ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Oct. 5, 2024
Bawat magulang ay nagnanais na mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak, mailayo sa kapahamakan, maihanda sa anumang kahirapan, at lalung-lalo na walang magulang ang nagnais na mapahamak ang kanilang mga anak.
Sa kasamaang palad, naranasan iyan ng mga naulila ni Kathrina, ang biktima sa pamamaslang sa kaso ni Rodel Boñgol y Mansion a.k.a. “Roque” na may numerong CA-G.R. CR-HC No. 16828. Tunghayan natin ang mga pangyayari kaugnay sa kanyang sinapit, at kung ano ang naging hatol ng hukuman sa taong inakusahan at itinuturong sa kanya ay pumaslang.
Si alyas “Roque” ay sinampahan ng kasong murder ng Regional Trial Court (RTC) para sa umano sa pagpaslang sa biktima na si Kathrina.
Batay sa paratang na inihain laban kay Roque, nangyari diumano ang karumal-dumal na krimen, alas-7:00 ng gabi, noong ika-28 ng Hunyo 2021, sa Barangay Ligao, Albay.
Sa pamamagitan diumano ng treachery, binaril diumano ni Roque si Kathrina, na tinamaan sa likuran at dibdib nito, gamit ang isang bente dos na kalibre ng baril na wala umanong numero at tatak, at wala ring kaukulang lisensiya o permiso si Roque.Ang pangunahing saksi ay ang anak ng biktima na si Cholo na noon ay 12-anyos. Noong gabing iyon, nanonood ng telebisyon si Cholo at 2 nakababata nitong mga kapatid sa loob ng kanilang bahay nang bigla na lamang silang nakarinig ng malakas na kalabog, dahilan umano upang lumabas sila ng bahay. Paglabas nila, nakita umano nila si Roque, may isang metro ang layo sa kanilang ina na si Kathrina. Mayroon umanong hawak na baril si Roque at pinaputukan diumano si Kathrina na noon ay nakadapa na sa lupa. Matapos na magpaputok, agad na tumakbo diumano si Roque patungo sa likod ng naturang bahay.
Nadaanan pa umano ni Roque si Cholo, sa galit ng naturang bata, inihagis nito ang tasa na kanyang hawak, at mga bato na kanyang nakita mula sa kanyang kinatatayuan. Gayunman, nakatakbo pa rin palayo sa kanila si Roque.
Nadala pa umano sa pagamutan si Kathrina, pero idineklara rin itong dead-on-arrival. Nagtamo diumano ng 3 tama ng bala ng baril si Kathrina, na siyang dahilan ng kanyang hindi inaasahang pagpanaw.
Makalipas ang dalawang araw, ala-6:10 ng umaga, sa Pili, Camarines Sur ay nahuli umano si Roque. Boluntaryo umanong ibinigay ng kapatid nito na si Ramil ang isang bente dos na kalibre ng baril na mayroong 2 live ammunitions at 3 fire cartridges.
“Not Guilty” ang naging pagsamo ni Roque nang siya ay ma-arraign, noong ika-27 ng Hulyo 2021.
Noong ika-22 ng Marso 2022 ay boluntaryo umanong gumawa ng sinumpaang salaysay ng hindi pagtetestigo si Roque.
Ika-24 ng Mayo 2022, nagpalabas ng desisyon ang RTC na hinatulan si Roque ng pagkakakulong sa parusang reclusion perpetua, at pagbabayad ng sibil na pinsala at danyos para sa mga naulila ng biktima. Napatunayan diumano nang higit sa makatwirang pagdududa ang lahat ng elemento ng krimen na murder.
Batay sa naturang desisyon, nakadapa na umano sa lupa ang biktima bunsod sa naunang pagpapaputok ng baril sa kanya ng akusado. Sa puntong ito ay wala na umanong paraan ang biktima upang makalaban o depensahan ang kanyang sarili. Kahit ganu’n ang sitwasyon at sa presensya mismo ng mga kaanak ng biktima ay nagpakawala pa umano ang akusado ng dalawang putok ng baril, bagay na nagpakita umano ng maysa-demonyo nitong intesyon na sadyang wakasan ang buhay ng biktima. Ito umano ang naging konsiderasyon upang masabi ng hukuman na mayroong qualifying circumstance na treachery ang pagpaslang sa biktima.
Ang paggamit din umano ni Roque ng hindi lisensiyadong baril ay special aggravating circumstance, ayon sa RTC.
Naghain ng kanyang apela si Roque sa Court of Appeals (CA), sa pamamagitan ni Atty. Jeah Larisse R. Apa, mula sa aming Special and Appealed Cases Services (SACS).
Iginiit niya na hindi umano napatunayan ng panig ng tagausig ang kanyang pagkakasala nang higit sa makatwirang pagdududa. Hindi umano sapat ang ebidensiya ng tagausig na siya ang bumaril sa biktima, at na ginawa ang pamamaslang ng may kaliluhan. Mali rin umano na kinokonsidera ng RTC bilang special aggravating circumstance ang hindi lisensiyadong baril na sinasabing ginamit niya sa krimen.
