ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | September 15, 2023
May mga pagkakataon na ang ating hiram na buhay ay natatapos sa kamay ng isang tao na bagama’t siya’y lumabag sa batas, siya naman ay insane o wala sa tamang pag-iisip.
Paano ba ipaglalaban ang katarungan sa ganitong uri ng kamatayan?
Kaya bang igawad ng batas ang hustisya para sa biktima at kanyang pamilya? Kahit na wala siya sa tamang pag-iisip nang gawin ang krimen na iyon, maituturing din bang makatarungan kung siya ay mapaparusahan?
Ito ang mga tanong na naglalabas-masok sa ating batas, at kat’wirang nakapaloob sa kasong nauugnay sa akusadong pinanawan na ng katinuan sa pag-iisip. Isang halimbawa ng nasabing kaso ang hawak ng aming tanggapan, ang Frimeraldo Francisco y Bautista vs. People of the Philippines (CA G.R. CR No. 46982, June 15, 2023, na isinulat ni Court of Appeals Associate Justice, Honorable Ruben Reynaldo G. Roxas, Special 8th Division). Nasa artikulong ito ang kaugnay na kuwento.
Ang bawat isa sa atin ay kinokonsidera sa mata ng batas na nasa tamang pag-iisip o of sound mind. Kung kaya’t tayo ay responsable sa anumang bagay o kilos na ating gagawin, lalo na kung ito ay labag sa batas. Subalit, kung mapatunayan na ang tao na lumabag sa batas ay wala sa tamang pag-iisip, maaari siyang mapawalang-sala. Ito marahil, para sa parte ng namayapang biktima at kanyang mga naulilang pamilya, ngunit kailangang pairalin at kilalanin ng hukuman ang nakasaad sa batas. Tulad ng nangyari sa pagitan ng dalawang lalaki na sina Frimeraldo at John.
Ika-26 ng Mayo, taong 2011, sa siyudad ng Laoag, sinaksak ni Frimeraldo si John sa dibdib. Batay sa bersyon ng prosekusyon, si John ay nangangasiwa ng babuyan.
Bagama’t hindi tauhan sa babuyan si Frimeraldo ay madalas itong natutulog do’n.
Noong umagang iyon ay sinabihan na ni John si Frimeraldo na alisin na ang mga gamit nito sa kanilang babuyan, dahil hindi sumunod si Frimeraldo, inilabas ni John ang mga gamit noong hapon ding ‘yun. Nakita ni Frimeraldo na pinupukpok ni John ng martilyo ang kanyang higaan at doon ay lubos na itong nagalit. Dali-daling umuwi si Frimeraldo sa kanilang bahay na hindi kalayuan at pagbalik nito ay may hawak na siyang kutsilyo na siyang ginamit panaksak sa dibdib ni John. Nakita ito ng tatlong tauhan ng babuyan, at agad namang dinala sa ospital ang biktima.
Sinampahan ng kasong frustrated homicide si Frimeraldo. Subalit, noong ikalawa ng Hunyo, sa kasamaang palad, binawian ng buhay si John. Kung kaya’t inamyendahan ang kaso niya ng homicide.
Bago nilitis ang kaso, ipinag-utos ng Regional Trial Court (RTC) na masuri ang pag-iisip ng akusado. Ayon sa ulat ng National Center for Mental Health (NCMH), hindi kaya ng akusado na sumailalim sa paglilitis sapagkat ito ay mayroong bipolar affective disorder. Dahil dito, pansamantalang sinuspinde ng RTC ang arraignment.
Pebrero 15, 2017 na nang muling buhayin ang kaso at nang ma-arraign si Frimeraldo, “not guilty” ang kanyang pagsumamo at iginiit ang depensang insanity.
Gayunman, guilty ang naging hatol ng RTC kay Frimeraldo. Bagama’t may kapansanan sa pag-iisip ang akusado, hindi ito lubusang nawalan ng kamalayan o pag-iisip, pinatawan siya ng parusang pagkakakulong at pinagbabayad para sa pinsala pati na rin ng danyos.
Inapela ng panig ni Frimeraldo sa Court of Appeals (CA) ang naturang desisyon at iginiit ang testimonya ng kanyang doktor na si Dr. Aganon, ang tumingin sa kanya mula pa noong taong 2002, noong siya ay 20-anyos pa lamang.
Ayon kay Dr. Aganon, mayroong psychosis si Frimeraldo nang mangyari ang krimen dahil wala sa tamang pag-iisip ang akusado, at dapat umano siya ay mapawalang-sala.
Sa masusing pagsusuri ng CA, kinatigan nito ang depensa at pinawalang-sala si Frimeraldo sa kriminal na aspeto. Ipinaliwanag ng nasabing hukuman na ang quantum of evidence upang patunayan ang insanity ay hindi na proof beyond reasonable doubt; bagkus, ang kailangan maitaguyod sa hukuman ay clear and convincing evidence.
Ayon sa CA, napatunayan na si Frimeraldo ay wala sa tamang pag-iisip nang maganap ang krimen at ito ay sinuportahan ng mga naging pagsusuri sa kanya ng kanyang doktor sa napakahabang panahon.
Kapuna-puna para sa hukuman na ang mga sinabi at ikinilos ng akusado, nang maganap ang krimen, ito ay nagpahiwatig na sadyang hindi niya lubusang naunawaan ang uri at kamalian ng kanyang ginawa sa namayapang biktima.
Magkagayunman, pinagbabayad pa rin si Frimeraldo sa mga naulilang pamilya ni John para sa pinsala at danyos. Binigyang-diin din ng hukuman na hindi nila pinagwalang-bahala ang karumal-dumal na ginawang pagpatay sa biktima. Sa sitwasyon lamang ni Frimeraldo, nakita nila, batay sa mga ebidensya na isinumite, na sadyang mayroong sakit sa pag-iisip ang naakusahan.
Sa halip din na ikulong si Frimeraldo sa regular na kulungan ng mga nahatulang may-sala, na kung saan hindi niya makukuha ang angkop na mental na rehabilitasyon, at ang posibilidad na siya ay mapalaya sa bisa ng paroleat makapanakit muli, ipinag-utos ng CA na siya ay panatilihing nasa loob ng institusyon, ang NCMH, na kung saan siya ay magagamot at siya ay makakalaya lamang sa oras na sadyang kaya na niyang maging angkop na kasapi ng lipunan, batay na rin sa magiging rekomendasyon ng naturang institusyon.
Ang pagkamit ng hustisya ay sadyang magkakaiba para sa bawat isa. At mayroong mga pagkakataon na masasabing hindi lubusang nakamit ng partido ang hustisya. Tulad na lamang sa nangyari kina Frimeraldo at John. Bagama’t hindi na-convict si Frimeraldo, masasabing hindi siya ganap na malaya.
Kinatigan din ang mga naulila ni John sa sibil na aspeto ng kaso, sila ay nawalan pa rin ng mahal sa buhay na kailanman ay hindi na nila makakapiling pa. Isang uri ng daing na marahil ay sa sariling hukay din nila dadalhin.