ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | August 26, 2022
Ang premature na mga batang isinilang ay pinagyayaman at isinasailalim sa medical supportive care tulad ng paglalagay sa incubator, patuloy na pagmo-monitor ng kanyang vital signs at iba pang tulad na pangangailagang medikal. Kasabay nito ang walang katumbas na pagmamahal ng mga magulang na nagbibigay ng init at nagpapalago sa sinisintang supling. Ang premature na sanggol na si Dwayne Aizen Dungca Carabeo ay buong init na niyakap ng pagmamahal at aktuwal na pag-aaruga ng kanyang mga magulang na sina Gng. Airine R. Dungca at G. Angelito E. Carabeo ng Silang, Cavite. Buong pananabik nilang hinintay ang paglabas ni Baby Aizen sa ospital, ngunit ang sumalubong sa kanila ay ang malamig nitong bangkay.
Si Baby Aizen ay ipinanganak noong Hulyo 11, 2022 at namatay noong Hulyo 31, 2022. Siya ay 20 araw pa lamang na naipapanganak nang bawian ng buhay sa isang ospital sa Trece Martires City, Cavite. Ayon sa Death Certificate, ang kanyang Cause of Death ay: Immediate: (Hypoxicischemic Encephalopthy Sec. to Aspiration); Antecedent: (Disseminated Intravascular Coagulopathy); Underlying Cause) Sepsis of the Newborn, Prematurity 33 weeks).
Noong Hulyo 11, 2022, isa si Baby Aizen sa kambal na ipinanganak ni Gng. Airine. Ang kanyang kakambal ay si Dwayne Angelo o Baby Dwayne. Narinig ni Gng. Airine na umiyak ang kanyang kambal. Aniya, “Malulusog silang lumabas, bagama’t sila ay premature.” Dahil premature ang kambal, sila ay inilagay sa incubator. Isinailalim sila sa iba’t ibang klase ng laboratory examinations at nanatili sa Neonatal Intensive Care Unit (NICU) para sa constant monitoring. Noong Hulyo 13, 2022, nakalabas ng ospital si Gng. Airine, habang naiwan du’n sina Baby Angelo at Baby Aizen. Noong Hulyo 14, 2022, dahil mataas ang bill ng kambal, sinabihan ang mag-asawang Carabeo ng pediatrician na maaari na silang i-transfer sa ibang ospital dahil kaya na nila nang walang incubator; malalakas na diumano ang katawan nila. Dahil dito, inilipat na sila ng ospital. Kinuhanan sila ng dugo sa emergency room at nang naayos na ang kanilang admission, inilagay sila sa isang kuwarto na ginawang isolation room nila. Isinailalim sila sa Phototherapy at kinabitan ng monitors ang kanilang heartbeat at oxygen. Habang sila ay isinasailalim sa Phototherapy, sila ay walang damit at nakasuot lamang ng diaper at cover sa kanilang mga mata. Narito ang ilan pang detalye sa mga nangyari kay Baby Aizen sa nasabing ospital na nauwi sa kalunos-lunos niyang kalagayan dulot ng pagkakaiwan ng tourniquet sa kanyang braso at humantong sa walang kasimpait niyang kamatayan:
Hulyo 18, 2022 - Noong umaga ay itinigil na ang Phototherapy, inalis na rin ang monitors na nakakabit sa kambal at pinadamitan na sila. Si Gng. Airine ang nagdamit sa kambal dahil siya rin ang nagbabantay sa kanila. Bandang alas-12:30 ng tanghali, sinabihan sila ng doktor na tatanggalan ng pusod ang kambal. Matapos itong gawin, sinabihan niya ang mga Carabeo na kukunan ng blood samples ang kambal.
Nakakuha agad ng sample kay Baby Angelo, subalit kay Baby Aizen ay medyo nahirapan siya dahil ilang beses niya itong tinurukan sa iba’t ibang parte ng katawan. Matapos ang humigit-kumulang isa’t kalahating oras, dahil hindi pa rin siya nakakuha ng kailangan niyang blood sample, tinawag niya ang isa pang doktor upang tulungan siya, subalit hindi pa rin nila ito nagawa. Dahil nanlalambot na si Baby Aizen, iyak nang iyak at hindi pa rin sila nakakuha ng dugo, sinabihan na ang mga Carabeo na kinabukasan na lang ito gagawin.
