ni Chit Luna @Brand Zone | February 6, 2024
Nanawagan ang mga eksperto sa mga delegado ng World Health Organization (WHO) Framework Convention on Tobacco Control (FCTC) na sumubok ng ibang solusyon matapos mapatunayang hindi sapat ang kasalukuyang hakbang para sugpuin ang pandaigdigang suliranin sa paninigarilyo.
Sinabi ni Jeffrey Smith, isang senior fellow sa R Street Institute, isang US think tank, na ang kasalukuyang diskarte ng WHO FCTC, kabilang ang pagpataw ng mas mataas na buwis sa sigarilyo, pagbabawal sa advertising at paghihigpit sa paggamit ng mga alternatibong produkto, ay may limitadong epekto, lalo na sa Southeast Asia, kung saan nabibilang ang Pilipinas.
Aniya, hindi sapat ang mga hakbang na ito, lalo na sa Southeast Asia, kung saan ang mga patakarang itinataguyod ng FCTC ay hindi tugma sa pangangailangan ng mga bansa na may kanya kanyang pulitikal, kultural at pinansiyal na kalagayan.
Mahalaga ang pag-aaral ni Smith, ayon kay Dr. Lorenzo Mata, pangulo ng Quit For Good, isang NGO sa Pilipinas, lalo na’t ang mga delegado mula sa mahigit 180 bansa ay nasa Panama ngayon para dumalo sa ika-10 na Conference of the Parties (COP) ng WHO FCTC mula Pebrero 5-10.
Ayon sa mga public health advocates, dapat pag-aralan ng mga delegado ng COP 10 ang mga inobasyon na nakabatay sa agham, tulad ng tobacco harm reduction (THR), para matugunan ang pandaigdigang epidemya ng paninigarilyo at maiwasan ang milyun-milyong pagkamatay taun-taon.
Sinabi ni Dr. Mata na ayon sa pananaliksik, ang mga alternatibo tulad ng electronic nicotine delivery systems (ENDS) at heated tobacco ay "tiyak na hindi gaanong nakakapinsala" kumpara sa tradisyonal na mga sigarilyo.
Sumang-ayon din si Dr. Mata sa sinabi ni Smith na hindi sapat ang kasalukuyang pagsisikap ng WHO FCTC para ma-solusyunan ang problema ng paninigarilyo.
Sa kanyang artikulo na pinamagatang "The Impact of Cultural Pressures on Tobacco Harm Reduction Efforts in Southeast Asia," ibinunyag ni Smith na mahigit 8 milyong tao ang namamatay taun-taon mula sa mga sakit na nauugnay sa paninigarilyo, kabilang ang 1.6 million buhay na nawawala sa paninigarilyo sa Southeast Asia bawat taon.
Ang mga delegado mula sa mahigit 180 bansa ay inaasahang tatalakay ng mahahalagang paksa, kabilang ang pagkakaroon ng mga makabago at umuusbong na mga produktong tabako at nikotina.
Naniniwala sina Dr. Mata at Smith na ang THR, na naghihikayat sa paglipat sa hindi gaanong mapanganib na mga alternatibo tulad ng ENDS at heated tobacco, ay maaaring maging solusyon sa pagbawas ng pagkamatay at sakit dahil sa paninigarilyo.
Ito ay base na din sa karanasan ng mga bansang tulad ng Sweden, United Kingdom at Japan na nakakita ng tagumpay sa THR.
Partikular dito ang Japan na nakaranas ng malaking pagbaba sa antas ng paninigarilyo mula 33 porsiyento ng populasyon noong 2000 sa 20 porsiyento noong 2020, at malaking bahagi nito ay dahil sa pagpapakilala ng heated tobacco sa merkado.
Sinabi ni Smith na ang Pilipinas, na lumagda sa kasunduan ng FCTC noong 2005, ay umayon din sa tobacco harm reduction nang lagdaan nito ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act o Vape Law noong 2022 na nagpapahintulot sa regulasyon ng mga produktong may pinababang panganib para protektahan ang kalusugan ng mga Pilipino.
Naniniwala ang mga eksperto na ang pagtanggap sa mga produktong ito ay maaaring makatulong sa pagbabawas ng kamatayan at pagkakasakit na nauugnay sa paninigarilyo.
Sinabi ni Smith na ang mga alternatibong ito ay nagpakita ng mas kaunting panganib na aabot hanggang 95 porsiyento kumpara sa mga tradisyonal na nasusunog na sigarilyo.
Inilarawan naman ni Dr. Mata ang Vape Law ng Pilipinas bilang isang modelo para sa ibang mga bansa na nagnanais bigyan ang mga naninigarilyo ng mas mainam na alternatibo.
Hinimok ni Dr. Mata ang FCTC na isaalang-alang ang prinsipyo ng tobacco harm reduction at "payagan ang mga naninigarilyo na magkaroon ng mas ligtas na mga alternatibo," na posibleng magsalba sa milyun-milyong buhay sa buong mundo.
"Pagkatapos naming magsagawa ng sariling pag-aaral, kami ay kumbinsido na ang paggamit ng vaporized nicotine at non-nicotine products ay tiyak na hindi gaanong nakakapinsala kaysa sa paninigarilyo. Ito ay maaaring ituring na isang praktikal na middle ground kung saan dapat nating dalhin ang nga kasalukuyang naninigarilyo, " dagdag niya.
"Ang Vape Law ay sumasalamin din sa posisyon ng gobyerno na ang mga makabagong produkto na walang usok, na napatunayan ng siyentipikong pananaliksik na hindi gaanong nakakapinsala kaysa sa tradisyonal na mga sigarilyo, ay dapat na i-regulate bilang opsyon para sa mga naninigarilyo na hindi titigil sa ibang paraan," sabi ni Dr. Mata.
Sa kanyang artikulo, nirepaso ni Smith ang produksyon/paggamit ng tabako, mga diskarte sa pagkontrol sa tabako na idinidikta ng FCTC at ang pagpapatupad ng mga diskarte sa THR sa Southeast Asia para ilarawan ang mga diskarteng sensitibo sa kultura at ang epekto nito sa pampublikong pang-unawa at kalusugan.
Nanawagan naman si Dr. Mata sa WHO FCTC na isama ang prinsipyo ng THR sa mga hakbang nito.
Sumang-ayon din si Dr. Mata sa pananaw ni Smith na kung ang WHO FCTC ay papayag lamang sa mga alternatibong produkto, milyun-milyong buhay ang maaaring mailigtas, at ang kalusugan ng publiko ay maaaring mapabuti sa buong mundo.