Sa muling pag-aaral sa kaso ni Roque, hinimay ng appellate court ang mga elemento ng krimen na Murder, na kinakailangan ay: (1) mayroong tao na napaslang; (2) ang akusado ang gumawa ng pamamaslang; (3) ang pamamaslang ay kinakikitaan ng isa sa mga qualifying circumstances na nakasaad sa Artikulo 248 ng Revised Penal Code (RPC); at (4) ang pamamaslang ay hindi katumbas ng krimen na parricide o infanticide.
Sa ipinalabas na desisyon ng CA, hindi sumang-ayon ang hukuman na lubos na napatunayan ng tagausig na mayroong sirkumstansya na treachery sa pagpaslang sa biktima. Ito ay sa kadahilanan na wala umanong nakakita kung paano nagsimula ang krimen.
Sa tala umano ng hukuman, bagaman nasaksihan diumano ng mga kaanak ng biktima ang pamamaril, inamin diumano ng mga ito na hindi nila nasaksihan kung paano nagsimula ang pamamaril. Wala rin umanong ebidensiya na nagpapakita ng kawalan ng kakayahan ng biktima na depensahan ang kanyang sarili. Dahil dito, hindi umano maisasapantaha na mayroong kaliluhan sa pag-atake sa biktima.
Ipinaalala ng CA, sa panulat ni Honorable Associate Justice Mariflor P. Punzalan-Castillo ng Third Division, ang sumusunod:
“To appreciate treachery, it must be shown that: (a) the means of execution employed gives the victim no opportunity to defend himself or retaliate; and (b) the methods of execution were deliberately or consciously adopted; indeed, treachery cannot be presumed, it must be proven by clear and convincing evidence.
In People of the Philippines v. Matimanay Watamama, it was clarified that for treachery to be considered, it must be present and seen by the witness right at the inception of the attack. Where no particulars are known as to how the killing began, the perpetration of an attack with treachery cannot be presumed.
Thus, in the case of People of the Philippines v. Julian Rapanut, et. al., the presence of treachery was ruled out as the eyewitness therein saw the accused only after the initial sound of gunshots, as is the situation obtaining here. To be sure, circumstances that qualify criminal responsibility cannot rest on mere conjecture, no matter how reasonable or probable, but must be based on facts of unquestionable existence. These circumstances must be proved as indubitably as the crime itself.”
Ang kawalan ng sapat na ebidensiya patungkol sa qualifying circumstance na treachery ay nangangahulugan diumano na hindi maaaring hatulan si Roque para sa krimen na murder. Gayunman, siya ay maaaring hatulan para sa krimen na homicide sa ilalim ng Artikulo 249 ng RPC, sapagkat sumapat diumano ang positibo, malinaw at hindi nagpabagu-bago na testimonya ng pangunahing saksi na si Cholo, kaugnay sa nasaksihan niyang pamamaril diumano ni Roque sa kanyang ina.
Para rin sa CA, tama umano ang RTC na special aggravating circumstance ang paggamit ng akusado ng hindi lisensiyadong baril sa pagsasakatuparan ng pamamaslang sa biktima, alinsunod sa R.A. No. 1059.
Bagaman bumaba ang hatol sa akusado, mula sa krimen na murder ay homicide na lamang, nangangahulugan pa rin ito ng 12 taon na prision mayor, bilang minimum, hanggang 20 taon na reclusion temporal, bilang maximum, at inutusan na magbayad-pinsala sa mga naulila ng pumanaw na biktima ng halagang P50,000.00, at karagdagang P50,000.00 para sa moral damages, P50,000.00 para sa exemplary damages, P50,000.00 para sa temperate damages, na maaaring magkaroon ng legal na interes na 6% bawat taon, hanggang sa mabayaran ng hinatulan ang kabuuang halaga.
Ang nasabing desisyon ng CA ay naging final and executory noong Oktubre 13, 2023.
Masakit para sa isang ina o magulang ang mawalay sa kanilang anak. Pero mas higit pa siguro ang paghihinagpis ng kaluluwa ni Kathrina, dahil hindi lamang siya nawalay sa kanyang mga anak at mahal sa buhay, nakita pa ng mga ito, sa kanilang sariling mga mata, na walang-awa na winakasan ang kanyang buhay sa isang malagim na krimen.
Hindi lamang nawalan ng magulang sina Cholo, naiwan at mahapdi rin sa kanilang mga puso at isipan ang karumal-dumal na pagpanaw na sinapit ng kanilang minamahal na ina. Daing mula sa hukay ng biktima at daing ng mga naiwan niya ang nagsilbing kolektibong pagsamo para sa hustisya sa kasong ito.
Nawa’y magsilbing pambukas-mata at pamukaw ng damdamin ang kaso na aming ibinahagi sa araw na ito, na hindi lamang mahalin ang ating mga ina, magulang o kaanak habang sila ay nabubuhay pa, kundi pati na rin ang pahalagahan ang bawat araw, oras at segundo na sila ay kapiling pa.
Pakatandaan lagi na hindi natin hawak ang hinaharap, hindi natin alam kung ano ang mga mangyayari o kung kailan tayo ay mawawala na lamang sa isang iglap. Kung kaya’t magmahal ng tapat at manalangin ng taimtim. Sa awa ng Maykapal, nawa ay hindi natin sapitin ang ganitong uri ng pighati at dilim.