ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | June 24, 2022
Batid natin ang magandang epekto ng pagsasayaw dahil ito ay maituturing na ehersisyo na nakabubuti sa kalusugan. Nakakatuwa rin itong gawin kasama ng mga kapamilya o kaibigan — tunay na nakakapagpatatag ito ng katawan at samahan. Bilang magaling na dancer sa kanilang lugar at paaralan, naranasan ni Jarmie Alim, anak nina G. Ruel at Gng. Lucila Alim ng Antipolo City, ang tuwa na hatid ng pag-indak. Marami pa sanang mga galaw sa pagsasayaw ang magbibigay-saya at maghuhubog sa kanya bilang dancer, ngunit maikling panahon lamang ang inilagi ni Jarmie sa dance floor ng buhay.
Si Jarmie, 13, namatay noong Enero 25, 2019, ang ika-115 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Jarmie ay isang beses naturukan ng Dengvaxia noong Abril 28, 2016 sa kanilang paaralan. Anila G. at Gng. Alim,“Si Jarmie ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Siya ay mahilig sumayaw at madalas nakikilahok sa sayawan sa aming lugar at sa kanyang paaralan. Hindi siya nagka-dengue at kailanman ay hindi pa nagkaroon ng malubhang karamdaman na nangangailangang siya ay maospital, bukod nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw.”
Nagkaroon ng pagbabago kay Jarmie noong Mayo 2017. Naging matigas at mainitin ang kanyang ulo, at mahirap utusan bagama’t hindi naman siya dating ganu’n. Pagdating ng Enero 2019, nadagdagan pa ang mga nararamdaman niya at lumala ang kanyang kondisyon hanggang siya ay pumanaw. Narito ang kaugnay na mga detalye:
Enero 20 - Nanakit ang kanyang kanang tuhod at nagkalagnat siya. Naninikip din ang kanyang dibdib at nahirapan siyang huminga.
Enero 21 - Dinala siya sa isang ospital sa Antipolo City at sinuri ang kanyang tuhod. Binigyan siya ng mga gamot na Celecoxib at Prednisone matapos makitang namamaga ang kanyang kanang tuhod at pinauwi rin sila. Pinainom siya ng nasabing mga gamot at bahagyang nakatulong ang mga ito at nakatulog siya. Pagsapit ng gabi, nang mawala na ang epekto ng gamot, bumalik ang sakit ng kanyang tuhod at hindi na naman siya makatulog.
Enero 22 - Dinala siya sa isa pang ospital sa Antipolo City at kinabitan siya ng dextrose at oxygen. Mataas ang lagnat niya at may lumabas na mga rashes sa kanyang mukha na kumalat sa kanyang katawan. Hindi na rin siya makagalaw dahil sa labis na pananakit ng kanyang tuhod at hirap sa paghinga. Ayon kina G. at Gng. Alim, “Dahil hindi inaasikaso nang maigi ng ospital ang aming anak, humiling siya na ilipat sa ibang ospital na siya naman naming ginawa.”
Enero 23 - Si Jarmie ay inilipat sa isang ospital sa Quezon City. Nagwawala siya dahil siya ay gutom na gutom na. Tinatanggal din niya ang mga aparato sa kanyang katawan at dahil sa pagwawala ay itinali siya at isinailalim sa iba’t ibang pagsusuri gaya ng x-ray, CT scan atbp. Lumala ang paninikip ng kanyang dibdib at pananakit ng paa. Magdamag siyang hindi nakatulog.
Enero 24 - Gutom na gutom siya at kung anu-ano na rin ang mga sinasabi. Humiling pa siya na itakas siya sa ospital. Ayon sa doktor, puti na ang baga ni Jarmie at kumalat na ang impeksiyon sa kanyang paa. Nabanggit ng kanyang mga magulang na baka dala ng Dengvaxia vaccine ang mga nararamdaman ni Jarmie, ngunit sabi ng doktor, walang kaugnayan ang bakuna sa mga ito. Pagsapit ng tanghali, in-intubate si Jarmie matapos turukan ng pampatulog. Kinabitan din siya ng hose sa ilong kung saan may lumalabas na dugo. Hindi na muling nagising si Jarmie. Subalit, ayon sa kanyang mga magulang, “Minsan ay kita ang pagluha ng kanyang mga mata.” Bandang alas-5:00 ng hapon, nawalan ng tibok ang kanyang puso. Na-revive siya at pagsapit ng alas-7:00 ng gabi, sinalinan siya ng dugo. Anang mga doktor, kumalat na ang impeksiyon sa kanyang kanang paa.
Enero 25 - Pagsapit ng alas-5:30 ng madaling-araw, nag-agaw-buhay si Jarmie. Sinubukan siyang i-revive, ngunit pagsapit ng alas-6:00 ng umaga, tuluyan na siyang pumanaw.
Walang kasing sakit para sa mag-asawang Alim ang pagkamatay ni Jarmie. Sa kabila ng kanilang pighati, hindi mawala sa isip nila ang sinabi ng doktor hinggil sa posibilidad na magreklamo ang mga Alim.
Narito ang bahagi ng tugon ni G. Alim, “Karapatan naman namin ‘yun. Binanggit ng doktor na kung sakaling magreklamo kami ay mag-e-mail kami sa kanya para kung tanungin siya ay alam niya ang isinasagot. Naging pabaya ang mga taong nagbakuna kay Jarmie. Inabutan lamang ako ng aking anak ng papel upang magbigay ng pahintulot sa pagtuturok sa kanya ng Dengvaxia sa kanilang paaralan. Sa pag-aakalang ito ay tulad ng mga bakuna na itinuturok sa mga bata ay pinirmahan ko ang nasabing papel at pumayag naman ako.”
Tapos na ang pag-indak ni Jarmie sa dance floor ng buhay, ngunit walang wakas ang pananagutan ng mga pumutol ng kanyang pagsasayaw hangga’t hindi nabibigyang-katarungan ang trahedyang naganap sa kanya.
Mahirap man sa kanila ang pagkawala ng pinakamamahal ng anak, buo ang loob ng mag-asawang Alim na ipaglaban ang katarungan na nararapat para sa kanilang anak. Ang PAO at PAO Forensic Team na hiningan nila ng tulong ay kasama nila sa labang ito.