ni Chit Luna @News | May 31, 2024
Malapit nang makamit ng Sweden ang posisyon bilang unang bansa na smoke-free matapos nitong payagan ang mga produktong walang usok na pumalit sa sigarilyo.
Ang pagtanggap ng Sweden ng smoke-free products ay lubhang nakabawas sa antas ng paninigarilyo at mga dulot na sakit nito, ayon sa isang pag-aaral.
Ayon sa report na "No Smoke Less Harm" na inilabas ng Smoke Free Sweden, ang bansang ito ay maaaring maging unang bansa na may antas ng paninigarilyo na mas mababa sa 5 porsiyento at makamit ang taguring “smoke-free nation”.
Ang antas ng paninigarilyo sa Sweden ay bumagsak sa 5.6 porsiyento noong 2022 mula sa 49 porsiyento ng mga kalalakihan noong 1960.
Iniugnay ng report ang tagumpay na ito sa pagiging bukas ng Sweden sa mga alternatibong produkto ng nikotina at pagpapatibay ng tobacco harm reduction (THR). Ang mga alternatibong produktong tulad ng snus, oral nicotine pouch, heated tobacco products, at vape ay higit na hindi nakakapinsala kaysa sa paninigarilyo, ayon sa ulat.
Ang paglipat na ito, ayon sa ulat, ay humantong sa "smoke-free generation" sa Sweden. Ang ZYN, isang popular na oral nicotine pouch sa US, ay nagmula din sa bansang ito.
Ipinakita ng report na ang mataas na paggamit ng nikotina ay hindi nangangahulugan ng mataas na bilang ng problema sa kalusugan. Bilang patunay, ang Sweden ay may higit na mababang bilang ng mga maysakit na nauugnay sa tabako kumpara sa ibang bansa sa Europa.
Si Dr. Karl Fagerström, isang dalubhasa na nag-ambag sa report, ay nagsabi na habang nakakahumaling ang nikotina, hindi ito ang sanhi ng malubhang sakit na nauugnay sa paninigarilyo.
Halos isa sa apat na nasa hustong gulang sa Sweden ang gumagamit ng nikotina araw-araw, na katumbas ng average sa Europa. Gayunpaman, ang Sweden ay may mas mababang bilangng pagkamatay na may kaugnayan sa tabako (44 porsiyentong mas mababa), antas ng kanser (41 porsiyentong mas mababa) at pagkamatay sa kanser (38 porsiyentong mas mababa) kumpara sa iba pang bahagi ng European Union.
Ang Sweden ay may 52-porsiyentong mas kaunting pagkamatay sa mga lalaki na may kaugnayan sa tabako kaysa sa Poland at 57 porsiyentong mas kaunti kaysa sa Romania. Para sa cancer sa baga ng lalaki, ang Sweden ay may mas mababang bilang din ng pagkamatay kaysa sa France, Germany, Italy at Poland.
Kinilala kamakailan ni Dr. Scott Gottlieb, isang dating komisyoner ng US FDA, ang mga benepisyo ng mga produktong smoke-free. Sinabi niya sa isang panayam sa CNBC na kung lilipat ang maraming naninigarilyo sa mga bagong produkto (tulad ng ZYN oral nicotine pouch), magdudulot ito ng malaking benepisyo sa kalusugan.
Sinasabi din ng report na ang paraan ng pagkonsumo ng nikotina ay may malaking epekto sa kalusugan.
Habang ang paninigarilyo ay nauugnay sa mataas na antas ng kamatayan at sakit, ang mga smoke-free alternatives ay hindi nagdudulot ng katulad na panganib sa kalusugan ng sigariylo.
Iminumungkahi ng report sa ibang mga bansa na sundan ang diskarte ng Sweden para mabawasan ang mga problema sa kalusugan na nauugnay sa tabako. Ipinapakita ng karanasan sa Swedish na ang tamang pag-unawa ng publiko tungkol sa nikotina ay maaaring humantong sa mas mabuting patakarang pangkalusugan.
Ang National Health Service (NHS) mismo ang nagsabi na ang nikotina, bagama't nakakahumaling, ay hindi gaanong nakakapinsala sa kalusugan.
Umapela ang Smoke Free Sweden sa World Health Organization (WHO) at sa ibang mga bansa na kilalanin ang potensyal ng tobacco harm reduction (THR) sa pagbabawas ng pinsala at maglatag ng mga tamang patakaran para dito.