ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 27, 2023
Sa hawak na kaso ng aming Tanggapan na “People of the Philippines vs. Edward Rios” (CA-G.R. CR HC No. 14722, March 15, 2023, na isinulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Jennifer Joy C. Ong [5th Division]), ang biktima ay kalunus-lunos na pinahirapan. Ang paghihirap niyang ito ay dala niya hanggang sa kabilang buhay. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya nakakamit ang hustisya, at patuloy pa rin ang pagdaing niya mula sa hukay. Kaugnay sa nasabing kaso, ang kuwento na tampok sa artikulo natin ngayon.
Kalunus-lunos ang pagpapahirap na sinapit ng biktimang si Jastine. Ang pinagbintangang na pumaslang sa kanya at kalaunan ay sinampahan ng kasong murder ay si Edward.
Batay sa testimonya ni Marlon sa Regional Trial Court (RTC), isa sa mga saksi ng Taga-usig, bandang alas-10:00 ng gabi noong Setyembre 2, 2007, nasa isang bahay sila ng kanilang kaibigan sa isang subdivision sa Dasmariñas, Cavite. Naunang umalis si Jastine dahil mayroon pa diumano itong pupuntahan. Makalipas ang ilang saglit, napansin ni Marlon na nagtatakbuhan ang mga tao papunta sa opisina ng Homeowners Association, at du’n niya nakita diumano na binubugbog si Jastine ng mga barangay volunteers, at dinala ito sa clubhouse.
Bandang 12:30 ng gabi, habang naglalakad diumano pauwi si Marlon, nakita niya si Jastine sa tricycle kasama sina Edward, Frank at Mang Jimmy. Pagbaba ng mga ito ay napansin diumano ni Marlon na nakagapos ang mga kamay ni Jastine sa kanyang likuran at pilit itong pinaluhod.
Hawak ni Edward ang damit at pantalon ni Jastine, habang si Frank naman ay may inipit na unan sa tagiliran ni Jastine. Bigla na lamang diumano bumunot ng baril si Frank at pinaputukan ang gilid na bahagi ng ulo ni Jastine. Isinakay sa isang tricycle ang walang buhay na katawan ng biktima habang tumatalilis ang tatlo. Mayroon ding nakasunod na pick-up truck sa naturang tricycle na minamaneho ng isang nagngangalang Bong.
Kinaumagahan, nagpunta ang isang nagngangalang Boknoy sa kanyang bahay at ibinalita na nakita diumano ang bangkay ni Jastine malapit sa daang bayan. Pumunta sila sa bahay ni Jastine at nakausap ang ama nito na si Samuel. Sinamahan nila si Samuel ngunit pagdating sa naturang lugar ay nalamang nasa morgue na ang bangkay ni Jastine.
Sa kanyang cross-examination, sinabi ni Marlon na hindi niya nakita sina Edward at Frank noong binubugbog si Jastine ng mga barangay volunteers dahil umano ang mga ito ay nasa clubhouse. Nilinaw rin ni Marlon na may 7 metro diumano ang layo niya kay Frank nang maganap ang pamamaril.
Ayon sa testimonya ni Samuel sa RTC, si Jastine ay may “schizophrenia, undifferentiated type”. Nakita niya diumanong may mga talsik ng dugo sa Homeowners Association, ang direksyon ay papunta sa clubhouse. Samantala, sa manukan naman nila nakita ang tsinelas ng kanyang anak.
Batay sa cross-examination, sinabi ni Samuel na hindi niya tiyak kung ang mga talsik ng dugo na kanilang nakita ay dugo ni Jastine. Hindi rin diumano niya alam kung bakit binugbog at pinaslang ang kanyang anak.
Batay kay Joelan, isa pang saksi ng Taga-usig, nakita niya sina Edward, Frank at 8 pang katao na hinihila ang katawan ni Jastine bandang ala-1:00 ng hatinggabi, noong Setyembre 3, 2007. Napansin din niyang binusalan ang bibig ng biktima, ang mga kamay nito ay nakagapos at isinakay sa isang tricycle.
Sa cross-examination, sinabi ni Joelan na hindi niya kilala si Edward at si Frank lamang ang kilala niya bago ang naturang insidente.
Para naman sa inakusahang si Edward, siya ay nasa clubhouse bandang alas-10:00 ng gabi, noong Setyembre 2, 2007 at ginagampanan umano niya ang kanyang tungkulin bilang vice chairman ng Peace and Order ng Homeowners Association. Mayroong dalawang kabataan ang nahuli dahil sa curfew violation. Si Perla, nanay ng isa sa kabataang nahuli, ay nagpunta pa diumano sa clubhouse.
Bandang alas-6:00 ng umaga, may nakapagsabi diumano sa kanya na may bangkay na nakita sa manukan, nang magpunta siya sa nasabing lugar, mayroon nang mga nag-iimbestigang pulis. Hindi umano niya kilala si Marlon at hindi niya alam kung ano ang motibo nito upang idawit ang pangalan niya sa pagpatay kay Jastine.
