ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 5, 2022
Sa tinaguriang Dengvaxia cases, narinig namin ang pinakamatamis at pinakamagiliw na paglalarawan ng mga magulang sa kanilang mga anak, ngunit mula rin sa kanilang mga bibig ang pinakamasakit na pagbabahagi ng sinapit ng kanilang pinakamamahal na yumaong mga supling. Isa sa kanila si Gng. Sherry Mae A. Samorin ng Cebu City.
Narito ang bahagi ng kanyang matamis, ngunit mapait ding gunita sa kanyang kaisa-isang anak na si Zwitsal Samorin, pumanaw na Dengvaxia vaccinee:
“Si Zwitsal ay masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Siya ay mahilig sumayaw at bilugan ang kanyang katawan at hindi pa nagkaroon ng malubhang sakit. Kailanman ay hindi pa siya nagkaroon ng malubhang karamdaman na nangangailangang siya ay maospital, bukod nang siya ay malubhang nagkasakit na humantong sa kanyang pagpanaw. Kahit siya ay nagkaroon na ng dengue bago maturukan, hindi naman siya naging kritikal. Monitoring lang ng fluids ang ginawa namin. Bakit nang mabakunahan siya ng Dengvaxia ay nagkasakit na siya?”
Si Zwitsal, 14, ay namatay noong Pebrero 23, 2018 sa isang ospital sa Cebu City. Siya ang ika-120 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Zwitsal ay naturukan ng Dengvaxia noong Hulyo 18, 2017 sa isang health center sa kanilang lugar. Ang kanyang pagkakasakit ay nagmula noong Agosto 2017. Pabalik-balik ang kanyang lagnat at pananakit ng ulo. Noong Setyembre 2017 hanggang Oktubre 2017, nadagdagan pa ang mga nararamdaman ni Zwitsal hanggang sa lumubha ang kanyang kalagayan:
Setyembre 13 at 22 - Maliban sa pabalik-balik na lagnat, nagkaroon siya ng pagsusuka at ubo, sakit ng ulo at tiyan, kaya siya ay dinala sa isang ospital sa Cebu City. Sinabing nagkaroon siya ng Dengue kahit ayon kay Gng. Samorin ay wala naman silang isinagawang tests. Kaya kung ito ay totoo, ito umano ang pangalawang dengue ni Zwitsal; siya ay nagka-dengue na noong Setyembre 2016. Binanggit ni Gng. Samorin sa doktor na naturukan siya ng Dengvaxia. Aniya, “Hindi nila ako pinansin. Paulit-ulit kong sinasabi na palaging sumasakit ang ulo at tiyan niya at nagsusuka siya, pero pinalabas pa rin kami sa ospital noong September 22, 2017.”
Setyembre 25 at Oktubre 4 - Pumasok siya sa eskuwelahan noong Setyembre 25, pero pinauwi siya dahil nagkalagnat at sumakit na naman ang kanyang ulo, tiyan at nagsusuka pa rin siya. Sa bahay, natulog lamang siya at inobserbahan siya. Napansin ng kanyang pamilya na nagkaroon siya ng allergic reactions sa ininom niya na paracetamol. Namamaga ang kanyang mukha, kaya dinala siya sa isang ospital sa Cebu City noong Oktubre 4, 2017. Nalaman na siya ay may Sepsis Chronic Anemia at sinabihan sila na dapat siyang sumailalim sa 2D Echo dahil mabilis ang tibok ng kanyang puso. Niresetahan siya ng paracetamol na kaiba sa iniinom niyang Tempra para sa lagnat dahil sa kanyang allergic reactions. Binigyan din siya ng antibiotics para sa sepsis at iron supplement para sa kanyang anemia at umuwi na sila.
Oktubre 20, 2017 - Isinailalim siya sa 2D Echo sa isang ospital sa Cebu City. Nagtagal ang kanyang pag-inom ng antibiotics sa loob ng 15 araw. Ang iron supplement ay araw-araw niyang iniinom. Bumuti ang kalagayan niya sa tulong ng mga naturang gamot. Gayunman, pabalik-balik pa rin ang kanyang lagnat at sakit ng ulo at tiyan, kaya sa loob ng isang linggo ay tatlong araw lang siya nakakapasok sa paaralan.
Noong Nobyembre 2017 hanggang unang bahagi ng 2018 ang mga huling araw ni Zwitsal at pagsapit ng Pebrero ng naturang taon, siya ay binawian ng buhay. Narito ang ilang mga detalye:
Nobyembre 18 - Nagsabi siya sa kapatid ni Gng. Samorin na masakit ang ulo niya at sinabihan siya nito na matulog na ginawa naman niya.
Nobyembre 19- Hindi niya maigalaw ang kaliwang parte ng katawan niya at sumasakit ang kanyang ulo. Maputla rin ang kanyang katawan at parang na-paralyze ito. Nakaihi siya sa kanyang higaan at hindi na siya makabangon. Dinala siya sa ospital at kinuha ang clinical history niya at sinabi ng kanyang ina na mayroon siyang Sepsis Chronic Anemia. Inobserbahan siya at sinabing paralyzed si Zwitsal. Pinayuhan sila na ilipat siya sa ibang ospital dahil walang ICU ru’n. Sa pinaglipatang ospital, nakita sa CT Scan na mayroon siyang blood clot sa ulo na may laking 7mm. Ni-request agad ng neurosurgeon na maoperahan si Zwitsal. Noong Nobyembre 19, 2017, siya ay inoperahan at paulit-ulit pang inoperahan. Sumailalim siya sa anim na operasyon. Bago siya mamatay, nagtagal siya ng 89 araw sa ospital.
Pebrero 23, 2018 - Pumanaw si Zwitsal. Isinalaysay ni Gng. Samorin na “Ang orihinal na kopya ng Certificate of Death ni Zwitsal ay nasa ospital pa dahil hindi ko pa nababayaran ang bill na nagkakahalagang P1,643,980.75.”
Napakasakit para sa pamilya ni Zwitsal ang kanyang pagpanaw. Ang nagpapabigat pa sa pinapasan ng kanyang pamilya ay damang-dama sa mga salita ng kanyang ina, “Niloko pa ako ng DOH na tutulungan nila akong mabayaran ang napakalaking bill namin sa ospital, kaya ibinigay ko sa kanila ang mga dokumento ng aking anak na hanggang ngayon ay hindi pa naibabalik. Mabuti na lang, nakuhanan ko ng larawan ang Dengvaxia card dahil kung hindi, wala na akong ebidensya na naturukan siya ng Dengvaxia. Nang magpadala ang PAO ng Demand Letter, hindi na umusad ang sinasabi nilang proseso para sa release ng financial assistance. Kung talagang totoo sa kanila ang pagtulong sa akin, isang taon nang patay ang aking anak, pero hindi pa rin nila ako tinutulungan. Nakapag-babang luksa na ako, pero wala pa rin ang sinasabi nilang tulong.”
Sa mga may pandama pang mga pinatutungkulan ni Gng. Samorin, tila hapdi ng latigo ang maaaring dumapo sa kanila. Sa kanila, lalo na sa mga awtoridad na tila manhid na, latigo ng batas ang nararapat, bagama’t sa inutang nilang mga buhay ay walang makakasapat na katapat. Tamang hustisya ang hiling ng pamilya ni Zwitsal at handa ang PAO na sila ay tulungang makamit ito.