ni Madel Moratillo | April 26, 2023
Nakapasok na rin sa bansa ang Omicron subvariant na XBB.1.16 na kumakalat na sa buong mundo.
Sa biosurveillance report ng Department of Health, ang natukoy na kaso ng XBB.1.16 o 'Arcturus' ay nakita sa Western Visayas.
Sinasabing ito ay recombinant ng dalawang lineage ng BA.2.
Sa ngayon, kabilang ito sa variant of interest ng World Health Organization.
Nabatid na kumalat na ito sa 33 bansa na karamihan ng kaso ay natukoy sa India.
Bagama't wala pa umanong ebidensya na magdudulot ito ng malalang COVID-19, mahigpit itong binabantayan dahil sa immune escape characteristics nito.
Maliban dito, may 84 iba pang Omicron subvariants ang natukoy sa bansa.
Kabilang dito ang 38 XBB, 28 na BA.2.3.20 at iba pang Omicron sublineages.