13-anyos, unti-unting nawalan ng balanse, nalumpo at inoperahan sa ulo saka namatay sa Dengvaxia
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | Septembe 11, 2020
Ang Persons with Disability (PWDs) ay karaniwang may limitasyon sa paggamit ng kanilang kakayahang makadama, makakita, makarinig at makapagsalita, ganundin sa paglalakad at iba pang kakayahan na lubusang nagagamit ng mga taong walang kapansanan. Masasabing malaking hamon para sa kanila at kanilang pamilya ang pang-araw-araw nilang buhay. Gayunman, dahil sa kagitingan ng maraming PWDs at suporta ng kanilang mga mahal sa buhay, hindi lamang sila nakararaos sa araw-araw kundi napagtatagumpayan pa nila ang mga pagsubok. Sa kabila nito ay ang larawan ng mga taong may kapansanan na hindi nakayanan ang mga hamon ng kanilang naging kondisyon, sa halip, ito ay naging dahilan ng kanilang kamatayan. Isa sa mga ito si Jonell Dacquel. Ang nakadaragdag ng sakit ng kalooban sa nangyari kay Jonell ay ang kanyang sitwasyon bilang bata na dati ay lubusang nagagamit ang kanyang pandama at lahat ng bahagi ng kanyang katawan bago nagkaroon ng diperensya ang ilan sa kanyang faculties. Ang pagkawala ng mga kakayahang ito ay nasundan ng pagkawala ng buong buhay ni Jonell.
Si Jonell, anak nina G. Warlito at Gng. Marivic Dacquel ng Nueva Ecija ay 13-anyos nang namatay noong Pebrero 26, 2018. Siya ang ika-31 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak) and increase in severity of dengue disease), na consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.
Si Jonell ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia. Una, noong Abril 4, 2016, pangalawa noong Nobyembre 8, 2016, at panghuli noong Agosto 8, 2017. Siya ay nabakunahan sa isang eskuwelahan sa Nueva Ecija. Nang matapos ang ikatlong turok, may nagbago sa kalusugan ni Jonell. May tumubo rin na bukol sa kanyang mukha malapit sa ilong.
Noong Oktubre, 2017, nagbago rin ang paglalakad niya ̶ nagtitikling-tikling siya at iika-ika ngunit wala naman umanong masakit sa kanya. Natumba rin siya sa eskuwelahan dahil nawawalan siya ng balanse, at sa kanilang bahay, naging parang lasing kung maglakad si Jonell. Nagpatuloy ang ganu’ng uri ng paglalakad ni Jonell hanggang sa mga sumunod na mga araw ay nagsimula na siyang magreklamo ng sakit ng ulo. Nagsusuka rin siya at madalas na sumasakit ang kanyang tiyan. Nilalagnat din siya kaya pinaiinom siya ng kanyang mga magulang ng paracetamol at nawawala naman ang kanyang lagnat. Kapag tinatanong siya kung ano ang pakiramdam niya, wala naman umano siyang nararamdaman. Hindi nawala ang pag-ika-ika ng lakad ni Jonell at bumagsak na rin ang kanyang pangangatawan kaya siya ay dinala sa ospital.
Noong Disyembre, 2017, lumala ang kondisyon ni Jonell. Narito ang ilan sa mga detalye ng mga nangyari sa kanya:
· Disyembre 19, 2017 - Hindi na bumalik ang kanyang balanse kaya siya ay dinala sa isang ospital sa Cabanatuan City at na-confine ng tatlong araw. Naparalisa ang kaliwang bahagi ng kanyang katawan, umurong kanyang ang dila at hirap din siyang umihi. May mga gamot na itinurok sa kanya, ngunit hindi bumuti ang kanyang kalagayan.
· Disyembre 23, 2017 - Inilipat sa isang ospital sa Baguio si Jonell para ipa-check-up. Nagsagawa naman ang mga doktor ng mga eksaminasyon at inuwi si Jonell ng kanyang mga magulang dahil ayaw na niya sa ospital. Sa bahay, tuluyan nang naparalisa si Jonell. Tuluyan na siyang hindi nakalakad at hindi na rin siya makatayo mag-isa at lumala na ang kanyang kalagayan. Hindi na rin maintindihan masyado ang kanyang pananalita dahil nabulol na siya.
Noong Enero, 2018 ang naging kritikal na sandali sa natitirang mga araw ni Jonell na humantong sa kanyang kamatayan. Noong Enero 13, 2018, dinala ulit si Jonell sa ospital sa Baguio na dating pinagdalhan sa kanya at naoperahan siya sa ulo. Ang sabi ng doktor, kailangan siyang maoperahan dahil mayroon umanong tubig sa kanyang ulo at kailangan itong maalis. Pagtatapat ng kanyang mga magulang:
“Pumayag kaming maoperahan si Jonell dahil gusto pa naming madugtungan ang kanyang buhay.
“Hindi pa rin pinalad ang aming anak dahil ilang araw lang matapos siyang mailabas mula sa ospital pagkatapos ng kanyang operasyon ay binawian din siya ng buhay.”
Mapait na nasaksihan ng pamilya ni Jonell kung paano siya nawalan ng kapasidad na makalakad at makapagsalita – gayung isinilang siya nang walang kapansanan –hanggang sa siya ay bawian ng buhay. Anang kanyang mga magulang:
“Ang bata na dati ay masigla at mahilig magbasketball ay hindi na tuwid kung lumakad. Nawalan na siya ng balanse, kaya naman hindi na siya makapaglaro ng paborito niyang laro. Madalas naming tanungin ang aming sarili, ano ang nangyari sa anak namin?
“Malaki ang paniniwala naming mag-asawa na ang itinurok na bakuna kay Jonell kontra dengue ang naging dahilan ng maagang kamatayan niya.
“Naging kaawa-awa ang aming anak. Nalumpo siya at nahirapan nang husto at sa kakapusan ng pera ay hindi man lang namin siya nabigyan ng lunas. Nasaan ang sinasabi nilang proteksiyon sa mga bata kaya minadali nila itong iturok sa kanila? Namatay ang aming anak nang napakaaga, samantalang sa nakalipas na 12 taon bago siya naturukan ng bakuna kontra dengue ay wala naman siyang naging malubhang karamdaman. Isa lang ang naiba sa kanya, siya ay naturukan ng Dengvaxia.”
Humingi ng tulong sina G. at Gng. Dacquel sa PAO, sa inyong lingkod, at sa PAO Forensic Team upang mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Jonell. Ginagawa namin ang lahat ng aming makakaya sa kaparaanang legal, upang makamit para kay Jonell ang hustisyang hindi napaparalisa, bagkus ay kumikilos para sa mga biktima.