Namanas ang iba't ibang parte ng katawan at lumaki ang atay bago namatay sa Dengvaxia
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | February 26, 2021
Sa paghawak namin ng mga kasong may koneksiyon sa Dengvaxia vaccine, isa sa mga naging malaking palaisipan sa mga magulang ay ang pagbabago ng kalagayan ng kalusugan ng naturukan nilang mga anak. Ang bakunang inaasahan na magpapatatag ng resistensiya ng kanilang mga anak ay siya pang pinaniniwalaan nila na naging sanhi ng matindi nilang sakit, kumplikasyon at kamatayan. May kaugnayan dito ang sinabi ng mag-asawang Alberto Aberia at Maria Rosario Lariosa hinggil sa nangyari sa anak nilang si Aldrid Aberia. Anila:
“Ang ipinagtataka namin ay bakit nagkaroon ng grabeng sakit si Aldrid, samantalang napakalusog naman niyang bata? Nagsimula lamang siyang makaramdam ng pagkahilo noong matapos na siyang mabakunahan ng Dengvaxia vaccine. Malusog siya at walang idinadaing na sakit sa kanyang katawan mula nang bata siya. Sa katunayan ay kumpleto ang kanyang mga bakuna. Kung mayroon man siyang karamdaman ay ‘yung kanyang asthma at nakakaya naman ito ng kanyang katawan.”
Si Aldrid ay 11-anyos nang namatay noong Mayo 4, 2018 sa isang ospital sa Quezon City. Siya ang ika-53 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Aldrid ay naturukan ng Dengvaxia noong Oktubre 26, 2017 sa isang health center sa Las Piñas. Sa pagkakabakuna sa kanya, sabi ng kanyang mga magulang, “Walang magulang ang aayaw na mabigyan ng proteksiyon ang kanyang anak mula sa dengue, lalo pa nga at programa ng gobyerno ang pagpapalaganap ng nasabing bakuna.”
Narito ang mga naranasan at naging karamdaman ni Aldrid bago siya binawian ng buhay:
Enero 18, 2018 - Sumakit ang kanyang ulo at nahihilo rin siya.
Pebrero 6, 2018 - Dahil sa pabalik-balik niyang pagkahilo, dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang ospital sa Maynila. Isinailalim siya sa laboratory examinations at sinabi na mayroon diumanong dengue si Aldrid. Nanatili sila sa ospital ng tatlong araw hanggang sa bumuti ang kalagayan niya at pinalabas na siya ng ospital.
Pebrero 18, 2018 - Siya ay nagsuka, nahilo at namaga ang mga mata, ganundin ang kanyang kanang pisngi, kaya muli siyang itinakbo sa pinagdalhan sa kanyang ospital sa Maynila. Namanas ang kanyang mga paa, lumaki ang kanyang tiyan at bayag. Ang sabi sa ospital, mayroong diperensiya ang kanyang kidneys, kaya ‘yun ang binabantayan nila. Nagtagal sila sa nasabing ospital ng 10 araw.
Marso 2-4, 2018 - Ni-refer sila sa isang ospital sa Quezon City dahil wala diumanong Nephro sa naturang ospital sa Maynila. Habang nasa ospital na ito, unti-unting nawala ang manas ni Aldrid, subalit hindi lumiit ang kanyang tiyan. Ang sabi sa ospital ay lumaki diumano ang kanyang atay kaya malaki ang kanyang tiyan. Nanatili sila roon hanggang si Aldrid ay binawian ng buhay noong Mayo 4, 2018.
Sa pagkamatay ni Aldrid, narito ang sinabi ng kanyang mga magulang:
“Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia sa aming anak na si Aldrid at ng iba pang mga bata. Kung hindi nabakunahan si Aldrid ay nabubuhay pa sana siya ngayon at maipagpapatuloy pa namin ang mangarap na maski papaano ay mapag-aral namin siya at makahaon kami sa kahirapan. Kinakailangan na may managot sa naging kapabayaan ng mga taong nagbakuna kay Aldrid. Dapat lang na managot sila sa kanilang kapabayaan.”
Buo ang kalooban ng mga magulang ni Aldrid na panagutin ang mga taong responsable sa pagkamatay niya. At sa pagsasagawa ng mga legal na hakbang na makatutulong upang makamtan ang katarungan sa naganap na kapabayaan, ang Public Attorney’s Office, ang inyong lingkod, ang special panel of public attorneys at mga doktor at kawani ng PAO Forensic Laboratory Division ay kasama ng pamilya ni Aldrid sa kanilang laban.