14-anyos, nagreklamo ng pananakit ng ulo, hirap huminga at naglabasan ang dugo sa bibig nang naturukan ng Dengvaxia
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 25, 2020
Kapag mahimbing na sa pagkakatulog ang anak, may ngiti sa labi na sinisilayan ito ng kanyang ina. Marahil, ito ang inspirasyon ni Freddie Aguilar sa linyang, “Minamasdan pati pagtulog mo,” sa kanyang kantang Anak. Kung mahihiling lamang ni Gng. Fredeswinda A. Jajalla-Nimura na ganito kapayapa ang araw ng kanyang pamilya noong Nobyembre 8, 2017, marahil ay magdamag siyang hindi matutulog at ilalaan ang bawat segundo sa pagdarasal, mabago lamang ang pangyayari nang petsang ‘yun na tila naging panimula ng papabigat na karamdaman ng mahal niyang anak na si Naomi Jajalla Nimura. Nang araw na ‘yun, nakita ni Gng. Nimura na duguan ang unan ni Naomi habang ito ay natutulog. Nasa ibaba ang detalye ukol dito na may kaugnayan sa trahedyang nangyari kay Naomi.
Si Naomi ay dating mag-aaral sa isang eskuwelahan sa Pasay City, at naturukan ng Dengvaxia sa isang barangay health center sa nasabing lungsod noong Nobyembre 3, 2017. Siya ay 14-anyos nang namatay noong Nobyembre 10, 2017. Gayundin, si Naomi ang ika-33 sa mga naturukan ng Dengvaxia, at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Ito ang naipagtapat ni Gng. Nimura hinggil sa pagkakabakuna sa kanyang anak:
“Si Naomi ay dalawang beses nang nagkasakit ng dengue. Sa awa ng Diyos ay nalampasan niya ang nasabing sakit. Natuwa ako nang nabakunahan siya ng anti-dengue, sapagkat dalawang beses na siyang nagkaroon nito. Ang akala ko, ang nasabing bakuna ang magliligtas sa kanya na dapuang muli ng dengue.”
Noong Nobyembre 6, 2017, tatlong araw matapos siyang mabakunahan, may mga lumabas na pantal sa magkabilang binti niya. Noong Nobyembre 7, 2017, aksidenteng nasugatan ang kanang tainga niya nang sumabit ang suklay na gamit niya sa kanyang hikaw. Dahil hindi tumigil ang pagdurugo nito, dinala siya sa isang ospital sa Pasay City upang malapatan ng lunas. Noong Nobyembre 8, 2017, siya ay muling isinugod sa nasabing ospital dahil nakita ng kanyang ina na duguan ang unan niya habang siya ay natutulog at hindi pa rin tumigil ang pagdurugo ng sugat sa kanyang tainga. Tinahi ang sugat sa kanyang tainga at tinurukan siya ng anti-tetanus, pagkatapos ay pinauwi sila kung saan nagkalagnat si Naomi, kaya pinainom siya ng gamot. Kumain siya ng lugaw bago uminom ng gamot nang umagang ‘yun, ngunit pagsapit ng tanghali ay nagsisigaw si Naomi dahil parang nabibiyak diumano ang ulo nito sa sakit. Nang pumikit siya, tuluyan na siyang nawalan ng malay. Dahil dito, isinugod siya sa isang ospital sa Pasay, at nilagyan ng tubo sa bibig dahil hirap siyang huminga. Walang tigil na lumalabas ang dugo sa kanyang bibig at sabi ng doktor, nakitaan ng pagdurugo ang kanyang bituka at ulo. Ayon naman sa ina ni Naomi:
“Hirap na hirap na si Naomi. Hindi namin malaman kung saan nanggagaling ang mga dugo na lumalabas sa kanya. Halos maubos ang dugo ng anak ko sa kakakuha ng kanyang blood samples para sa napakaraming tests.
“Hindi na tuluyang nagising ang aking anak at na-comatose. Nanatili siya sa ICU ng nasabing hospital sa mga sumunod na araw hanggang siya ay binawian ng buhay noong November 10, 2017.”
Sa pagkamatay ni Naomi, narito ang sinabi ng kanyang ina:
“Ayon sa kanyang death certificate, siya ay namatay dahil sa intracranial hemorrhage bilang immediate cause at myeloid leukemia naman ang underlying cause. Papaanong may ganu’ng sakit ang aking anak, samantalang hindi naman namin siya kinakitaan ng anumang karamdaman na may kinalaman sa ganu’ng uri ng sakit? Napakadali naman ng halos magta-tatlong araw na siya ay magkasakit bago siya bawian ng buhay.
“Noong naglalabasan na ang mga balita tungkol sa mga batang nabakunahan ng Dengvaxia, roon namin naisip na baka ‘yun ang naging dahilan kaya namatay si Naomi dahil ang sintomas na naramdaman niya ay parehas sa mga batang nasuri ng PAO.
“Kaya noong nakita ko sa T.V. ang balita tungkol sa mga batang biktima ng Dengvaxia at ang sabi ng mahal na Pangulong Duterte na lahat ng mga batang namatay na nabakunahan ng Dengvaxia ay ipapa-autopsy, naglakas-loob akong sumulat sa PAO para matulungan si Naomi na mabigyan ng hustisya.
“May mga taga-DOH na nag-imbestiga at pumunta nang dalawang beses sa bahay, pero wala naman silang binabanggit kung ano ang gagawin nila. Kaya sumulat pa rin ako sa PAO upang personal na iparating ang nangyari sa aking anak at umaasa na mabigyan ng hustisya ang mga batang biktima ng Dengvaxia kasama na si Naomi.
“Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia. Kung hindi nabakunahan si Naomi ay nabubuhay pa sana siya ngayon. Kinakailangan nilang managot sa naging kapabayaan nila. Nagsisimula pa lamang siyang magdalaga nang bawian siya ng buhay dahil lamang sa bakuna na sinasabi nilang kontra dengue. Naligtasan niya ang dalawang beses na nadapuan ng dengue, pero nang malagyan siya ng sinasabi nilang pangontra sa dengue, saka siya namatay.”
Mabibigat na salita ang binitawan ni Gng. Nimura. Higit na magpupursige ang aming tanggapan, ang inyong lingkod at PAO Forensic Team na mabigyan, hindi lamang ng gaan ng kalooban kundi maging ng katarungan si Naomi at ang mga naulila.