ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 14, 2023
Ang informed consent ay bahagi na ng vocabulary ng mga Pilipino dahil sa mga naganap na pagbabakuna kung saan isa sa mga naging tampok ang Dengvaxia vaccines.
Naintindihan ng maraming Pilipino kung ano ang informed consent dahil sa kawalan nito sa maraming kaso ng pagkakaturok ng nasabing bakuna sa maraming bata. Isa sa mga nabanggit na kaso ang nangyari kay Tyrone Tisbe, anak nina G. Mhykel at Gng. Lorena Tisbe ng Pasay City.
Kaugnay nito, narito ang bahagi ng sanaysay ni G. Tisbe ukol sa pagpapabakuna ng kanilang anak:
“Bago mabakunahan si Tyrone ay mayroon siyang maliit na papel na pinapirmahan sa akin para umano mabigyan siya ng bakuna kontra dengue. Sa papel na iyon ay walang nakalagay kung ano ang magiging epekto ng nasabing bakuna sa kalusugan ng aming anak, pinirmahan ko ang nasabing papel dahil iniisip ko na hindi na magkakaroon ng dengue ang aming anak.”
Malinaw na hindi sapat ang impormasyon o kaalaman ng mag-asawang Tisbe ukol sa nabanggit na bakuna. Hindi nakasulat sa nasabing papel ang mga maaaring maging epekto ng Dengvaxia vaccine na ituturok nila kay Tyrone. Kaya ang pagsang-ayon ng mag-asawa na mabigyan ng bakuna ang kanilang anak ay hindi kailanman maituturing na informed consent. Nang ibigay nila ang kanilang pagsang-ayon, ay hindi nila alam na mayroong severe adverse effects ang bakuna kaya hindi pa rin masasabi na informed consent.
Si Tyron Tisbe, 15, namatay noong Marso 31, 2021. Siya ang ika-162 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki, at pagdurugo ng lamang-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015}. Si Tyrone ay naturukan ng Dengvaxia ng 2 beses; una noong Enero 11, 2017, at pangalawa noong Hulyo 11, 2017. Noong Hunyo 2017, bago siya nakatanggap ng pangalawang bakuna, may lumabas na bukol sa kanyang kanang leeg. Malaki ang bukol na lumabas sa kanya. Maayos pa naman ang pakiramdam ni Tyrone noon kahit na may bukol siya at inakala lamang ng kanyang mga magulang na sipong lubog ang nasabing bukol.
Oktubre 20, 2017 - Dinala siya sa isang ospital sa Manila, at doon nalaman na ang nasa kanang leeg niya ay isa diumanong cyst. Isinailalim ito sa operasyon upang maalis ang bukol. Nakauwi rin agad sila noong araw na iyon, at binigyan lamang si Tyrone ng mefenamic acid at antibiotics. Matapos ang operasyon ay naging maayos naman ang naging pakiramdam niya. Patuloy pa rin ang kanyang pagpasok hanggang nagkaroon sila ng Christmas Break noong Disyembre 8, 2017.
Pagdating ng taong 2018 hanggang 2021, narito ang hirap na pinagdaanan ni Tyrone hanggang sa siya ay pumanaw noong Marso 31, 2021:
Enero 2 at 3, 2018 – Nakita ng kanyang mga magulang ang dalawang bukol sa kaliwa at kanang leeg niya sa bandang ilalim ng kanyang tainga. Nilalagnat at namamanas din ang kanyang mukha noon. Kinabukasan, pinagamot nila si Tyrone sa albularyo. Tinanong sila ng albularyo kung nabakunahan si Tyrone ng Dengvaxia, sapagkat kaparehas na kaparehas diumano ng sakit ni Tyrone ang sakit ng isang batang naturukan din ng Dengvaxia na ginagamot niya. Pinayuhan ang mag-asawang Tisbe na agapan nila ang sakit ni Tyrone. Tatlong beses nilang dinala si Tyrone sa nasabing albularyo hanggang sa nakita sila ng midwife ng kanilang center at sinita sila nito na bakit umano sa albularyo nila dinadala si Tyrone na sa halip ay sa ospital. Ang midwife na iyon ang siyang nagbakuna diumano sa kanilang anak. Agad na dinala nila sa isang ospital sa Manila ang kanilang anak. Sa emergency room do'n, sinuri si Tyrone at nalaman na mababang-mababa na ang kanyang platelet, kinakailangan niyang masalinan ng dugo at ma-admit sa nasabing ospital. Sinalinan siya ng dugo at naging maayos naman ang kanyang pakiramdam. Isinagawa rin sa kanya ang BMA o Bone Marrow Aspiration, at nalaman na mayroon diumano siyang Acute Lymphoblastic Leukemia. Pagkatapos nito, ang sumunod na isinagawa sa kanya ay ang Chemotherapy sa isang ospital sa Quezon City, kung saan tuluy-tuloy ang naging gamutan niya mula Pebrero 3, 2018. Nahinto lamang noong Marso 2020 hanggang Agosto 2020 dahil sa pandemya. Itinuloy muli ang kanyang gamutan noong Setyembre 2020.
Enero 27, 2021 – Napansin ng kanyang mga magulang na bagama’t pabalik-balik sila sa ospital parang hindi naman siya gumagaling. Sinabihan sila ng doktor na hindi na kinakaya ni Tyrone ang Chemotherapy, at binigyan na ng taning ang kanyang buhay. Anim na buwan na lamang diumano ang itatagal niya. Dahil dito ay tinanong sina G. Mhykel at Gng. Lorena ng doktor kung gusto pa nila ituloy ang gamutan at gawin na lamang oral, at sa bahay na ito isasagawa. Pumayag sila, at noong araw din na 'yun ay inuwi na nila sa bahay si Tyrone, at doon na nila itinuloy ang gamutan.
Salaysay ng mga magulang ni Tyrone: “Patuloy naming inaalagaan ang aming anak lakip ang pag-asang gumaling pa ito. Hanggang sa dumating ang araw na kinatatakutan namin.
Noong March 31, 2021, nagkakaroon siya ng pasa-pasa sa katawan at bigla siyang inubo kaya naglaga ako ng tawa-tawa at pinainom ko siya ng Ambroxol dahil sa sunud-sunod niyang pag-ubo. Nagpatuloy ang pag-ubo niya hanggang sa nagsikip ang paghinga niya kaya dinala na namin siya sa ospital na siyang pinakamalapit sa aming lugar. Ayon sa mga doktor, dead-on-arrival na raw ang aming anak”
Dagdag pa nila “Napakalungkot ang mawalan ng anak na inalagaan namin mula sa kanyang pagsilang at dahil lamang sa bakuna na ibinigay sa kanya ay nag-iba na ang kanyang kalusugan. Malaki rin ang paniniwala naming mag-asawa na ang Dengvaxia vaccine ang sanhi ng pagkamatay ni Tyrone dahil ang kanyang mga naramdaman ay parehas nang sintomas ng mga batang katulad niya na nabakunahan at namatay din. Hindi rin siya nagkaroon ng dengue bago siya maturukan.”
Ang kakulangan ng impormasyon sa tinaguriang Dengvaxia cases na pinabigat ng kakulangan din ng sapat na malasakit ay hinding-hindi na kailanman hayaang maulit. Isa ito sa matinding dahilan kung bakit patuloy kaming nagpupunyagi sa mga kasong inilalapit sa amin na may kaugnayan sa nasabing bakuna. Matinding pagkukulang sa impormasyon at malasakit, husto na! Hustisya ay igawad na!