ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 24, 2024
Ang krimeng murder at homicide ay kapwa mga krimen na may kaugnayan sa pamamaslang. Gayunman, ang dalawa ay magkaiba at ang isa sa bantog na diperensiya ay ang pananaw na mas mabigat na krimen ang murder kaysa sa homicide, dahil bukod sa mas mataas ang kaparusahan na ipinapataw ng batas sa krimeng murder – itinuturing din na mas nakaririmarim ang krimeng murder dahil sa pamamaraan ng pagpatay sa biktima.
Sa araw na ito, ating ibabahagi ang isa sa mga kaso na nahawakan ng aming tanggapan. Kung saan ang hustisya ay masasabing nakamtan ng magkabilang panig ng biktima at akusado, sa pamamagitan ng tiyak na kaparusahan.
Bilang pagbabahagi, noong ika-14 ng Pebrero 2024, inilabas ng Korte Suprema ang desisyon sa kasong People v. Babiera ang hatol sa dalawang kasong murder na isinampa laban sa kliyente ng aming tanggapan na itago na lamang natin sa pangalan na Fernand.
Sa kasong ito, bagaman napanatili ang naging hatol na konbiksyon ng mababang hukuman kay Fernand, ito naman ay naipababa mula sa mas mabigat na kasong murder tungo sa kasong homicide na may mas mababang kaparusahan at mas mababang kaakibat na mga danyos.
Sa dalawang magkahiwalay na akusasyon, sinampahan ng tagausig si Fernand sa pagpaslang sa dalawang biktima na itatago na lamang sa mga pangalan na Abet at Balbi.
Ayon sa bersyon ng panig ng prosekusyon, noong ika-8 ng Marso 2016, nagkaroon ng salu-salo sa tahanan ni Ramon, hindi niya tunay na pangalan, upang ipagdiwang ang kaarawan ng anak nito. Dinaluhan ito ni Fernand, Abet, at Balbi na tumagal mula alas-5 ng hapon hanggang alas-9 ng gabi.
Ayon sa testimonya ng isa pang dumalo sa salu-salo na si Tess, hindi rin niya tunay na pangalan, matapos siyang makauwi mula sa nasabing pagdiriwang ay muli siyang lumabas para hanapin ang kanyang asawa, at naisip niyang bumalik sa tahanan ni Ramon. Siya ay nagbabakasakali na naroon ito. Habang siya ay naglalakad sa kanto, nakarinig siya ng ingay at sigaw mula sa isang tricycle na pitong talampakan ang layo mula sa kanya.
Sa puntong iyon, nakita niya si Fernand na may hawak na patalim na akmang sasaksakin ang dalawang tao. Mabilis na tumakbo si Tess papunta sa bahay ni Ramon at inilahad nito ang kanyang nasaksihan sa isang barangay tanod.
Nang bumalik sila sa tricycle kasama na ang nasabing barangay tanod, bumungad sa mga mata nila ang duguan na sina Abet at Balbi na nasawi bago pa man makarating sa pagamutan.
Ayon naman sa bersyon ng nasasakdal na si Fernand, siya ay umakto lamang upang ipagtanggol ang kanyang sarili mula sa dalawa na sina Abet at Balbi.
Aniya, matapos ang nasabing pagdiriwang, kung saan kapwa sila mga nakainom, hinarang siya ng dalawa at pinagbubugbog.
Bukod pa rito, may hawak din aniya na mga patalim sina Abet at Balbi na siyang nakuha at nagamit niya upang ipagtanggol ang kanyang sarili.
Matapos ang paglilitis, hinatulan si Fernand ng Regional Trial Court (RTC) sa mga ikinaso sa kanyang dalawang bilang ng pagpaslang.
Ang hatol na ito ay kinumpirma ng hukuman ng mga apela o Court of Appeals. Dahil dito, inakyat ni Fernand ang kaso sa Kataas-taasang Hukuman.
Tulad ng ating unang nabanggit, sa halip na murder na may kaparusahan na reclusion perpetua, bumaba sa homicide na may kaparusahan na reclusion temporal ang naging pinal na hatol kay Fernand.
Bukod pa rito, mula sa P75,000.00 civil indemnity, P75,000.00 moral damages, P75,000.00 exemplary damages, at P50,000.00 temperate damages sa bawat biktima – napababa ito sa P50,000.00 civil indemnity, P50,000.00 moral damages, at P50,000.00 temperate damages.
Sa paglalahad ng desisyon ng Korte Suprema, aniya ay hindi napatunayan ng panig ng tagausig ang treachery na siyang mahalagang rekisito upang maging murder ang isang pagpaslang. Aniya, ang esensiya ng treachery ay ang mabilis at hindi inaasahang pag-atake sa hindi armadong biktima nang walang kaunting probokasyon sa bahagi ng biktima.
Ang dalawang rekisito ng treachery na: (1) na sa oras ng pag-atake, ang biktima ay wala sa posisyon upang ipagtanggol ang kanyang sarili; at (2) na sinasadya ng nagkasala ang partikular na paraan ng pag-atake na ginamit niya, ay parehong hindi napatunayan sa kasong ito.
Sa kaso ni Fernand, hindi napatunayan ng panig ng tagausig ang mga nabanggit na rekisito ng treachery na siyang uri o pamamaraan ng pagpaslang.
Sa salaysay mismo ng testigo ng tagausig na si Tess, bukod sa hindi niya nasaksihan kung paano nagsimula ang naging alterkasyon, malinaw rin sa magkabilang-panig na may naganap na pagsasalo at inuman na may alitan kung saan kapwa naroon ang mga biktima at ang nasasakdal.
Patuloy na pinaninindigan ng Korte Suprema na ang mga pagkakataong makatagpo, salpok na pagpatay o mga krimeng ginawa nang biglaan “chance encounters” o naunahan ng mainit na alitan ay karaniwang hindi dinadaluhan ng treachery dahil sa kawalan ng pagkakataon ng akusado na sadyang gumamit ng treachery o traydor na paraan ng atake.
Sa kabuuan, malinaw sa ating naibahaging kaso at kuwento na hustisya ay nakamtan ng magkabilang-panig. para sa mga yumaong biktima, habang tama at hindi labis na kaparusahan lamang para sa nasasakdal sa pamamagitan ng tumpak na pagsusuri sa tunay na nangyari at mga ebidensiya.
Ang pagkamit ng hustisya ay hindi lamang sa pagpataw ng kaparusahan para sa isang krimen, kundi ang pag-aaral ng mga sirkumstansyang nakapaloob sa bawat kasong inihain sa hukuman.
Ang tiyak na pananagutan at kaparusahan ay bahagi ng hustisya at ito ang naipakita ng kasong ating ibinahagi.