sa Dengvaxia
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | April 22, 2022
Ang pagkakaroon ng mga anak ay maituturing na malaking biyaya. Para sa mag-asawang William at Sheila Regalado ng Pagsanjan, Laguna, ang kanilang anak na si Alexa Regalado ay biyaya na naghahatid sa kanila ng katuwaan at pag-asa na may dalang higit pang saya at kaunlaran sa kanilang pamilya. Kay ganda ng bukas na mababanaag kay Alexa. Ang sumusunod na paglalarawan ay mula sa kanyang mga magulang na buong giliw at pagmamalaking sinabi na,
“Si Alexa ay masayahin, masigla at malusog na bata. Bukod sa siya ay consistent honor student, mahilig at magaling din siyang tumugtog ng violin, maglaro ng chess at maggantsilyo.”
Gayunman, ang mga salitang binitiwan ng mag-asawa ay may nakalambong na matinding kalungkutan. Hapis itong hindi naiibsan ng pagdaan ng panahon, bagkus ay nagsisilbi pang pasakit ang pagdating ng bawat araw na nagpapaalala na wala na ang kanilang nag-iisang anak na binawi sa napakasakit na paraan, at mula sa mga kamay na tigmak ng kapabayaan.
Si Alexa, 12, namatay noong Disyembre 14, 2018, ang ika-106 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Siya ay dalawang beses naturukan ng Dengvaxia; una noong Abril 11, 2016 at pangalawa noong Oktubre 17, 2016 sa kanilang paaralan. Ibinahagi ng kanyang mga magulang:
“Si Alexa ay hindi pa kailanman nagkaroon ng malubhang karamdaman, hindi siya nagka-dengue at hindi pa na-ospital, bukod lamang noong isang taon siya dahil sa hika at nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang biglaang pagpanaw.”
Noong Hunyo 2016, napansin ng kanyang mga magulang na siya ay nangayayat, palaging pagod, tulog nang tulog at walang ganang kumain. Pagdating ng 2017, nadagdagan pa ang mga nararamdaman ni Alexa:
Hunyo 2017 - Masakit ang kanyang ulo, kasu-kasuan at tiyan.
Unang linggo, Hulyo 2017 - Dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang ospital sa Laguna dahil sa pabalik-balik na pananakit ng kanyang tiyan, balakang at mataas na lagnat. Dahil hindi malaman ang sanhi ng mga ito, isinailalim siya sa tuberculosis (TB) screening at typhoid fever test. Ayon sa doktor, negative siya sa TB at typhoid fever, subalit binigyan pa rin siya ng mga gamot para sa TB at typhoid fever dahil maaari umanong hindi lumabas sa eksaminasyon ‘yun. Isang linggo siyang na-admit sa nasabing ospital. Tatlong linggo rin siyang naggamot para sa TB at typhoid fever, subalit hindi bumuti ang kanyang kalagayan.
Huling linggo, Agosto 2017 - Dinala si Alexa sa isang ospital sa Quezon City. Isinailalim siya sa blood test at napag-alamang may leukemia diumano siya. Agad siyang isinailalim sa chemotherapy nang isang beses sa isang buwan. Sa kabila nito, pabalik-balik pa rin ang pananakit ng kanyang ulo at tiyan, at nagpatuloy ito sa mga sumunod na buwan.
Disyembre 2017 - Lumobo si Alexa, naglabasan din ang mga stretch marks niya.
Mula Agosto 2018 hanggang Disyembre 2018 ang mga huling sandali sa buhay ni Alexa. Narito ang kaugnay na mga detalye:
Agosto - Nag-umpisa ang lingguhan niyang chemotherapy.
Oktubre - Hindi na tumatalab ang mga gamot na pinaiinom kay Alexa. Lumala ang pananakit ng kanyang tiyan, ulo, balakang at iba pang bahagi ng kanyang katawan. Hanggang sa hirap na siyang makalakad at naka-wheelchair na lang. Mula Agosto hanggang Disyembre 2018, tatlong beses na nag-relapse ang leukemia ni Alexa.
Disyembre 1 - Muli siyang dinala sa nasabing ospital sa Quezon City at nanatili na siya ru’n. Hindi na bumuti ang kanyang kalagayan.
Disyembre 14, madaling-araw - Umabot sa 150 bpm ang pagtibok ng puso ni Alexa at kung anu-ano na ang kanyang sinasabi hanggang naninigas na ang kanyang bibig at dila, at hindi na makapagsalita nang maayos. Naging kritikal ang buhay niya sa sumunod na mga oras at pagsapit ng halos alas-3:00 ng hapon, tuluyan na siyang binawian ng buhay.
Anang kanyang mga magulang, “Napakasakit ng biglaang pagpanaw ni Alexa, lalo na’t siya ay nag-iisa naming anak. Siya ang tanging nagbibigay sa aming mag-asawa ng buhay at lakas. Isang masigla at malusog na bata ang aming anak, kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay nagbago ang estado ng kanyang kalusugan.
“Naging pabaya ang mga gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia sa kanya. Hindi nila ipinaliwanag kung ano ang maaaring maging epekto nito sa kanyang kalusugan, kaya naman kami ay napagkaitan ng oportunidad na malaman ang maaaring idulot nito sa kanya. Hindi rin doktor ang nagbakuna sa aming anak.”
Ang kasong ito ay kasama na sa mga kasong ipinagkatiwala sa amin ng mga magulang ng mga biktima ng Dengvaxia. Kabilang si Alexa sa aming ipinaglalaban para makamit ang katarungang tila mailap pa sa kasalukuyan. Si Alexa at tulad niyang mga biktima ay naisakripisyo dahil sa kapabayaan ng mga pinagkatiwalaang awtoridad. Napakahalaga ng buhay, kaya dapat maging mapagmasid ang lahat sa anumang panganib sa kalusugan ng mga mamamayan na maaaring maging sanhi ng maagang kamatayan.