at nagkapantal pagkamatay
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 1, 2021
Taong 2017, bumulaga sa sambayanang Pilipino ang Senate Blue Ribbon Hearing sa pangunguna ng Chairman nito na si Senator Richard “Dick” Gordon, kung saan tumambad ang mga ebidensiya na nagkaroon ng mass indiscriminate inoculation without screening and blood test sa mga batang edad 9-12 mula noong taong 2016. Naganap ang trahedyang ito sa Gitnang Luzon (Regions 3), Calabarzon (Region 4-A), Metro Manila at Cebu (Region 7).
Noong Nobyembre 2017, lalong bumigat ang ebidensiya ng nag-presscon ang Sanofi Pasteur na gumawa ng bagong bakuna na hindi pala ito inirerekomenda sa mga hindi pa nagkaka-dengue o ‘seronegatives’. Ang screening ay mahalaga para hindi malagay sa panganib ang buhay ng mga biktima.
Walang informed consent dahil hindi rin ipinaalam sa mga magulang at tinurukan na may apat na identified and expected risk ang naturang pagtuturok ayon sa deklarasyon ng Sanofi sa Food and Drugs Administration.
Dahil sa nasabing pag-iimbestiga ng Senate Blue Ribbon hearing, lumipas ang ilang buwan at ipinatigil ang pagtuturok na naging dahilan ng pagsasampa ng mga kaso na may kinalaman sa Dengvaxia na aming hinahawakan sa Public Attorney’s Office (PAO) alinsunod sa Department of Justice Order noong Disyembre 14, 2017.
May mga magulang ng mga biktima na nakararamdam na sa halip na maliwanagan sa sinapit ng kanilang anak, tila naliligaw o nadaragdagan pa ng kaguluhan ang kanilang isipan sa ibinibigay na paliwanag sa ospital kung saan dinala ang kanilang anak upang malunasan ang iniindang karamdaman. Kabilang sa nasabing mga magulang sina G. Reynante at Gng. Virginia Eustaquio ng Parañaque City. Anila, “Ilang sandali lamang matapos pumanaw ang aming anak, sinabihan kami ng doktor na leptospirosis ang sanhi ng kanyang pagpanaw. Hindi kami makapaniwala sa sinabing sakit ng aming anak dahil sa kabuuan ng inilagi namin sa nasabing ospital ay hindi nabanggit ng mga doktor ang nasabing sakit ng aming anak. Wala rin kaming napansing sugat at hindi siya lumusong sa baha na maaaring maging sanhi ng nasabing sakit.”
Ang nabanggit na anak nina G. at Gng. Eustaquio ay si Maribel Eustaquio, 18, na binawian ng buhay noong Agosto 30, 2018. Siya ang ika-83 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease), sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Maribel ay dalawang beses naturukan ng Dengvaxia; una, noong Agosto 2016 sa kanyang dating paaralan sa Parañaque City at pangalawa noong Nobyembre 16, 2017 sa kanilang barangay health center. Ibinahagi ni Gng. Eustaquio ang insidente ng pagkakabakuna sa kanilang anak:
“Noong una ay ayaw kong pumayag na mabakunahan siya ng Dengvaxia, subalit sinabi niya na kailangan siyang mabakunahan, base na rin sa direktiba ng mga guro sa kanyang paaralan. Hinggil sa nasabing pangalawang bakuna niya kontra dengue, bilang miyembro ng 4Ps ay inobliga akong pabakunahan ng Dengvaxia ang aming anak.”
Noong Disyembre 16 o 17, 2017, unang nagreklamo ng pananakit ng ulo at puson si Maribel. Kinagabihan ay nagtae rin siya ng dugo, pero bumuti ang kanyang kalagayan sa mga sumunod na buwan ngunit siya ay nagkapasa. Madalas din siyang naduduwal at nag-umpisang mawalan ng ganang kumain na naging sanhi ng kanyang pangangayayat. Pagdating ng 2018, nadagdagan ang kanyang mga nararamdaman, naging kritikal ang kanyang kalagayan at humantong sa kanyang kamatayan. Narito ang ilan sa mga detalye sa nangyari kay Maribel:
Mayo 2018 - Muling sumakit ang kanyang puson at hirap siyang umihi. Pabalik-balik na rin ang pananakit ng kanyang ulo.
