Dengvaxia, sinisisi ng pamilya at kaibigan ng pulis na pumanaw dahil sa bakuna
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | November 20, 2020
Ang isang tunay na kaibigan ay hindi nang-iiwan. Napatunayan ito ni Aling Nelia Blanza Roxas ng Quezon City kay SPO2 Vicente T. Arugay, Sr., at maging sa pamilya ng huli, mga kaibigan, at kakilala. Ang katapatang ito ay patuloy na nabubuhay sa puso ni Aling Nelia, bagama’t pumanaw na si SPO2 Arugay. Masasabing pinagtitibay ang katapatang-loob na ito ni Aling Nelia ang kamatayan ng nasabing pulis, sapagkat siya ang buhay na saksi sa nangyari sa kanyang yumaong kaibigan —na bagama’t bahagi ng kapulisan at isa pa ngang opisyal— ay nabigo na ipagtanggol ang sarili sa kapahamakan.
Si SPO2 Arugay ang ika-41 sa mga naturukan ng Dengvaxia, at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si SPO2 Arugay ay kakilala ni Aling Nelia sa loob ng 19 taon. Aniya, “Ako ay nagbibigay ng aking salaysay upang patotohanan na si Vicente Arugay, Sr. ay naturukan ng Dengvaxia base sa kanyang deklarasyon sa akin noong siya ay nabubuhay.”
Pinatatag ng panahon ang pagkakaibigan nila. Naging malapit silang magkaibigan kaya ayon kay Aling Nelia, “Nasasabi niya sa akin ang mga kaganapan sa buhay niya. Mabuti man ito o masama ay naibabahagi niya.” Nakilala niya ang butihing pulis dahil ang police station na pinapasukan nito ay malapit sa kantina na binabantayan ni Aling Nelia. Aniya, “Madalas dumaan sa aking kantina si Vicente upang kumain at makipagkuwentuhan.” Noong Agosto 31, 2017, ang pinagtapat ni SPO2 Arugay kay Aling Nelia sa nasabing kantina ay masasabing babala sa kinahantungan ng naturang pulis. Ayon kay Aling Nelia:
“Sinabi niya sa akin na hindi maganda ang kanyang mga nararamdaman. Wika nga niya na ang masamang nararamdaman niya ay marahil sanhi ng pagbabakuna sa kanya ng Dengvaxia. Ayon pa sa kanya, dalawang beses siyang naturukan ng nasabing bakuna na isinagawa sa (isang kampo) at sa tuwing nabakunahan siya nito ay nakararamdam siya ng pagkaginaw.”
Ikinagulat ni Aling Nelia ang kanyang narinig. Sinabihan pa niya ang kaibigang pulis na nakikisabay ito sa uso hinggil sa pagtanggap ng Dengvaxia, at hindi naman ito bata para tumanggap ng nasabing bakuna. Kaugnay nito, ibinahagi ni Aling Nelia ang ipinagtapat sa kaniya ni SPO2 Arugay:
“May office memorandum diumano na ibinaba ang kanilang opisina hinggil sa pagtuturok ng Dengvaxia sa kapulisan. Sambit pa niya na hindi lang siya sa sangay ng kapulisan ang naturukan ng Dengvaxia dahil marami rin sa mga kasamahan niya sa trabaho ang naturukan nito.”
Natapos ang pag-uusap nilang ‘yun ay madalas nang may nararamdaman si SPO2 Arugay na hindi maganda sa kanyang kalusugan. Oktubre 2017 noon, at ayon kay Aling Nelia, sa tuwing sila ay nagkikita, sinasabi ni SPO2 Arugay na “Madalas sumakit ang kanyang katawan at mga kasukasuan, lalo na ang kanyang mga paa. Nakararamdam din diumano siya ng pagsakit ng balakang. Sinabi rin niya na masakit ang kanyang ulo at parang nabablangko ang kanyang pag-iisip tuwing sumasakit ang kanyang ulo. Sinabi pa niya na dumadalas na rin ang pagkakaroon niya ng lagnat.” Napansin din ni Aling Nelia na hindi na maayos ang paglalakad niya. Mariing ipinahayag ni Aling Nelia, “Sa mga panahong nagkukwento siya sa mga kakaibang nararamdaman niya sa katawan ay lagi niyang sinasabi at nagtatanong sa akin na ang mga ito ay dahil sa Dengvaxia.”
Bandang Pebrero 2018, nagsabi sa kanya ang kaibigang pulis na tumitindi na ang mga sakit na nararamdaman niya sa kanyang katawan. Sumasakit diumano ang kanyang ulo at parang tinutusok-tusok. Ang mga paa diumano niya ay laging sumasakit, lalo na ang kaliwang paa niya, at namamanhid diumano ito at hirap na siyang maglakad. Walang kinamalayan si Aling Nelia na nang mga panahong ‘yun ay malapit nang mawalan ng buhay si SPO2 Arugay. Nang mamatay ito ay ikinagulat ni Aling Nelia ang sinasabing sanhi ng biglaang pagpanaw ng kanyang kaibigan na leptospirosis. Narito ang naging reaksiyon ni Aling Nelia:
“Nakapagtataka ito dahil nang mga panahon na ‘yun ay wala namang baha, at wala rin naman siyang sugat. Kaya nang dumalaw ako sa burol ni Vicente, sinabi ko sa asawa niya na si Jane na hindi kaya dahil sa Dengvaxia, kaya biglaan siyang namatay. Nasabi ko ‘yun dahil ang mga sinasabi ni Vicente na nararamdaman niya ay kapareho ng mga nararamdaman ng mga batang naturukan ng nasabing bakuna.”
Ang kaso ni SPO2 Arugay ay kasama na ngayon sa mga kasong may kaugnayan sa Degvaxia na hinahawakan ng aming opisina. Ang salaysay na ipinagkaloob at ipinagkatiwala ni Aling Nelia sa PAO, sa inyong lingkod, at PAO Forensic Team ay nagsisilbing sandata para sa katotohanan at katarungan upang maipagtanggol ang natatanging mga karapatan ng yumaong si SPO2 Arugay at kanyang pamilya. Handa rin si Aling Nelia na buong tapang na magbahagi ng mga kaugnay na mga detalye sa korte kung kinakailangan.
Ang kapulisan na kinabibilangan ni SPO2 Arugay ay itinuturing nating frontliners sa mga laban ng ating lipunan sa kriminalidad, kaguluhan at iba’t ibang mga sakuna. Sa panahon ngayon na tila nagpapaalala sa trahedyang naganap sa yumaong butihing pulis at tulad niyang mga biktima, aking ipinagdarasal na gabayan ang mga kinauukulan upang magkaroon ng tamang desisyon. Sila nawa ay kumilos din nang naaayon sa kapasyahang isinasaalang-alang ang kaligtasan ng mamamayan— lalo na ‘yung mga nasa unang pulutong o pangkat na naatasang tumugon sa oras ng kagipitan at itinuturing na vulnerable sectors na nagiging biktima sa panahon ng kagipitan at ng panggigipit— may sakuna man o wala.