Sa cross-examination sa kanya, inilahad ni Edward na may dalawa hanggang tatlong taon na siyang nanunungkulan bilang vice chairman ng kanilang asosasyon, habang si Frank naman ay isang presidente. Naalala diumano niya na noong gabing ‘yun ay sinamahan pa niya si Perla sa clubhouse at du’n ay ipinaliwanag ang magiging community service ng anak ni Perla, at bandang 12:30 ng gabi diumano sila umuwi.
Sinuportahan naman ni Perla ang mga pahayag ni Edward. Wala umano siyang ibang nakita na hinuli noong gabing ‘yun maliban sa kanyang anak at isa pang kabataan. Kilala rin diumano ni Perla si Edward dahil sila ay nakatira sa parehong barangay at nanungkulan din siya bilang miyembro ng kanilang Peace and Order. Sa kanyang redirect examination, sinabi ni Perla na walang guwardiya ang kanilang subdivision at maaaring makapasok dito ang sinuman.
Matapos ang paglilitis, hinatulan ng RTC si Edward bilang maysala sa pagpaslang kay Jastine. Ayon sa hukuman, napatunayan ng Taga-usig ang mga elemento ng krimen at hindi naging sapat ang alibi o pagdadahilan ng akusado. Hindi tanggap ni Edward ang naturang hatol, kung kaya’t umapela siya sa Court of Appeals (CA).
Sa pag-aaral ng kaso, nakita ng CA na mayroong mga materyal na impormasyon na naisantabi ang RTC, partikular na ang pagkakasalungat ng mga pahayag ng mga saksi sa kanilang naunang sinumpaang salaysay at testimonya sa hukuman.
Ipinaalala ng CA na sa mga kasong kriminal, kinakailangan na mapatunayan ng Taga-usig, sa pamamagitan ng proof beyond reasonable doubt, hindi lamang ang mga elemento ng krimen kundi pati na rin ang positibong pagkakakilanlan ng salarin.
Bagama’t ang mga ebidensya diumano na inilatag ng prosekusyon ay nagpapatunay na pinaslang ang biktima, hindi naman nakumbinsi ang CA na may moral na katiyakan na si Edward nga ang may kagagawan ng krimen.
Kapuna-puna sa CA ang sinumpaang salaysay nina Marlon at Joelan, na ginawa mas malapit sa petsa ng insidente, ay hindi sinabing si Edward ang pumaslang kay Jastine.
Ngunit sa kanilang testimonya sa RTC, idinawit na nila si Edward sa krimen. Ang mga pagkakasalungat na ito ay nagpupukol ng pagdududa sa identity o pagkakakilanlan ng pumaslang sa biktima.
Nagbigay rin ng pagdududa sa CA ang naging pag-uugali nina Marlon at Joelan, matapos masaksihan ni Marlon ang nasabing pamamaslang, bumalik umano siya sa bahay ng kanilang kaibigan matapos niyang makitang binubugbog si Jastine ng mga barangay volunteers. Nakita rin niyang binaril ito ngunit hindi siya nagsumbong sa mga pulis noong araw na ‘yun. Sa katunayan, nagbigay lamang siya ng kanyang salaysay noong Oktubre 8, 2007 o higit isang buwan mula nang napaslang si Jastine.
Samantala, si Joelan naman, matapos niyang makitang duguan at walang-awang hinihila si Jastine ay hindi niya agad nakuhang magsumbong sa pulis. Ipinaalam lamang niya kay Samuel ang nalalaman ilang linggo mula nang mabalitaang patay na si Jastine. Tulad ni Marlon, nagbigay lamang siya ng salaysay noong Oktubre 8, 2007.
Para sa CA, ang hindi nila pagpapakita ng kagyat na pag-aalala sa mga nasaksihan nila ay taliwas sa pangkaraniwang gagawin ng isang tao. Kung kaya’t ipinawalang-sala ng CA si Edward. Bagama’t ang acquittal ni Edward ay maaaring makita bilang kakulangan ng hustisya para sa biktima, binigyang-diin ng CA na ang akusado sa kasong kriminal ay ipagpapalagay na inosente hanggang ang kasalanan nito ay mapatunayan base sa proof beyond reasonable doubt. Maging ang isang akusado ay may karapatan ding mapatunayan ang kanyang kasalanan sa pamamagitan nang sapat na ebidensya na siya nga ang tunay na salarin. Marapat na walang pag-aalinlangang siya nga ang maysala upang maigawad ang kaparusahang nararapat.
Sa kasong ito, dahil may makatuwirang pag-aalinlangan sa partisipasyon ni Edward sa pagkakapaslang kay Jastine, kinatigan ang kanyang apela. Dalangin pa rin namin na mapatunayan kung sino man ang tunay na pumaslang kay Jastine upang makamit niya kahit sa kabilang buhay ang hustisya.