paulit-ulit nanakit ang ulo, nilagnat at nagwala bago namatay sa sakit sa puso
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 4, 2020
Personal kong nakilala ang mag-asawang Erwin Apa at Judelin Tan Apa noong Marso, 2018 sa Cebu City. Nakita ko sa kanilang mga mukha ang katapangan ng mga taong minsan nang nasugatan. Ang magkabiyak na Apa ay mga magulang nina EJ Christian at Nina Hope T. Apa, na parehong naturukan ng Dengvaxia. Sa kasamaang-palad, si EJ ay pumanaw na, samantalang si Nina ay patuloy na nabubuhay, ngunit may mga nararamdaman na nagiging sanhi ng pag-aalala ng nasabing mag-asawa. Ang pag-aalalang ito ang siyang nagbibigay sa kanila ng katatagan ng kalooban at katapangan na patuloy na ipaglaban ang kaso ng yumaong si EJ at maging ng sinasapit ni Nina ngayon.
Si EJ ay 10-anyos nang namatay noong Pebrero 23, 2018. Siya ang ika-30 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya rin ay dating mag-aaral sa isang paaralan sa Cebu at naturukan ng Dengvaxia sa isang health center noong Hulyo 26, 2017. Sa unang linggo ng Disyembre, 2017, nagsimula siyang makaranas ng pananakit ng ulo at pagsusuka. Gayundin, siya ay pinainom ng paracetamol, ngunit pabalik-balik ang pananakit ng kanyang ulo at paminsan-minsang pagsusuka. Nagsimula na rin siyang mangayayat. Noong Disyembre 21, 2017, nag-umpisang magkalagnat si EJ, na nagpatuloy hanggang Disyembre 27 at biglang tumaas noong Disyembre 31, na sinabayan ng pananakit ng ulo.
Nagpatuloy hanggang Enero 3, 2018 ang kundisyong ito ng EJ. Noong Enero 4, nawala ang kanyang lagnat, subalit tuluyang nawala ang kanyang sigla at liksi. Kinabukasan (Enero 5), muli siyang nilagnat, nagkasipon at inubo, kaya dinala siya sa espesiyalista upang mapatingnan. Niresetahan siya ng antibiotics, subalit hindi bumuti ang kanyang kalusugan. Nagpabalik-balik ang kanyang lagnat buong Enero, 2018. Siya ay nanghina at nawalan ng ganang kumain.
Noong Pebrero, 2018, sumama ang kundisyon ni EJ na humantong sa kanyang kamatayan. Narito ang ilan sa mga detalye ng mga kaugnay na pangyayari:
Pebrero 1, 2018 - Dahil sa grabeng ubo at lagnat, hirap siya sa pagtulog. Abnormal ang kanyang paghinga at pagtibok ng puso.
Unang linggo ng Pebrero, 2018 - Isinailalim siya sa skin test at hematology at wala diumanong nakitang abnormalidad sa nasabing tests.
Pebrero 15 at 21, 2018 - Bumilis at lumakas ang pagpintig ng puso ni EJ, madalas din niyang hinahabol ang kanyang paghinga. Muli siyang dinala sa isang health center sa Cebu at bumalik noong Pebrero 21 para sa resulta ng tests na isinagawa kay EJ. Napag-alaman na enlarged diumano ang puso niya. Ni-refer siya ng doktor sa ibang ospital upang ma-confine. Pagdating doon, binigyan sila ng pangalan ng isa pang ospital kung saan doon umano nararapat ipa-admit si EJ, na siya naman nilang ginawa. Isinailalim muli siya sa hematology at x-ray.
Pebrero 22, 2018 - Kinabitan ng oxygen si EJ. Hirap na hirap na siyang huminga na sinamahan pa ng lagnat. Hindi rin siya mapakali.
Pebrero 23, 2018 - Ala-1:00 ng hapon, nagsimula na siyang magwala na parang hindi niya alam ang ginagawa niya at hindi maintindihan ang mga nangyayari sa kanyang paligid. Nagpamalas din siya ng hindi pangkaraniwang lakas. Naging pabugso-bugso ang paghinga niya hanggang sa siya ay tuluyang binawian ng buhay bandang alas-4:15 ng madaling-araw.
Napakahirap tangggapin para sa mga magulang ni EJ na ang huli ay isa nang malamig na bangkay. Anila:
“Noong hindi pa natuturukan si EJ ng bakuna kontra dengue, malikot siyang bata. Siya ay malusog at maliksi kumilos, patakbo-takbo siya at madalas mangulit. Wala siyang naging sakit at hindi nagkaroon ng karamdaman na may kinalaman sa sinasabi nilang sanhi ng kanyang pagkamatay.”
Ayon sa Certificate of Death ni EJ, siya ay namatay dahil sa Cardiopulmonary Arrest Secondary to Myocardial Failure (immediate cause), Rheumatic Heart Disease in Failure Class IV (antecedent cause), subalit anila G. at Gng. Apa:
“Paano siya mamamatay dahil sa sakit sa puso, samantalang wala naman siyang ganu’ng karamdaman? Kabaligtaran ‘yun ng pagiging maliksi niyang bata. Kami ay naniniwala na ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay ay ang itinurok sa kanya na sinasabi nilang libre at bigay ng Department of Health (DOH). Ang tiwala namin sa DOH na mabibigyan ng proteksyon si EJ ay biglang naglaho at napalitan ng pagdaramdam at galit dahil ang naging sanhi ng kamatayan ng aming anak ay ang sinasabi nilang proteksiyon niya.”
Sina G. at Gng. Apa ay lumapit sa PAO dahil hindi nila mapaniwalaan ang dahilan ng kamatayan ni EJ at dahil tulad ng nabanggit, nabakunahan din ng Dengvaxia ang panganay nilang si Nina, at nagsisimula na ring makaramdam ng pananakit ng ulo at katawan. Anila: “Kinakailangan naming malaman kung may epekto ang Dengvaxia sa kalusugan ng aming anak nang magawan namin ng paraan na hindi na muling dumaan pa kay Nina Hope ang pinagdaanan ni EJ.”
Kasama ng pamilya Apa ang PAO, ang inyong lingkod at PAO Forensic Team sa paggawa ng lahat ng paraan na ayon sa batas at sakop ng mandato ng aming tanggapan upang makamit ang katarungan para kay EJ, at mapanatili ang kalusugan ni Nina na nahaharap din sa banta ng panganib na dala ng nasabing bakuna.