ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Feb. 1, 2025
ISSUE #343
Sa mga nakapanghihilakbot at nakagugulantang na sitwasyon, paano nga ba tinatanggap ng ating mga batas at alituntunin ang mga pahayag na aniya ay ibinigkas ng akusado na maaaring magamit mismo laban sa kanya?
Sa araw na ito, ating suriin ang naging malinaw na pagtugon ng ating Kataas-taasang Hukuman sa nasabing katanungan kaugnay sa isa sa mga kasong nahawakan ng ating tanggapan.
Sa kasong People v. Thanaraj (G.R. Number 262, Hulyo 29, 2024) sa panulat ni Honorable Associate Justice Jhosep Y. Lopez, ating tingnan kung paano ang daing ng isa sa ating mga kliyente na itago na lamang natin sa pangalang “Bea”, ay pinal na natuldukan nang siya ay mapawalang-sala mula sa kasong nagmula sa akusasyon ng pagkitil sa kanyang asawa o parricide. Bilang pagbabahagi ng mga pangyayari, ating suriin ang naging paglalahad mula sa bersyon ng panig ng tagausig.
Alinsunod dito, aniya ay noong ika-5 ng Abril 2017, bandang alas-3:00 ng hapon, habang nagpapahinga mula sa kanyang pagtatrabaho bilang construction worker si Vincent, hindi niya tunay na pangalan, narinig niya umano mula sa bahay na kanyang pinapasukan na ang karatig bahay kung saan nakatira ang mag-asawang sina Bea at Gerald, hindi nila tunay na mga pangalan, ang mga katagang, “Tulungan ninyo po ako, nasaksak ko ang asawa ko!
”Dagdag pa ni Vincent, matapos niyang marinig ang salitang iyon, biglang lumabas mula sa kanilang bahay si Bea at lumapit sa kanila upang humingi ng tulong.
Sa puntong iyon, bumungad sa kanya si Gerald na nakatayo sa harap ng pinto ng kanilang tahanan. Nababalot na ng dugo ang leeg at sumusuka na ito.
Agad na hinubad ni Vincent ang kanyang jacket at hinimok ang kanyang mga katrabaho na lagyan ng pressure ang leeg ni Gerald. Sumama sa sasakyan si Vincent, kung saan dinala sa ospital si Gerald.
Habang nasa daan, aniya ay nabanggit ni Bea kay Vincent ang katagang, “Kuya, mahal na mahal ko po ang asawa ko. Hindi ko sinasadya na saksakin siya.” Ngunit sa kasamaang palad ay binawian pa rin ng buhay si Gerald.
Ayon sa autopsy report, nagtamo ng malubhang sugat sa kanang bahagi ng leeg si Gerald na dulot ng matalas na bladed instrument. Kaugnay sa nabanggit, kinasuhan ng pagpaslang sa asawa o parricide si Bea. Subalit, mariing itinanggi ni Bea ang mga paratang laban sa kanya.
Ayon sa kanya, madalas silang magtalo ni Gerald, kung saan makailang beses ding muntikan nang mauwi sa hiwalayan. Aniya, sa tuwing ganito ang nangyayari ay nagbabanta si Gerald na sasaksakin niya ang kanyang sarili lalo na kapag iniwan niya ito.
Noong ika-5 ng Abril 2017, matapos ang kanilang pagtatalo, nagulat na lamang siya nang makita si Gerald sa harap ng kanilang pintuan na may dalang patalim at muling nagbanta na sasaksakin ang sarili kapag ito ay umalis. Dahil makailang ulit na itong nangyayari, hindi natinag si Bea at nilampasan pa rin niya si Gerald. Subalit, nakita na lamang ni Bea na duguan ang leeg ni Gerald.
Kasunod nito, humingi na ng tulong si Bea sa labas, kung saan nakita niya ang grupo ng mga construction workers.Matapos ang paglilitis, hinatulan ng Regional Trial Court si Bea sa kasong pagpaslang sa asawa o parricide. Ito ay kinumpirma rin ng Court of Appeals matapos itong iapela.
Sa pagtaguyod ng naging hatol ng Regional Trial Court, sinabi ng Court of Appeals na napatunayan ng tagausig ang mga rekisito sa kasong parricide. Aniya, ang pahayag ni Bea na nasaksak niya ang kanyang asawa ay maaaring magamit bilang ebidensiya, alinsunod sa tinatawag na res gestae statement, o mga pahayag na sinambit habang nasa nakagigimbal na sitwasyon na siyang pinahihintulutan, alinsunod sa Seksyon 26 ng Rule 130 ng Revised Rules on Evidence.
Kaugnay sa nabanggit at sa huling pagkakataon, inakyat ni Bea sa Korte Suprema sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan Nilo Paulo Ocampo mula sa aming PAO-Special and Appealed Cases Service (PAO-SACS) ang kaso ni Bea.
Iginiit ni Bea na kaduda-duda ang kredibilidad ni Vincent bilang saksi at iginiit niya na hindi akma ang alituntunin patungkol sa tinatawag na res gestae statement, o mga pahayag na sinambit habang nasa nakagigimbal na sitwasyon. Dahil dito, hindi maaaring magamit kung tunay man niyang nasambit ang mga pahayag kay Vincent.
