ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 16, 2022
Ang tao ay itinuturing na pinakamataas na uri ng nilalang sa mga nilikha ng Maykapal. Kaya napakasakit na makita ang isang bata na tila naaapektuhan, kung hindi man nakokontrol ng isang bagay ang kanyang pag-uugali na maituturing na malaking bahagi ng kanyang pagkatao. Ganito ang nangyari kay Genalyn Ababao.
Si Genalyn ay 14-anyos at namatay noong Marso 16, 2019, ang ika-125 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.
Si Genalyn ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia; una, noong Hunyo 30, 2016; pangalawa noong Disyembre 13, 2016 at pangatlo noong Hunyo 28, 2017 sa kanilang paaralan. Noong Hunyo 30, 2016, matapos ng unang dose ng Dengvaxia ay sumakit ang ulo niya. Nawala rin agad ito pagkatapos ng ilang sandali, ngunit bumalik noong ikatlong dose niya, kung saan nagbago ang kanyang pag-uugali. Noong Hulyo 5, 2017, naging bugnutin siya, naging palamura at mainitin ang ulo.
Ayon sa kanyang ina na si Gng. Jennifer Ababao ng Bulacan, “Magalang at mabait ang aking anak bago pa man siya maturukan ng Dengvaxia. Pero nang matapos ang pangatlong dose niya ng bakuna ay nag-iba ang pag-uugali niya. Maging ang pagligo niya sa anumang oras ay naging madalas. Ang katwiran niya, siya ay naliligo kahit dis-oras ng gabi dahil naiinitan siya. Kahit hindi naman mainit ang panahon noon ay naiinitan pa rin daw siya.”
Nagpatuloy ang nabanggit na pagbabago ng ugali ni Genalyn sa mga sumunod na buwan at taon. Dagdag pa ni Gng. Jennifer, “Lagi nang mainit ang kanyang ulo. Nawala na ang dating mabait at magalang na bata. Nang tanungin namin kung bakit naging mainitin ang kanyang ulo, tanging sulyap lamang sa amin ng kanyang ama ang itinugon niya.”
Pagdating ng taong 2019, ganito ang nangyari kay Genalyn sa iba’t ibang petsa ng Marso, hanggang sa tuluyan na siyang bawian ng buhay noong Marso 16, 2019:
Marso 12 at 13 - Nagkalagnat siya, sinamahan ito ng pananakit ng tiyan at ulo. Nagreklamo rin siya ng pangangalay ng binti. Siya ay pinainom ng gamot at umayos naman ang kalagayan niya kinaumagahan (Marso 13).
Marso 14 - Kinombulsiyon siya bandang alas-7:00 ng umaga. May lagnat siya at masakit din ang kanyang ulo at tiyan. Siya ay nagsusuka ng maitim na likido na nagkukulay berde. Gayundin, siya ay dumumi ng basag. Nagreklamo siya ng pangangalay ng parehong binti at pagsapit ng alas-10:00 ng gabi, nanigas ang kanyang kaliwang braso. Bumabalik-balik ito pagkalipas ng lima hanggang sampung minuto. Siya ay kinombulsiyon sa pangalawang pagkakataon at pagkatapos nu’n ay hindi na siya makausap ni Gng. Jennifer. Bandang alas-10:30 ng gabi, sinusuntok niya ang kanyang dibdib dahil hirap siyang huminga. Sinasabunutan din niya ang kanyang sarili sa hindi malaman na dahilan. Dahil sa mga nararamdaman niya, dinala siya ni Gng. Jennifer sa isang ospital sa Baliuag, Bulacan at isinailalim sa CBC test. Base sa resulta, normal naman ito, at ni-refer siya sa isang ospital sa Malolos, Bulacan para maisagawa ang kumpletong pagsusuri sa kanya. Pagsapit ng alas-11:00 ng gabi, inilipat siya sa nasabing ospital at isinailalim ulit siya sa CBC test, urinalysis at x-ray.
Marso 15 - Lumala ang kanyang kondisyon. Naging pabalik-balik ang kanyang kombulsiyon at hindi pa rin siya makausap ni Gng. Jennifer. Sa tuwing kinakausap siya ay lumuluha lamang siya. Dahil palala nang palala ang kanyang kondisyon, inilipat siya sa ICU ng ospital alas-2:00 ng hapon. In-intubate si Genalyn, tumutulo na lamang ang kanyang luha at may lumabas na likido sa kanyang ilong at bibig. Pagsapit ng gabi, lumala ang kanyang kalagayan.
Marso 16, alas-4:00 ng madaling-araw - Hirap na hirap siyang huminga. Inaangat niya ang kanyang dibdib sa tuwing humihinga. Nag-agaw buhay siya pagsapit ng alas-5:00 ng madaling-araw. Siya ay sinubukang i-revive, subalit pagdating ng pasado alas-6:00 ng umaga, tuluyan nang nilisan ni Genalyn ang kanyang mga mahal sa buhay.
Ani Gng. Jennifer, “Sa panahong namalagi kami sa ospital, sinabihan kami ng doktor na maaaring may tubig sa baga, impeksyon sa dugo o viral infection ang aking anak, kaya siya ay biglang nagkasakit at naging sanhi ng kanyang pagpanaw.
“Si Genalyn ay walang malalang sakit bago pa siya maturukan ng Dengvaxia. Kailanman ay hindi pa siya nadala sa ospital dahil sa malubhang karamdaman, bukod nitong kamakailan kung saan malubha siyang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw. Bukod pa rito, hindi pa siya nagkaroon ng dengue infection dahil siya ay malusog at masiglang bata. Napakasakit para sa aming pamilya ng pagpanaw ni Genalyn. Hindi ko akalain na babawian siya ng buhay nang napakabata.”
Ang mahilig mag-aral, gumuhit at kumanta na si Genalyn ay nangarap maging guro at doktor dahil gusto niyang tumulong na makaahon ang kanyang pamilya sa mahirap na buhay. Isinalaysay ni Gng. Jennifer na, “Mahirap man ang aming kalagayan, nairaraos naming mag-asawa ang kanyang pag-aaral. Kaya nakakapagtaka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay nagbago ang kanyang kalusugan at pag-uugali. Sa napakaikling panahon ay agad nawala sa amin ang aking anak.”
Hindi naabot na pangarap at nawalang buhay ng anak mismong minumutya — ang lahat ng ito ay hindi na maibabalik pa sa pamilyang Ababao. Ngunit ang katarungan para sa sinapit ni Genalyn ay amin pa ring inilalaban sa PAO at ng PAO Forensic Laboratory Division na makamit, sapagkat hindi sinusukuan ang laban para sa mga biktimang tulad ni Genalyn— pumanaw na labis na naapektuhan ang katauhan ng trahedyang pinagdaanan.