Hulyo 19, 2022 - Noong titimbangin na ang kambal, nakita ni Gng. Airine nang inalisan niya ng damit si Baby Aizen na mayroong tali sa kaliwang braso niya at namamaga na ito. Nakita rin ng isang nurse, nurse assistant at doktor ang naiwang tali sa braso ni Baby Aizen. Inalis ng nurse assistant ang tali nang sabihan siya ng nurse na tanggalin ito. Nang naihiga na si Baby Aizen, sinabihan pa si Gng. Airene ng isang doktor na ang premature babies ay prone sa pasa, pero sinagot niya na hindi ito pasa lamang kundi dahil sa naiwanang tali sa braso niya na tumagal nang napakahabang oras.
Hulyo 20, 2022 - Dahil sa nangyaring ito, nag-file ng reklamo sa ospital ang mag-asawang Carabeo. Kinausap sila ng apat na doktor at sinabihan sila na bibigyan nang agaran at patas na imbestigasyon ang insidente. Tinanong sila ng nasabing mga doktor kung ano ang gusto nilang mangyari at sinabi nila na pagalingin nila si Baby Aizen at i-update sila sa kanilang reklamo. Sa kasamaang-palad, anang mag-asawa, hindi nila tinugunan ang naturang reklamo. Dagdag pa nila, “Binigyan nila kami ng surgeon na magbabantay at manggagamot sa braso ni Baby Aizen. Sinabihan kami ng doktor na oobserbahan nila si Baby Aizen nang 24-48 hours. Habang inoobserbahan nila si Baby Aizen, nilagyan lamang nila ng gasa at antibiotics, wala naman na silang ginawang iba. Kapag tinatanong namin sila kung ano na ang kalagayan ni Baby Aizen, palagi nilang sinasabi na okay lang siya. Lumipas ng isang linggo, wala pa rin silang klarong diagnosis sa braso ni Baby Aizen. Mula nang namaga ang kanyang braso, hindi na siya masyadong malikot at naging matamlay na siya.”
Hulyo 27, 2022 - Isinailalim siya sa cut-down procedure. Hahanapan diumano nila ng mas malaking ugat kung saan ikakabit ang kanyang swero. Idinaan lahat sa leeg ni Baby Aizen ang kanyang swero pati ang kanyang mga antibiotics. Nang ginawa nila ito, napansin ni Mang Angelito na umiikot ang mga mata ni Baby Aizen noong nagpaalam ang ama sa kanyang sanggol na mauuna na niyang iuwi si Baby Angelo sa bahay. Sa pag-aakalang bunga lamang ito ng mga gamot na ibinibigay sa kanya, hindi na sinabi ni Mang Angelito sa doktor ang kanyang nakita.
Hulyo 28, 2022 - Matapos siyang painumin ng gatas ng nurse, nagsuka si Baby Angelo at nanginginig naman ang buong katawan ni Baby Aizen. Tumawag si Gng. Airine ng nurse, pero pagkalipas ng isang oras, saka lamang may dumating na nurse at tiningnan lang niya si Baby Aizen. Nang sinabi niya sa ospital na hirap na huminga si Baby Aizen, saka pa lang may tumawag ng doktor. Pagdating ng doktor, nag-suction siya dahil baka diumano may bumara sa lalamunan ni Baby Aizen. Sinabihan nila si Gng. Airene na mataas ang sugar level ni Baby Aizen at nilagyan siya ng oxygen dahil nahihirapan siyang huminga. Subalit hirap pa rin siyang huminga, kaya muling tinawag ni Gng. Airene ang doktor. Inalis ng huli ang oxygen sa ilong ng sanggol at naglagay na lamang sila ng karton para maihipan ang oxygen sa kanyang ilong. Bandang alas-7:00 ng umaga, nang nag-rounds ang doktor, sinabihan niya si Gng. Airene na wala diumanong heartbeat si Baby Aizen kaya ire-revive nila ito. Isinailalim siya sa CPR at nag-inject sila ng gamot para magkaroon siya ng heartbeat. Matapos ang tatlong subok ay bumalik ang heartbeat ni Baby Aizen;
Nang naibalik ang kanyang heartbeat, tuloy-tuloy ang kanyang seizure. Matapos nito, may mga inilagay nang apparatus sa kanya. Nang tinanong ng mag-asawang Carabeo kung bakit tuloy-tuloy ang seizure niya, ang sagot lang sa kanila ay epekto ito ng pagkawala ng heartbeat niya. Ang sabi sa ospital ay inilagay na nila sa maximum level ang mga gamot na ibinibigay kay Baby Aizen. Pagdating ng alas-7:00 ng gabi, nawala ang seizure niya. Pinabili nila si Mang Angelito ng fresh frozen plasma para maisalin diumano kay Baby Aizen at naisagawa ito.
