ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | Marso 22, 2024
May matanda tayong kasabihan na, “The spring cannot rise above its source,” o sa ating wika ay “Ang sibol ay hindi maaaring mas tumaas pa sa pinagmulan.”
Kaugnay sa nabanggit na kasabihan – hindi maaaring maging higit pa, o tumaliwas sa ating Saligang Batas ang isang pawang na resolusyon tulad na lamang sa Commission on Elections (COMELEC) Resolution Blg. 10015 – ito man ay alinsunod sa kapangyarihan ng nasabing Komisyong Konstitusyonal.
Ito ang kuwentong hango sa isang aktuwal na kaso na nahawakan ng aming tanggapan, ating silipin ang nangyari sa isa naming kliyente na itago na lamang natin sa pangalang ‘Gilbert’.
Bilang pagbabahagi, si Gilbert ay inakusahan at pormal na sinampahan ng kasong Illegal possession, custody, and control of bladed instruments, noong Mayo 9, 2016, na noon ay panahon ng national at local elections, lumabag umano si Gilbert at mga kasamahan niya sa Comelec Resolution Blg. 10015, na may kaugnayan sa ating Omnibus Election Code.
Ayon sa tagausig, namataan si Gilbert noong Mayo 8, 2016, na may hawak na itim na folding knife at wala siyang hawak na sulat na nagpapahintulot na maaari niya itong dalhin sa pampublikong lugar.
Matapos ang arraignment, kung saan nag-plead ng not guilty si Gilbert at ang kanyang mga kasamahan sa kasong kapwa na isinampa laban sa kanila, sa tulong ng ating mga abogado sa Public Attorney’s Office o PAO, sila ay nagsumite ng Motion to Dismiss na nakabatay sa argumento na ang Comelec Resolution Blg. 10015, diumano ay labag sa ating Saligang Batas sapagkat ang saklaw diumano nito ay naging labis, at higit pa sa pinagmulan nitong batas na Republic Act No. 7166 na itinuturing ng nasabing Comelec resolution na “all types of bladed instruments o lahat ng uri ng patalim” sa depinisyon ng “deadly weapon.”
Iginiit ni Gilbert, sa pamamagitan at tulong ng ating mga abogado, na ang deadly weapon ay tumutukoy lamang sa mga firearms at iba pang armas na maaaring pumutok. Dahil dito, ang Comelec Resolution Blg. 10015 diumano ay: a) isinabatas ng Comelec nang higit sa kanilang kapangyarihan; b) labag sa due process at equal protection of the laws na karapatan ng bawat akusado na nakasaad sa ating Saligang Batas; at c) hindi makatuwiran sa operasyon kapag inatasan ang lahat ng may hawak ng bladed weapon na magkaroon ng permit na hindi rin naman iniisyu ng Comelec, sapagkat ang maaari lamang ipagkaloob ng Comelec ay ang mga permit sa mga firearms at iba pang explosives.
Noong Hulyo 20, 2016, inilabas ng mababang hukuman o ng Regional Trial Court (RTC) ang desisyon kung saan pinawalang-sala sila Gilbert. Tulad ng nabanggit na argumento nila Gilbert, inilahad sa desisyon ng mababang hukuman na labag diumano sa ating Saligang Batas ang nasabing Comelec resolution na isinama sa depinisyon ng deadly weapon ang lahat ng uri ng bladed instruments o mga patalim.
Gayunman, nagsumite ang estado sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General (OSG) ng Petition for Certiorari sa hukuman para sa mga apela o Court of Appeals (CA).
Sa desisyon na may petsang Hunyo 22, 2018, kinatigan ng CA ang OSG at binaligtad ang naunang naging desisyon ng mababang hukuman at inatasan na ibaba at muling ituloy ang kaso nila Gilbert sa RTC.
Dahil sa naging pasya ng CA, inakyat nila Gilbert ang kaso sa Supreme Court (SC), kung saan ang pinaka-isyu ay ang constitutionality ng nasabing Comelec resolution na may direktang kaugnayan sa kalayaan nina Gilbert at kapwa niya mga akusado.
Matapos ang masusing pag-aaral, at sa patuloy na tulong ng ating tanggapan sa pamamagitan ng ating mga abogado sa Special and Appealed Cases, ang daing nila Gilbert ay napakinggan noong Abril 11, 2023, sa pamamagitan ng isang En banc na desisyon ng Korte Suprema na may titulong Buella v. People.
Kaugnay sa nabanggit na desisyon, tuluyan nang nadinig ang kanilang daing na sila ay mapawalang-sala, at naideklarang labag sa ating Saligang Batas ang mga probisyon ng Comelec resolution bilang 1001.
Alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema, ang nasabing Comelec resolution diumano ay null and void o walang bisa sa isinama na depinisyon nito na ginawang deadly weapon ang lahat ng uri ng bladed instruments o mga patalim sa listahan ng mga ipinagbabawal noong taong 2016.
Dagdag pa ng Kataas-taasang Hukuman, lumabis ang Comelec sa saklaw ng legislative authority na isama ang mga bladed instruments sa deadly weapons.
Ang mga bladed instruments o patalim ay hindi nakapaloob sa R.A. No. 7166. Ang mga bladed instruments o patalim ay hindi kinokontrol dahil walang lisensya na ibinibigay para sa pagmamay-ari. Dagdag pa, ang Comelec ay hindi nag-isyu ng permiso para sa pagmamay-ari o pagdadala ng mga bladed instruments o patalim sa panahon ng halalan. Dahil dito, bukod sa hindi ito kasama sa kinokontrol ng Comelec, hindi rin ito maaaring isama sa depinisyon ng deadly weapons.
Muling binanggit ng Korte Suprema na ang prinsipyo ng mga penal na batas ay dapat bigyang-kahulugan nang mahigpit laban sa estado, at pabor sa bawat akusado.
Samakatuwid, dahil napawalang bisa ang probisyon ng nasabing Comelec resolution na siyang naging basehan ng mga naging kasong isinampa laban kina Gilbert, malinaw na kasunod nito ay ang kanilang kalayaan na matagal na nilang inaasam sa pamamagitan ng matibay na pagtalima sa ating Saligang Batas.
Minsan, dumaraan talaga tayo sa pagsubok katulad na lamang ng kinaharap nina Gilbert at mga kasamahan nito. Dumaing man sila, nanaig pa rin bandang huli ang katarungan, sapagkat nasa panig nila ang batas. Kaya naman paalala sa ating mga kababayan, manalig tayo sa hustisya na ibibigay sa atin ng batas. Maging mapagtalima lamang tayo.