ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | June 3, 2023
Sa usaping may kinalaman sa “puso” wala nang mas higit na apektado sa isang mapagmahal na ina, lalo na kung ito ay may kaugnayan sa kanyang anak. Katulad ni Gng. Maricel C. Fernandez ng Bulacan sa kanyang anak na si Jc Albert F. Legaspi, na nagkaroon ng malubhang karamdaman at pumanaw.
Ani Gng. Maricel sa kanyang salaysay: “Maayos ang kalagayan ni Jc, ngunit noong mga sumunod na araw ay kitang-kita ang pagtibok ng kanyang puso. Buwan-buwan ay dinadala namin siya sa isang ospital sa Quezon City. Na-discharge siya noong Mayo, dahil sa kakapusan ng aming pera, hindi na namin siya madala pang muli sa ospital para sa kanyang check-up.”
Si Jc, 15, ay namatay noong Nobyembre 25, 2020. Siya ang ika-159 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki, at pagdurugo ng lamang-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015}. Siya ay sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, matapos na hilingin ito ng kanyang mga magulang.
Siya ay tatlong beses na naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan. Una, noong Hunyo 21, 2016; pangalawa ay noong Pebrero 1, 2017, at huli, noong Setyembre 25, 2017.
Ayon kay Gng. Maricel, si Jc ay “Masayahin, aktibo, masigla at malusog na bata. Mahilig siya maglaro ng volleyball. Kailanman ay hindi siya nagkaroon ng mabigat na karamdaman, maliban na lamang noong nagkaroon siya ng Dengue noong siya ay nasa Grade 1.”
Pagdating ng 2019, patuloy pa rin na lumubha ang kanyang kalagayan. Narito ang ilan sa mga detalye:
∙ Enero 2019 - Tuluy-tuloy ang kanyang pag-ubo. Dinala siya sa isang ospital sa Bulacan. Base sa resulta ng x-ray, lumaki umano ang puso niya. Binigyan siya ng gamot para sa ubo at ni-refer sa ibang ospital upang masuri ang paglaki ng kanyang puso. Agad siyang dinala ro’n dahil hirap na ito sa paghinga. Nangitim ang kanyang mga kuko sa kamay at paa. Isinailalim din siya sa iba’t ibang uri ng eksaminasyon. At nakumpirma ro’n na mayroon siyang “enlargement of the heart.”
∙ Marso at Abril 22 - Muling inubo si JC noong Abril 22, 2019, dinala siya sa isang ospital sa Quezon City, dahil sa patuloy na pag-ubo na nagsimula ng huling linggo ng Marso 2019. Nawalan na siya ng malay at nang i-akyat sa Intensive Care Unit (ICU) ay nagkamalay ito subalit nagwawala siya dahil sa tindi ng sakit na kanyang nararamdaman, kaya napagdesisyunan na siya ay iginapos. Nagkaroon siya ng hallucinations, at na-comatose rin si Jc ng dalawang linggo.
∙ Setyembre 2019 - Naging maayos ang naging kalagayan ni Jc sa mga sumunod na araw, maliban sa malakas na pagtibok ng kanyang puso.
Noong taong 2020, lumala ang kondisyon ni Jc. Hanggang sa humantong ito sa kanyang pagpanaw. Narito ang mga kaugnay na detalye:
∙ Setyembre 2020 - Muling bumalik ang kanyang pag-ubo. Dinala siya sa isang medical center at niresetahan ng gamot sa ubo at para sa puso niya.
∙ Nobyembre 12 at 18 - Namamanas na ang mga paa ni Jc, palala nang palala ang kanyang manas. Noong Nobyembre 18 ay dinala siyang muli sa ospital.
∙ Nobyembre 19 at 22 - Isinailalim si Jc sa swab test at negatibo ang naging resulta. noong Nobyembre 19 ay ipinasok siya sa emergency room.
∙ Nobyembre 25 - Nais niya nang lumabas sa ospital, pinayagan itong lumabas subalit ang discharge ni Jc ay against medical advice. Tumuloy muna sila sa kapatid ni Gng. Maricel dahil siya ang sumundo sa kanila sa Bulacan. Subalit bandang alas-9:00 ng gabi, habang kinakausap ni Gng. Maricel si Jc ay bigla na lamang siyang sumubsob. Itinakbo siya sa pinakamalapit na ospital sa Quezon City, subalit dead on arrival na si Jc.
Ayon kay Gng. Maricel, “Napakasakit para sa akin ang biglang pagpanaw ng aking anak na si Jc. Palaisipan pa rin sa akin ang pagkakaroon ng sakit ni Jc dahil isang itong masigla, aktibo at malusog na bata. Wala siyang history ng pagkaka-ospital mula sa kanyang pagkabata. Kaya nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia vaccine ay bigla na lamang nagbago ang kanyang kalusugan.”
Sa tinaguriang Dengvaxia cases na hinahawakan ng aming tanggapan, kung saan ay kabilang ang kaso ni Jc, na may support system na masasandalan ng magulang o kaanak ng mga biktima. Kabilang dito si Gng. Sumachen Dominguez, Presidente ng Samahan ng mga Magulang, Anak ay Biktima ng Dengvaxia (SMABD). Nabuo ang samahan na ito upang madamayan ang kanilang kalungkutan sa biglaang pagkakasakit o pagkamatay ng kanilang mga anak. Sila ay lumaban upang makamit ang hustisya para sa kanilang mga anak. Si Gng. Dominguez ang tumatayong tagabuklod. Siya ring ay ina ng survivor vaccine ngunit patuloy na umaabot sa kamay ng mga kapwa niya pamilyang biktima. Sa dulo nito, katarungan ang masasabing indikasyon ng tagumpay ngunit ang pagtutulungan ng mga miyembro ng SMABD ay tagumpay ring maituturing.