pagkain ay isang form of facilities na maaaring maibawas at bilang parte ng sahod.
Kaugnay sa nabanggit, muling inulit ng Korte Suprema ang Doktrina na sa mga labor cases o kaso ng paggawa na kinasasangkutan ng pagbabayad ng sahod, obligasyon ng employer o pinapasukan na patunayan ang pagbabayad o payment sapagkat ang lahat ng mga dokumento o file ng empleyado ay nasa kustodiya at kontrol ng employer.
Sa rekords ng kasong ito, hindi napunan ng Mojie Incorporated ang mga sumusunod na rekisito upang makonsidera ang meal allowance bilang form of facility na maaaring maging bahagi ng sahod: a) na ang meal allowance ay karaniwang ibinibigay ng kalakalan; b) na ang empleyado ay kusang sumang-ayon na ang naturang meal allowance ay ibabawas sa kanyang pang-araw-araw na sahod; at c) ang meal allowance na sinisingil ay patas at makatwiran ang halaga. Dahil sa hindi pagsunod sa mga nabanggit, hindi maaaring maisama o maibawas sa sahod ni Banley ang naturang meal allowance.
Alinsunod sa mga nabanggit, ang konklusyon ay ang sahod na natanggap ni Banley ay higit na mababa sa ipinapataw na minimum wage.
Sa katambal na isyu, sapagkat hindi sapat ang naging basehan ng sahod ni Banley, ang naging pagtutuos sa kanyang 13th month pay ay naging kulang din. Dahil dito, kinumpirma ng Korte Suprema ang naging desisyon ng Hukuman para sa mga apela na ipinagkaloob ang mga money claims ni Banley para sa wastong pagbabayad ng kanyang sahod at 13th month pay.
Samakatuwid, ang lahat ng napagtrabahuhan ni Banley at ang daing niya ay natuldukan din sa patas at wastong desisyon na bayaran siya ng Mojie Incorporated.