ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | May 13, 2023
Marami sa ating sa mga kabataan ang mahilig sa sports, ngunit ‘di man sila nagiging atleta sa kanilang eskuwelahan, nakakapagbigay naman sila ng saya sa kanilang magulang.
Kabilang na rito sina G. Orlando at Gng. Ma. Cristina Nayve ng Caloocan City.
Ang kanilang anak na si Zorev Nayve na may hilig sa sports ay napalitan ng lungkot at hindi mapawing pagdadalamhati. Ayon sa kanilang salaysay, si Zorev ay “Isang masayahin, aktibo, masigla at malusog na bata. Siya ay mahilig sa sports. Sa katunayan ay naglalaro rin siya ng basketball at taekwondo. Kailanman ay hindi siya nagkaroon ng malubhang karamdaman at hindi pa siya na-ospital, maliban na lamang noong buwan ng Agosto 2019, mga ikalawang linggo, kung saan siya ay nakaramdam ng pagkahilo at pagsusuka sa kanyang eskwelahan.”
Si Zorev, 14, namatay noong Agosto 29, 2020. Siya ang ika-156 na mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki, at pagdurugo ng laman-loob),
neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA). Noong Disyembre 2015, siya ay sinailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, matapos na hilingin ito ng kanyang mga magulang.
Siya ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan sa Pasay City. Noong una ay Abril 11, 2016, pangalawa noong Enero 10, 2017, at pangatlo ay noong Hulyo 12, 2017.
Simula Setyembre hanggang Disyembre 2019, nadagdagan pa ang mga sintomas na nararamdaman ni Zorev at patuloy na lumubha ang kanyang kalagayan. Narito ang ilan sa mga detalye:
Setyembre - Nahilo at nagsuka siya sa eskuwelahan. Iniuwi siya ng kanyang ina, at pinainom ng paracetamol, at naginhawaan siya.
Oktubre 16 - Sunud-sunod ang kanyang pagkahilo at pagsusuka. Dinala siya sa isang ospital sa Quezon City. Nalaman na mataas ang kanyang blood pressure. Hindi na siya inilabas sa ospital, isinailalim siya sa iba’t ibang laboratory examinations, at lumabas sa resulta na mataas ang kanyang creatinine. Siya ay inilagay sa intensive care unit (ICU), dahil kailangang isailalim sa peritonial dialysis. Ayon sa kanyang mga magulang, ‘yun ang kauna-unahang pagkakaton na siya ay nadala sa ospital, subalit sinabi sa kanila na Chronic Kidney Disease Stage 5 umano ang sakit ni Zorev.
Oktubre 18 - Inoperahan siya upang ilagay sa kanya ang catheter para sa peritoneal dialysis na isinagawa sa kanya. Umayos naman ang kanyang pakiramdam, subalit nanatili siya sa ospital dahil kailangang isagawa ang dialysis sa kanya kada dalawang oras. Gayunman, kahit na siya ay isinailalim sa dialysis, mataas pa rin ang kanyang creatinine at siya ay namamanas, at taas-baba ang kanyang blood pressure.
Nobyembre 11 hanggang 20 - Bahagyang umayos ang kanyang kalagayan. Nabawasan ang kanyang pagkamanas hanggang siya ay pinalabas sa ospital. Sa kanilang tahanan, ipinagpatuloy ang kanyang peritoneal dialysis at dinadala siya sa Quezon City Hospital every week para sa kanyang check-up.
Disyembre 16 at 19 - Sumakit ang ulo, nahilo, nagsuka at nag-seizure siya. Muli siyang ibinalik sa Quezon City Hospital. Habang nasa emergency room ay nawalan na ito ng paningin. Isinailalim siya sa CT scan, at wala umanong pumutok na ugat sa kanyang ulo. Ayon sa ospital, normal na epekto ng seizure ang pagkawala ng paningin, kaya inilipat siya sa ICU at ipinagpatuloy ang dialysis. Tumaas din ng kanyang blood pressure at creatinine kaya naging kritikal ang kalagayan niya hanggang Disyembre 19, 2019.
Disyembre 20, 2019 - Unti-unting bumalik ang kanyang paningin. Umayos na ang kanyang pakiramdam, subalit ang blood pressure ay ‘di pa rin bumababa. Nagpatuloy ang kanyang dialysis, ngunit kaunting likido lang ang lumalabas sa kanyang catheter.
Noong 2020, narito ang ilan sa mga pinagdaanan ni Zorev hanggang sa siya ay pumanaw.
Enero 3 - Lumaki at sumakit ang kanyang tiyan. Nagsuka at tumaas ang kanyang blood pressure, kaya inilipat ito sa ibang ospital sa Quezon City.
Enero 9 - Nabingi na siya.
Enero 12 - Nagsimula na ang kanyang hemodialysis.
Pebrero 5, 8, at 9 - Nagkaroon siya ng hypertension, at nawala ang kanyang lagnat kaya siya ay iniuwi na.
Pebrero 20 hanggang Marso 10 - Muli siyang sinugod sa ospital sa Quezon City dahil sa pananakit ng kanyang ulo. Nalaman na mababa ang kanyang red blood cells, at hindi mapababa ang kanyang blood pressure. Nanatili siya sa ospital hanggang Marso 10, 2020.
Hulyo 23 - Nalaman ng doktor na nahihirapan siyang huminga, inirekomenda niya na isailalim si Zorev sa 2D Echo. Nalaman na mayroon siyang sakit sa puso.
Hulyo 23 - Nagpatuloy ang kanyang dialysis.
Agosto 29 - Isinagawa ang dialysis bandang alas-7:00 ng umaga. Dahil aabutin ng apat na oras ang dialysis, bumili si Gng. Ma. Cristina ng french fries at hamburger para kainin ni Zorev habang isinasagawa ang dialysis dahil nagugutom na umano siya, at gusto niya nito. Matapos niyang kainin ang hamburger, nagsuka siya, at hindi na rin makahinga hanggang siya ay tuluyan nang pumanaw.
Sa kanilang salaysay, sinabi ng mag-asawang Nayve, “Napakasakit ng biglaang pagpanaw ni Zorev. Palaisipan sa amin ang pagkakaroon niya ng sakit, sapagkat masigla, aktibo at malusog na bata ito. Kaya nakakapagtaka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia ay biglang nagbago ang estado ng kanyang kalusugan. Ito ay sa kabila ng sinasabi nila na ang Dengvaxia na itinurok sa kanya ay makapagbibigay ng proteksyon laban sa dengue infection.”
Ang sakit na kanilang nararamdaman at ang nasabing palaisipan ay dalawa lamang sa matitinding dahilan na naghatid sa mag-asawang Nayve sa aming Tanggapan upang hilingin ang legal na paglilingkod ng PAO, at ang forensic services ng PAO Forensic Laboratory Division.
Hindi matanggap ng mga Nayve na nagkasakit nang malubha ang kanilang anak na si Zorev, samantalang kahit minsan ay hindi ito naospital. Hindi man sila dalubhasa sa medisina, alam nila na malusog ang kanilang anak bago nailagay sa katawan niya ang bakunang Dengvaxia.
Patuloy ang aming pagpupunyagi sa kaso ni Zorev na ipinaglalaban na sa hukuman. Sa dulo ng aming laban, nawa ang sakit na kanilang nararamdaman ay maibsan ng katarungan at ang nasabing palaisipan ay maliwanagan.