Tulad ng ating unang nabanggit, sa desisyon na may petsang ika-29 ng Hulyo 2024, pinal na tinuldukan ng Korte Suprema ang mga daing ni Bea nang siya ay mapawalang-sala.
Taliwas sa Court of Appeals, ang nasabing pahayag diumano ni Bea kay Vincent ay hindi sakop ng res gestae. Alinsunod sa Rule 130, Seksyon 36 ng Rules of Court, ang isang saksi diumano ay maaari lamang maging testigo patungkol sa mga katotohanan na meron siyang personal na kaalaman, na mula sa kanyang sariling persepsyon, at maliban na lamang kung pinahihintulutan ng iba pang tuntunin. Ang nabanggit ay ang alituntunin patungkol sa prohibisyon na tinatawag na “hearsay” o sabi-sabi.
Ang katwiran ng alituntunin na ito ay nakaugat sa dahilan na ang ganitong mga pahayag ay hindi sinumpaan o under oath at hindi rin sumasailalim sa tinatawag na cross-examination na siyang pangsuri sa kahusayan ng nasabing salaysay na ibinigkas sa labas ng hukuman, o out-of-court.
Sa kabilang banda, ang res gestae na salaysay o pahayag, bagaman ay out-of-court, ay pinahihintulutan. Gayunpaman, nararapat na mapatunayan ang mga sumusunod na rekisito: a) ang pangunahing gawain, ang res gestae ay isang nakakagulat na pangyayari; b) ang pahayag ay ginawa/sinabi bago nagkaroon ng panahon ang nagpapahayag na mag-isip; at c) ang pahayag tungkol sa pangyayaring pinag-uusapan at ang mga sirkumstansiya dumadalo sa mga pangyayari.
Kaugnay sa nabanggit na mga rekisito, binigyang-diin ng Korte Suprema na sa makailang kaso, kung saan ginamit ang res gestae rule, ang biktima ng krimen ang siyang nagbigay ng salaysay o pahayag, kung saan nagamit ang nasabing alituntunin.
Gayunpaman sa kasong ito, ang pahayag ay nagmula mismo aniya kay Bea – na siyang akusado na sumailalim sa cross-examination. Dahil dito, mali ang aplikasyon ng res gestae sapagkat si Bea ay tumayo sa witness stand at ang kanyang mga pahayag ay sumailalim sa masusing eksaminasyon. Sa halip, ang salaysay niya ay nararapat na suriin sa pamantayan ng admission against interest rule alinsunod din sa ating Rules of Court, Rule 130, Seksyon 27.
Ipinaliwanag ng Kataas-taasang Hukuman na upang magamit ang nasabing tuntunin, nararapat na ang pag-amin o admission diumano ay: a) tungkol sa bagay ng katotohanan at hindi ng batas; b) kategorya at tiyak; c) boluntaryo; at d) salungat sa interes ng admitter, kung hindi, ito ay hindi mapagkakatiwalaan at hindi katanggap-tanggap.
Gamit ang nasabing mga rekisito at kaugnay sa napatunayan sa kasong ito – hindi diumano maaaring maituring na malinaw, tiyak at boluntaryo ang naging pahayag ni Bea.
Ang mga pangyayari ay nagpapakita na si Bea ay nasa estado ng pagkabigla at humingi ng tulong upang ang kanyang asawa ay madala sa ospital.
Ang mga naunang pagbabanta ni Gerald na magpapakamatay ay nag-iwan sa kanya sa isang estado ng isip na anumang aksyon sa kanyang bahagi upang umalis ng bahay ay hahantong sa pananaksak.
Dahil dito, nang makalabas na siya ng bahay, nagkaroon siya ng pag-iisip na ang tuluyang pananaksak ni Gerald ay dahil sa kagagawan niya. At ang sikolohikal na estado na ito ni Bea ang pumipigil sa hukuman upang masabing ang deklarasyon laban sa pansariling interest o kapakanan ay kategorikal at tiyak. Dahil dito, hindi napunan ng tagausig ang burden nito upang maitaguyod ang konbiksyon ni Bea.
Sa kabuuan, ang natatanging pagsandal ng tagausig sa salaysay o naturang pahayag ni Bea ay hindi maaaring maging batayan ng kanyang konbiksyon dahil hindi ito katumbas ng patunay na lampas sa makatwirang pagdududa, o proof beyond reasonable doubt na kinakailangan sa mga kasong kriminal.
Sa lahat ng sitwasyon, mapait at masakit ang mawalan ng minamahal sa buhay. Higit pa sa sitwasyon na sa kabila ng pagmamahal na ibinuhos at ibinigay, luha at sa kalagiman pa ang naging hantungan.
Sa sitwasyon ni Bea, hindi natin lubos masukat at maisip ang bigat at daing na kanyang nadama matapos niyang mawalan ng mahal sa buhay tulad ng kanyang asawa at sumailalim pa siya sa paglilitis, kung saan siya pa mismo ang naging akusado sa naturang pagpaslang.
Muli, bagama't ikinalulungkot na ang isang buhay ay nawala, ang katarungan sa totoong kahulugan nito ay hindi maaaring pahintulutan ang pagkakulong ng isang taong inosente sa mata ng batas, lalo na kung ito ay nakabatay lamang sa naturang deklarasyon laban sa pansariling interes na hindi maaaring magamit alinsunod sa ating mga alituntunin.