ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | January 20, 2023
May mga pangyayari na nagmimistulang babala sa maaaring maganap sa kinabukasan. Maaari itong paghandaan, ipagdasal, at labanan sa maayos at tamang pamamaraan kung kaya pa. Ngunit paano kung huli na ang lahat, wala nang oras na hahabulin o kung wala nang buhay na maililigtas?
Sa sitwasyon ng Pamilya Pineda ng Pampanga, hinarap nila ang trahedyang tila ipinaramdam sa kanila bago pa man maganap. Alamin ito sa kuwentong ibinahagi nina G. Webister at Gng. Marilyn Pineda na may kaugnayan sa nangyari sa anak nilang si Shana Marie Pineda. Narito ang bahagi ng kanilang salaysay, “Enero 2019 nang puntahan kami sa aming bahay ng pinsan ni Princess Lei Viguilla, dating kamag-aral ng aming anak na noon ay may masamang nararamdaman at naparalisa dahil diumano sa stroke. Ipinaalam sa amin ng pinsan ni Princess Lei na ang aming anak ay kasama sa listahan na pinapaikot ng Department of Health (DOH) na may kaugnayan sa pagtuturok ng Dengvaxia. Nakita namin sa nasabing listahan ang pangalan ng aming anak kasama ang pangalan ni Princess Lei Viguilla. Nakita rin namin ang pangalan ng kaibigan ng aming anak na si Reynalyn Almachar na pumanaw dahil sa Dengvaxia vaccine noong Abril 2019. Laking gulat naming mag-asawa nang aming makita ito dahil sa aming pagkakaalam ay hindi naturukan ng Dengvaxia vaccine ang aming anak dahil tutol kami sa pagtuturok nito sa kanya, kaya hindi namin pinirmahan ang consent form na ibinigay ni Shana sa amin.”
Si Shana, 13, ay namatay noong Hulyo 29, 2019. Siya ang ika-143 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.
Pagkatapos ng mga pangyayari na nabanggit sa itaas, narito na ang mga sumunod na kaganapan sa buhay ni Shana:
Marso 2019 - Sumasakit ang kanyang mga buto, siya rin ay mahina at namumutla. Dahil dito, dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang ospital sa Pampanga. Sa blood test na isinagawa sa kanya, nalaman na mababa ang kanyang dugo, kaya iminungkahi ng doktor na ilipat siya sa ibang ospital kung saan siya ay isasailalim sa bone marrow test. Habang hinihintay ang resulta, nanatili sa nasabing ospital si Shana at siya ay sinalinan ng dugo. Pagkalipas ng tatlong araw, lumabas ang resulta ng kanyang bone marrow test at sinabihan ng doktor ang kanyang mga magulang na base sa resulta nito ay may leukemia siya. Pagkatapos ng walong araw na pamamalagi sa ospital, pinahintulutan ng doktor na lumabas si Shana at tuwing Lunes, isinasailalim siya sa chemotherapy. Naging maayos naman ang kondisyon niya sa mga sumunod na buwan.
Hunyo 24, 2019 - Isinailalim siya sa bone marrow test sa pangalawang pagkakataon. Ayon sa resulta, nananatiling maayos ang kalagayan niya.
Hulyo 22, 2019 - Sinalinan siya ng dugo dahil bumaba ang dugo niya.
Hulyo 25, 2019 - Nagkalagnat siya. Pinainom siya ng kanyang mga magulang ng paracetamol at bahagyang bumaba ang kanyang lagnat.
Hulyo 26, 2019 - Nagkaubo siya at muling nagkalagnat. Malakas din ang regla niya.
Hulyo 27, 2019 - Lalong lumala ang ubo niya. Siya ay may plema at tuwing inilalabas niya ito ay may kasamang dugo. Hindi pa rin nawala ang kanyang lagnat at siya ay nagsusuka. Dinala siyang muli sa ospital, isinailalim sa x-ray at base sa resulta, siya ay may pneumonia. Sabi ng doktor, napuno ng plema ang likod at baga niya, at muli siyang sinalinan ng dugo.
Hulyo 28, 2019 - Bigla siyang nakaranas ng hirap sa paghinga. Lalagyan sana siya ng tubo para tulungan siyang makahinga, subalit ayaw naman niyang magpalagay ng tubo.
Hulyo 29, 2019 Salaysay ng kanyang mga magulang, “Kahit siya ay hirap huminga, madaldal pa ang aming anak. Buong maghapon siyang nagdadaldal ng kung anu-ano.” Ayon pa sa kanila, pagkatapos nu’n ay kung anu-ano na ang sinasabi at nakikita ni Shana. Pagsapit ng alas-4:00 ng hapon, bigla siyang tumahimik at nag-agaw buhay. Pagdating ng alas-5:00 ng hapon, tuluyan na siyang pumanaw.
Sambit ng mga magulang ni Shana, “Napakasakit para sa amin ng pagpanaw ni Shana Marie. Malusog na bata ang aming anak. Wala siyang naging sakit at hindi pa naospital, maliban na lamang nitong kamakailan bago siya pumanaw.
“Wala kaming alam na nabakunahan siya ng Dengvaxia. Dahil dito, nais naming mapanagot ang mga taong mayroong kinalaman sa pagpapalaganap ng Dengvaxia vaccine nang walang pag-iingat at tamang pag-aaral. Dahil sa kanilang kapabayaan at kawalan ng pag-iingat, maraming buhay ng kabataan ang nanganganib ngayon at nawala, kabilang na ang aming anak na si Shana Marie na siya nitong ikinamatay.”
Sa tinaguriang Dengvaxia cases na hawak ng aming tanggapan, maraming magulang ng mga nasawi at surviving vaccinee (na may mga sintomas na), na nakaalam lamang sa naganap na pagkakaturok ng nasabing bakuna sa kanilang mga anak nang may nararamdaman na ang mga ito. Hindi nabigyan ng impormasyon ang mga naturang magulang kung nabigyan ng bakuna ang kanilang anak. Ang masaklap pa rito, nalaman lamang ng marami sa kanila ang pagbabakuna nang malala na ang kondisyon ng kanilang mga anak o nang ang mga ito ay yumao na. Malinaw na hindi binigyang-halaga ng mga kinauukulan ang karapatan ng mga magulang sa kanilang mga menor-de-edad na mga anak. Nakakalungkot dahil ayon sa mga magulang, walang ginawang blood test o screening bago naganap ang pagbabakuna.
Kaugnay sa sinapit na trahedya ng kanilang mga anak, na maaaring kanilang napigilan kung nahingi ang kanilang kapasyahan, bilang mga magulang, iginigiit nila ngayon ang kanilang karapatan — ang ipaglaban ang katarungan sa naganap na trahedya sa kanilang mga anak na hanggang ngayon ay iniinda ng kanilang buong pamilya.
Ang Pamilya Pineda ay kabilang sa kanila. Ang PAO at PAO Forensic Laboratory Division na nilapitan at hiningan nila ng tulong ay kasama nila sa kanilang laban hanggang sa makamit ang katarungan.