Hulyo 29, 2022 - Sinalinan ulit si Baby Aizen ng red blood cell. Matapos nito, sasalinan diumano siya ng anim na bags ng platelet, na nagawa naman. Tumitigil-tigil na ang kanyang heartbeat at nare-revive lamang siya.
Hulyo 30, 2022 - Sinuri ng sarili nilang pediatrician ang kambal. Tiningnan niya ang heartbeat ni Baby Aizen at sinabi niya na tumigil ulit ang heartbeat niya at na-revive naman nila. Matapos maibalik ang heartbeat ni Baby Aizen, dinagdagan na naman siya ng apparatus at marami nang nakakabit sa kanya. Maya’t maya ay mino-monitor nila ang kanyang heartbeat.
Bandang ala-1:30 ng hapon, may kumausap sa mag-asawang Carabeo at sinabihan sila na hindi na diumano nagre-response ang mga mata ni Baby Aizen at hindi na rin tinatanggap ng kanyang katawan ang mga gamot na ibinibigay sa kanya. May mga sintomas na diumano na brain dead si Baby Aizen at ang oxygen niya ay nakadepende na lamang sa makina na nakakabit sa kanya. Ang naging kasagutan ng mag-asawang Carabeo na kapag talagang tumigil na ang kanyang heartbeat at wala na ring pag-asa na magising pa siya ay hindi na nila pabibigyan pa ng gamot na pampatibok ng puso. Sinabi nila ‘yun dahil naaawa na sila sa kalagayan ni Baby Aizen. Magang-maga na ang katawan niya sa dami ng isinasaksak sa kanya.
Hulyo 31, 2022, alas-9:30 ng umaga - Muling huminto ang heartbeat ni Baby Aizen. Tinanong nila ang mga magulang nito kung papayag pa silang bigyan siya ng gamot pampatibok ng puso, pero sinabi nila na huwag na dahil kawawa si Baby Aizen. Noong araw na ‘yun, pumanaw na siya.
Matinding kalungkutan ang bumalot sa puso ng mag-asawang Carabeo, ngunit ang dibdib nilang ito na punumpuno ng pagmamahal sa kanilang kambal ay humihiyaw ng katarungan para kay Baby Aizen. Buong-buo ang kanilang loob na ilaban ang kaso ni Baby Aizen at naging instrumento ang programang #PALA (Persida Acosta’s Legal Advice) ng inyong lingkod. Kasabay ng ating pagtugon sa kanilang hiling na libreng serbisyo-legal, ang tugon din ng PAO Forensic Laboratory Division (FLD) para sa hiling nilang forensic examination sa mga labi ni Baby Aizen. Malinaw ang sinabi ng Director ng PAO-FLD na si Dr./Atty. Erwin P. Erfe, “Maliwanag sa forensic investigation ng PAO na ang naiwang tourniquet sa braso ng bata ang naging sanhi ng pagkabulok ng kamay, pagkalat ng infection, at multiple organ failure sa sanggol.”
Sa harap ng walang buhay na si Baby Aizen at kanyang mga magulang, aking binitiwan ang pangako ng hustisya para sa mga Carabeo. Isang pangakong bibigyan namin ng hustisya ang kanyang sinapit. Ito ay pangakong aming itinataguyod ang katuparan sa legal na pamamaraan.