ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 30, 2020
“Wala na akong kasamang mangangarap,” ito na marahil ang isa sa masasakit na pahayag na narinig namin mula sa mga kliyente ng Public Attorney’s Office (PAO). Bagama’t salat sila sa materyal na mga bagay, sagana naman sa mga pangarap na nagbibigay sa kanila ng inspirasyon. Ngunit paano na kung pati ang pangangarap ay naghahatid na sa kanila ng kalungkutan sa halip na katuwaan? Nasa ganitong sitwasyon ngayon si Aling Fausta Gasilla. Aniya:
“Maraming magagandang pangarap sa buhay ang aking anak na si Christine, kaya labis ang aking pagdadalamhati sa kanyang biglaang pagkawala. Sa kanya ako humuhugot ng lakas dahil madalas niya akong sabihan na kapag siya ay nakapagtapos ng pag-aaral ay matutulungan na niya ako at hindi ko na kailangan pang maglabada. Labis ang aking kalungkutan dahil wala na akong kasamang mangangarap.”
Ang anak niyang si Christine Joy Gasilla Asuncion ay 12-anyos nang namatay noong Marso 15, 2018. Siya ang ika-38 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Christine ay naturukan sa kanilang paaralan ng nasabing bakuna noong Hunyo 22, 2016. Narito ang pahayag ni Aling Fausta ukol sa pagkakabakuna kay Christine noong araw na ‘yun:
“Bago maturukan si Christine Joy, mayroon siyang pinapirmahan na papel na ipinadala ng eskuwelahan. Siya raw ay babakunahan kontra sa dengue. Noong araw na bakunahan siya, sinamahan ko siya sa kanyang eskuwelahan. Tinanong ko sa nagtuturok ng bakuna kung para saan ‘yun, ang tugon naman niya ay para sa proteksiyon laban sa dengue. Sa paniniwalang makabubuti kay Christine ang nasabing bakuna, pumayag akong maturukan siya.”
Noong mga unang linggo ng Pebrero 2018, nagsimula siyang makaramdam ng pananakit ng tiyan, ulo, kasukasuan, lalamunan at ng buo niyang katawan, gayundin, siya ay nilagnat at nagsusuka. Pinainom ni Aling Fausta si Christine ng Biogesic at medyo bumaba naman ang lagnat nito. Subalit, pagkatapos nito ay naging pabalik-balik na ang lagnat, pananakit ng tiyan at buo niyang katawan. Napansin din ni Aling Fausta na naninigas ang tiyan ni Christine na parang kinakabagan. Nilagyan niya ng "Acete de Manzanilla" ang tiyan ni Christine, at nawala nang bahagya ang pananakit pero nang sumunod na mga araw ay hindi na siya makadumi. Binilhan siya ni Aling Fausta ng prutas na makatutulong para makadumi. Bagama’t nakadumi si Christine, isang beses lamang ito.
Marso, 2018 ang naging kritikal na panahon sa nalalabing mga araw ni Christine. Narito ang kaugnay na mga pangyayari hinggil dito:
· Marso 9, 2018 – Dinala ni Aling Fausta si Christine sa isang ospital sa Quezon City dahil namimilipit ang huli sa sakit ng tiyan. Tinanggihan sila roon dahil wala diumanong doktor at hindi sa kanila pina-check-up si Chrstine. Ayon kay Aling Fausta, “Dahil sa naglalabasang balita na ang mga ospital ng gobyerno na mayroong priority lane para sa mga nabakunahan ng Dengvaxia, binanggit ko na may bakuna si Christine pero ang sabi nila ay huwag intindihin ang Dengvaxia dahil wala ‘yung kinalaman sa sakit ng aking anak.” Hindi tinanggap sa nasabing ospital si Christine at iniuwi siya sa kanilang bahay.
· Marso 13, 2018 ̶ Lumala ang kondisyon ni Christine, kaya dinala siya sa isa pang ospital sa Quezon City. Palaging binabanggit ni Aling Fausta na nabakunahan ng Dengvaxia si Christine, pero tulad ng sinabi sa naunang ospital na pinagdalhan, walang kinalaman ang Dengvaxia sa sakit ng kanyang anak. Sa dalawang araw na pamamalagi sa naturang ospital, nalaman ni Aling Fausta na may leukemia diumano si Christine. Aniya, “Nagtaka ako kung papaano magkakasakit ng leukemia si Christine, samantalang masigla siyang bata at hindi pa na-ospital kahit kailan.” Dahil sa nasabing sakit, lumalaki ang atay at lapay ni Christine, kaya malaki rin ang tiyan nito.
· Marso 15, 2018 ̶ Pumanaw si Christine. Naiwan niya ang kanyang buong pamilya na nagdadalamhati, ngunit handang ipaglaban ang kanyang naging kamatayan. Ani Aling Fausta:
“Maayos ang kalusugan ni Christine bago siya maturukan ng bakuna kontra dengue. Isa siyang masigla at aktibong bata, subalit nagbago ang lahat nang mabakunahan siya dahil naging sakitin na siya.
“Ano’ng klaseng gamot ang ibinigay nila kay Christine para makitil ang kanyang buhay sa murang edad? Dahil hindi ako naniniwalang namatay ang aking anak sa sakit na sinasabi ng mga doktor, napagdesisyunan kong humingi ng tulong kay Atty. Persida V. Rueda-Acosta upang isailalim sa forensic examination ang katawan ng aking anak para malaman ang naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan. Akin ding hinihiling na masampahan ng kaukulang kasong sibil, kriminal at administratibo ang mga taong responsable sa kanyang pagkamatay.”
Agad na isinagawa ng PAO Forensic Team ang nasabing examination at patuloy naman ang serbisyo-legal na ibinibigay ng aming tanggapan, ng inyong lingkod at kasamang mga public attorneys. Makikita sa kaso ni Christine na naganap na naman ang pangyayari na bagama’t mayroong tinaguriang priority lane para sa Dengvaxia vaccinees, hindi pa rin binigyan ng halaga ang sinasabi ng magulang ng biktima. Tila iba ang pakahulugan ng mga ospital na pinagdalhan kay Christine sa salitang “priority,” at ‘yun ay kabaligtaran ng agarang aksiyon at medikasyon ̶ ito at iba pang mga legal na rason ay sapat na mga dahilan upang ipaglaban ang kaso ni Christine.