Hunyo 25, 2018 - Mas kapansin-pansin ang kanyang kawalan ng ganang kumain. Lalo siyang pumayat at tumamlay, madali rin siyang mapagod at nagpatuloy ang mga ito sa mga sumunod na buwan.
Agosto 26, 2018 - Mataas ang kanyang lagnat. Nagreklamo rin siya ng pananakit ng ulo at tiyan, pagsusuka, pagtatae at hirap sa paghinga.
Agosto 27, 2018 - Dinala siya sa isang ospital sa Manila. Ayon sa mga doktor, siya ay may UTI, niresetahan siya ng mga gamot at sinabihan sila na maaari na siyang iuwi. Nagpumilit ang mag-asawang Eustaquio na i-admit si Maribel, ngunit wala silang nagawa kaya siya ay inuwi na. Napakataas pa rin ng lagnat ni Maribel. Pagkainom niya ng niresetang gamot, mas hirap na siyang huminga at siya ay hinihingal.
Agosto 29, 2018 - Isinugod siyang muli sa isang ospital sa Las Piñas. Mataas ang lagnat niya, nahihilo at ayon sa kanya ay parang kinakain ang kanyang laman. Madilaw din ang kanyang mga mata, namamanas ang mga paa at nangingitim ang kanyang labi. Sa pagdaan ng siyam na oras, hindi pa rin siya nakakaihi at ayon sa kanyang tiyahin, nang magpatulong si Maribel upang umihi ay hindi na siya makalakad at makatayo nang maayos hanggang siya ay natumba. Hindi rin diumano inaksiyunan ng mga nars ang hiling ng kanyang tiyahin noong magpasaklolo ito hinggil sa pangingitim ng mga labi ni Maribel.
Agosto 30, 2018 - Dahil nasa emergency room pa at hirap na hirap na si Maribel, nakiusap ang kanyang mga magulang na ilipat siya sa isang kuwarto, ngunit sinabihan sila ng doktor na ilipat na lang siya sa ibang ospital kung gugustuhin nila. Alas-6:00 ng hapon, inilipat siya sa ICU at nagreklamo siya ng labis na hirap sa paghinga. Kinabitan din siya ng catheter upang matulungan sa kanyang pag-ihi, subalit wala pa ring lumalabas na ihi sa kanya. Pagsapit ng alas-8:30 ng gabi, hindi na niya maigalaw ang itaas na bahagi ng kanyang katawan. Nang mag-agaw buhay na siya, kinabitan siya ng ambu-bag at sinubukang i-revive. Habang ginagawa ang mga ‘yun, bumulwak ang dugo sa bibig niya hanggang sa tuluyan na siyang pumanaw. Napansin ng kanyang mga magulang ang mga pantal na nagsilabasan sa kanyang buong katawan.
Sa pagkamatay ni Maribel, ang nakapagpabigat pa sa pinagdadaanan ng kanyang pamilya ay ang naging karanasan nila sa ospital. Anila, “Marami silang trabaho subalit kinakailangan lamang bigyan nila ng pansin ang mga pasyente nang maayos. Hindi ‘yung kapag humihingi kami ng tulong sa kanila ay sinasabihan pa nila kami na sila raw ang doktor at hindi kami.”
Ang mga nabanggit ang nagdala sa kanila sa aming Tanggapan upang mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Maribel. Sa abot ng aming makakaya, ipaglalaban namin ang hustisya na nararapat sa kanila. Hustisya na hanggang ngayon ay patuloy na ipinaglalaban ng inyong lingkod kasama ang mga piling abogado ng aming tanggapan upang makamit ng mga biktima at kanilang pamilya. Makakaasa ang mga pamilyang ito na hindi kami titigil hanggang hindi napapanagot sa batas ng tao ang mga may kagagawan ng krimeng ito.
Ang panalangin ng nakararaming Pilipino, Samahan ng Mga Magulang Anak ay Biktima ng Dengvaxia (SMBAD) at kami sa PAO ay huwag na sanang maulit ang health disaster na ito.