Hirap huminga at nanakit ang katawan bago namatay sa Dengvaxia
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | February 5, 2021
Mainit na napag-uusapan ang tungkol sa iba’t ibang anti-COVID vaccines na nilikha dahil sa nagaganap na pandemya. Kaugnay nito, may mga tao na nag-aalala tungkol sa kaligtasan ng nasabing bakuna dahil sa trahedyang naranasan ng mga naging biktima ng Dengvaxia. Dahil dito, nagkakaroon ng “vaccine hesitancy,” at sa PAO ito isinisisi ng ilang personalidad na konektado sa naganap na indiscriminate vaccination ng nasabing anti-dengue vaccine. Muli kong lilinawin, ang PAO at inyong lingkod ay hindi laban at hindi tumatanggi sa mga bukana na subok na ang bisa at kaligtasan. Bakit sa PAO isinisisi ng nasabing mga personalidad ang pag-aalinlangan sa pagpapabakuna ng anti-COVID vaccine? Dahil ba wala silang matibay na depensa sa mga kasong isinampa sa kanila? Kung nais nilang bumalik ang tiwala ng publiko sa mga bakuna, ipakita nila at ng mga kinauukulan na ang hustisya na nararapat sa mga nasabing biktima ay maipagkakaloob sa kanila. Sa pamamagitan nito, maipababatid ang mensahe na ang pamahalaan ay hindi sumasang-ayon sa kawalan ng ganap na pag-iingat sa pagturok ng Dengvaxia, at higit sa lahat, laging pahahalagahan nito ang kalusugan at kaligtasan ng mga mamamayan.
Ang pahayag kong ito ay isa lamang paglilinaw dahil tila nais nilang iligaw ang isipan ng sambayanan. Gayunman, ang kontrobersiya na pilit nilang iniuugnay sa inyong lingkod, sa PAO Special Panel of Public Attorneys, mga doktor at staff ng PAO Forensic Laboratory Division (PAO-FLD) ay hindi nakaaapekto sa aming masigasig na pagganap ng aming mandato at kautusan ng Department of Justice (DOJ), partikular sa mga kasong may kaugnayan sa Dengvaxia. Kaugnay nito, may mga labi na ng 161 na naturukan ng Dengvaxia at namatay ang sumailalaim sa forensic examination ng PAO-FLD (as of January 2021). Ang 100 na criminal complaints sa DOJ ay sumasailalim na sa preliminary investigation, at counterpart na 100 civil cases ay inihahanda na ng PAO Special Panel of Public Attorneys upang maisampa sa Regional Trial Court ng Quezon City. Para sa lahat ng mga ito, kay Mark A. Secondez at katulad niyang mga biktima, tuluy-tuloy lamang ang aming sigasig.
Si Mark ay 12-anyos nang namatay noong Abril 24, 2018. Siya ang ika-50 sa mga naturukan ng Dengvaxia, at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Mark ay naturukan ng Dengvaxia noong Hunyo 23, 2016 sa kanilang eskuwelahan. Ayon sa mga magulang niyang sina G. Romualdo at Gng. Rosalie Secondez ng Rizal, “Maayos ang kalusugan ni Mark bago siya maturukan ng nasabing bakuna kontra dengue. Masigla siyang bata na mahilig maglaro ng basketball. Kami ay naudyukang pumayag na maturukan siya ng bakuna kontra dengue dahil kami ay sinabihan na ang nasabing bakuna ay makabubuti sa kanya. Pinabakunahan ko ang dalawa sa aking mga anak na sina Mark at Angel ng nasabing libreng bakuna mula sa Department of Health.”
Sa iba’t ibang petsa ng Abril 2018, narito ang ilan sa mga naranasan ni Mark bago siya binawian ng buhay:
Abril 19, 2018 - Sumakit ang tiyan ni Mark, at animo ay nasusuka pero wala naman siyang isinusuka. Nilagnat siya kaya pinainom siya ng paracetamol. Nawala naman ang kanyang lagnat.
April 20, 2018 - Sumakit ang kanyang kaliwang tuhod kaya pinainom siya ng Mefenamic Acid. Nawala naman ang pananakit, subalit matapos ang limang oras, muling bumalik ang pananakit na nagpatuloy nang mga sumunod na araw.
April 22, 2018 - Nagkaroon siya ng kulani sa kanyang kaliwang singit. Namaga na rin ang kanyang kaliwang tuhod.
April 23, 2018 - Siya ay pinatingnan sa doktor. Masakit ang tiyan niya, kaya binigyan siya ng Buscopan, Pedia Lite at Maalox na pinainom naman lahat sa kanya ng kanyang mga magulang, subalit hindi naibsan ang kanyang nararamdamang sakit, sa halip, lalo pang lumubha ang kanyang kalagayan. Nagsimula na siyang magsuka ng parang plema pero wala naman siyang ubo. Nahirapan na siyang huminga at hingi siya nang hingi ng tubig.
Abril 24, 2018 - Dinala siya sa ospital, pero bago siya dalhin doon, sumasakit na ang kanyang buong katawan at hirap na hirap na rin siyang huminga. May lumabas pang rashes sa kanyang mga hita. Nilagyan siya ng oxygen at sinimulang bombahin ang kanyang dibdib. Tumagal ang pagbomba nila sa dibdib ni Mark ng 30 minuto, subalit hindi na nakayanan pa ni Mark at siya ay binawian ng buhay ng alas-3:00 ng madaling-araw ng Abril 24, 2018. Anang kanyang mga magulang sa kanyang pagkamatay:
“Maraming magagandang pangarap sa buhay ang aming anak, kaya labis naming ipinagdadalamhati ang kanyang biglaang pagkawala. Palaisipan sa aming mag-asawa kung anong klaseng gamot ang ibinigay nila kay Mark para bawian siya ng buhay sa kanyang murang edad.
“Hindi namin akalain na ito rin ang magiging ugat ng kanyang kamatayan. Dengvaxia vaccine lamang ang kakaibang gamot na itinurok sa kanya. Ito ay sa kabila ng sinasabi nilang ang Dengvaxia na itinurok sa aming anak ay magbibigay-proteksiyon sa kanya. Kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ay bigla na lamang nagbago ang estado ng kanyang kalusugan.”
Naniniwala sina G. at Gng. Secondez na may kapabayaang naganap sa nasabing pagbabakuna kay Mark, katulad diumano ng kawalan ng pagsusuri kung angkop sa kanya ang Dengvaxia. Dahil dito, nais nilang mapanagot sa batas ang mga responsable sa pagkamatay ni Mark, sa tulong ng PAO, ng inyong lingkod at PAO-FLD. Hindi namin sila bibiguin, patuloy naming gagampanan ang aming tungkulin, alinsunod sa aming mandato at pagpapahalaga sa dignidad ng tao — maging sa kanila na sumakabilang buhay na.