ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | March 19, 2021
Lahat ng kanilang makakayanan ay gagawin ng mga magulang upang mapabuti ang kanilang mga anak. At sa panahon na nalalagay sa panganib ang kanilang mga anak, higit na pagsisikap at pagpupursigi ang kanilang ginagawa, maisalba lamang sila sa kapahamakan. Ganito ang ginawa nina Argel Sam R. Racuya at Lara Nina R. Garces sa kanilang anak na si Kianah Mae G. Racuya.
Si Kianah Mae ay naturukan ng Dengvaxia noong Agosto 20, 2017 sa kanilang barangay health center. Dapat ay susundan ng pangalawang turok noong Pebrero 26, 2018, subalit ayon sa kanyang mga magulang, “Hindi na namin itinuloy ‘yun dahil natakot na kami dahil sa mga naglabasang balita tungkol sa masamang epekto ng Dengvaxia.” Kaugnay nito, siniguro nila na nabibigyan ng vitamins at napapakain ng gulay at prutas si Kianah Mae. Palagi rin nila itong pinaiinom ng tubig. Anang mag-asawa, “Talagang binigyan namin siya ng sapat na atensiyon para malabanan ang nasa katawan niyang bakuna kontra dengue. Hindi naman namin siya kinakitaan ng pananamlay o kawalan ng gana sa pagkain. Malusog pa rin naman siya kaya naging panatag ang kalooban namin.” Kung nagtuloy-tuloy ang mga nasabing positibong obserbasyon nila sa kalusugan ng kanilang anak, posibleng kasama pa rin nila ngayon si Kianah Mae. Subalit, ang mga naramdaman pala nitong sakit ng tiyan at ulo noong Pebrero 2018 ay pagbabadya na ng magiging seryoso niyang kondisyon, na humantong sa kanyang kamatayan.
Si Kianah Mae ay 13-anyos nang namatay noong Mayo 8, 2018 sa isang ospital sa Cebu City. Siya ang ika-56 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Pagkatapos siyang mabakunahan ng Dengvaxia noong Agosto 20, 2017, at maganap ang mga pangyayaring nabanggit sa itaas, sa mga sumusunod na petsa ng Mayo 2018, nagkaroon ng pagbabago sa katawan ni Kianah Mae. Ang mga ito ay lubhang nakaapekto sa kanyang kalusugan at nauwi sa kanyang kamatayan. Narito ang ilan sa mga kaugnay na pangyayari:
Mayo 5, 2018, tanghali - Sumakit ang ngipin ni Kianah Mae, may tumubo diumano na wisdom tooth. Sinabi ng kanyang mga magulang, normal lamang na may maramdaman na sakit kapag may tumutubo na wisdom tooth.
Mayo 6, 2018, madaling-araw - Sumakit ang kanyang dibdib at nahirapan siyang huminga. Lumalabo rin ang kanyang paningin at siya ay nahihilo. Inireklamo rin niyang namamanhid ang kanyang mga kamay. Ipinahilot niya ang mga ito na hinilot naman ng kanyang mga magulang at pagkatapos nu’n ay nawalan na siya ng malay. Hinimas-himas ng kanyang mga magulang ang buong katawan niya ng efficascent oil hanggang sa bumalik ang malay niya. Nagpatawag ang kanyang mga magulang ng ambulansya upang may masakyan sila papunta sa ospital, ngunit habang hinihintay nila ito ay nawalan ulit ng malay si Kianah Mae. Inireklamo niya ang pananakit ng kanyang dibdib. Hinilot siya ng kanyang mga magulang hanggang sa bumalik ang malay niya, at dinala na siya sa isang ospital sa Cebu City. Nilagyan siya ng oxygen dahil hirap siyang huminga, subalit nang malagyan siya ng oxygen, nagsuka siya at nagkaroon ng mga bula sa kanyang bibig. Sinabihan ng mga doktor ang kanyang mga magulang na siya ay ilipat sa isang ospital kung saan ay mas mabibigyan siya ng masusing monitoring, at para malaman ang dahilan kung bakit hindi siya makahinga. Pagdating ng alas-8:00 ng umaga, inilipat siya ng ospital. Walang makuhang blood pressure sa kanya at ayon sa mga doktor, mababa diumano ang oxygen sa kanyang dugo kaya nahihirapan siyang huminga at nananakit ang kanyang dibdib. Dahil dito, nilagyan si Kianah Mae ng tubo. Inilagay na rin siya sa Pediatric Intensive Care Unit (PICU) ng nasabing ospital dahil hindi na bumuti pa ang kalagayan niya. Sa PICU ay patuloy siyang inobserbahan at isinailalim sa laboratory tests.
Mayo 8, 2018 - Hindi na kinaya ni Kianah Mae ang kanyang paghihirap. Binawian siya ng buhay sa petsang ito. Narito ang pahayag nina Mang Argel Sam at Aling Lara Nina sa pagkamatay ng kanilang anak:
“Papaanong ang hindi pa naoospital at nagkakaroon ng dengue na bata at walang sinasabing anumang karamdaman at kumpleto ng bakuna ay mamamatay ng dalawang araw lamang matapos madala sa ospital? Para sa amin, isa itong malaking palaisipan dahil sa isang iglap lamang ay mawawala ang kaisa-isa naming anak. Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia na ito kay Kianah Mae at sa iba pang mga bata. Naghanap kami ng libreng bakuna, subalit ‘yun ang naging mitsa ng buhay ng aming kaisa-isang anak. Kung alam lang namin na kamatayan ang dala nito kay Kianah Mae, hindi sana kami pumayag na mabigyan at maturukan siya nito kahit ito ay libre. Bibigyan namin ng hustisya ang kamatayan ng aming nag-iisang anak.”
Para sa pagkamatay ng kanilang nag-iisang anak, walang sasapat na bilang ang kayang tumumbas sa sakit na naramdaman at patuloy na sumusugat sa damdamin nina Mang Argel Sam at Aling Lara Nina. Gayunman, lumapit sila sa aming Tanggapan dahil anila, “Kinakailangan na may managot sa naging kapabayaan ng mga taong nagbakuna sa aming anak.” Dahil dito, kasama nila ang PAO at DOJ Prosecutors ngayon upang mapanagot sa batas kung sinuman ang mga responsable sa pagbabakuna nang walang habas.