ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | November 27, 2020
Sa pag-alis ng matitinding bagyong Rolly at Ulysses sa bansa, muling sumilay ang araw sa kalangitan. Noong Nobyembre 24, 2020, wari ay pinakamainit ang sikat ng araw sa Quezon City, na tila nagpapahayag ng maalab na pagsalubong sa amin sa Prosecutor’s Office at Regional Trial Court (RTC) Branch 107. Sa nabanggit na tanggapan ng prosekusyon, naganap ang panunumpa sa Complaint-Affidavit ng mahigit 100 complainants (magulang ng Dengvaxia vaccinees) laban kay dating DOH Secretary Janet Garin at iba pang mga akusado sa pagkamatay ng mahigit isandaang biktima, karamihan ay mga bata at pagkakasakit ng severe hemorrhagic dengue ng isang Dengvaxia survivor. Kasama sa nasabing complainants sa DOJ sina G. Adel at Gng. Vilma Hinayon ng Bulacan, mga magulang ni Aldrin S. Hinayon.
Sa RTC Branch 107 naman ang pagbasa ng sakdal at arraignment sa mga nasasakdal ngayong araw.
Si Aldrin ay 12-anyos nang namatay noong Abril 3, 2018. Siya ang ika-42 sa mga naturukan ng Dengvaxia, at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Aldrin ay nabakunahan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan. Bago nangyari ito, si Gng. Hinayon ay may pinirmahang papel na nagsasaad na tuturukan si Aldrin ng bakuna na sinasabing pangontra sa kagat ng lamok. Si Gng. Hinayon ay nasa eskuwelahan ni Aldrin nang turukan siya ng nasabing bakuna noong Marso 29, 2016. Aniya, “Maayos naman ang naging kalagayan ni Aldrin matapos siyang maturukan ng nasabing bakuna. Ikinatuwa ko ‘yun at hinintay ko pa ang pangalawang turok na sa hindi malamang kadahilanan ay hindi naman nangyari.”
Noong Disyembre 5, 2017, nabalian ng buto sa kanang kamay si Aldrin. Bumagsak siya nang siya ay tumalon sa pader sa kanilang eskuwelahan at naitukod ang kanyang kanang kamay kaya nabali. Sinemento ang nabaling kamay, at tinanggalan ito ng semento noong Enero 25, 2018. Matapos nito, napansin ni Gng. Hinayon na si Aldrin ay nangangayayat, bagama’t malakas itong kumain. Pagdating ng Marso 2018, nadagdagan ang mga nararamdaman ni Aldrin. Narito ang kaugnay na mga detalye:
1. Unang linggo ng Marso, 2018 - Nagkaroon si Aldrin ng sinat at binigyan siya ng kanyang ina ng Biogesic at nawala naman ito. Subalit, matapos ang isang linggo, sumakit ang kanyang dibdib. Sumunod na linggo, may lumabas na maliliit na bukol sa kanyang leeg at inubo at hiningal siya. Habang inuubo, lumalaki rin ang kanyang mga kulani. Ipinagtapat ni Gng. Hinayon na hindi siya nadala agad sa doktor dahil sa hinihintay pa nila ang sahuran.
2. Marso 27, 2018 - Nang may pera na ang mga magulang ni Aldrin, dinala siya sa doktor. Nang makainom ng mga iniresetang gamot si Aldrin, bahagyang nabawasan ang kanyang pag-ubo, pero sa pagdaan ng mga araw ay tumindi naman ang paghihingal niya. Sinabi niyang mayroong bumabara sa kanyang lalamunan at sumasakit ang mga bukol na tumubo sa kanyang leeg.
3. Abril 1, 2018 - Nakaranas siya ng matinding paghahabol ng hininga at pagtatae.
4. Abril 2, 2018 - Dinala siya sa isang ospital sa Bulacan at sinabihan sila na isasailalim sa x-ray at ultrasound si Aldrin. Naisailalim siya sa x-ray, subalit hindi napa-ultrasound dahil may kamahalan ito. Nagpatuloy ang masamang kalagayan ni Aldrin at pagdating ng gabi ay nagreklamo siya ng labis na hirap sa paghinga at pananakit ng tiyan.
5. Abril 3, 2018 - Hirap siyang huminga. Nagreklamo rin siya ng pananakit ng tiyan at dibdib na namumula at namamaga na rin. Nakitaan din siya ng senyales ng pagkakuba at naisip ng kanyang mga magulang na maaaring dala ito ng hirap niya sa paghinga kaya isinugod nila si Aldrin sa isang ospital sa Caloocan City. Agad siyang binombahan at kinabitan ng oxygen. Dahil hindi sapat ang ikinabit na oxygen upang tulungan siya sa paghinga, tuluyan siyang kinabitan ng tubo o in-intubate. Tinanggal ni Aldrin ang ikinabit na tubo at sinabi ng doktor na tumigil ang pagtibok ng kanyang puso. Bumalik ang pagtibok nito nang muli siyang ma-intubate. Alas-4:00 ng hapn nang muli siyang mag-agaw-buhay, ngunit na-revive siya ng mga doktor. Sa pangatlong pagkakataon, nag-agaw-buhay siya at 30 minuto siyang sinubukang i-revive, ngunit sa kasamaang-palad ay tuluyan na siyang binawian ng buhay bandang alas-5:00 ng hapon.
Sa pagpanaw ni Aldrin, nasabi ng kanyang mga magulang ang sumusunod:
“Maayos ang kalusugan ni Aldrin at hindi pa siya nadadala sa ospital mula nang siya ay bata at bago siya maturukan ng bakuna kontra dengue. Malikot din siya at galaw nang galaw kaya nakapagtataka na sa loob ng maikling panahon ng pagkaka-ospital ay binawian siya ng buhay.
“Sa mga naglalabasang balita, nalaman namin na ang mga batang naturukan ng Dengvaxia bago sila mamatay ay nakaranas ng parehong naranasan ng aming anak. Malaki ang paniniwala naming mag-asawa na ang itinurok na bakuna kay Aldrin ang dahilan ng kanyang maagang kamatayan.
“Nahirapan siya nang husto at sa kakapusan ng pera ay hindi man lang namin siya nabigyan ng lunas.”
Mariin pa nila itong naitanong, “Nasaan ang sinasabi nilang proteksiyon sa mga bata kaya nila minadali itong iturok?” Ang tanong na ito ay hindi lamang nila inihahanap ng kasagutan kundi ng katarungan — sa tulong ng aming tanggapan, ng inyong lingkod, ng special panel of public attorneys at ng PAO Forensic Team. Ang mga naganap sa Prosecutor’s Office at RTC-Branch 107 ay mahahalagang hakbang sa pagkamit ng hustisyang inaasam.