@Buti na lang may SSS | June 9, 2024
Dear SSS,
Magandang araw! Ako ay isang construction worker dito sa Taguig City. Nais kong itanong kung bakit kinakailangan akong magpa-miyembro sa Social Security System (SSS)? Bakit ba ito mahalaga sa isang manggagawa na katulad ko? Salamat — Raul
Mabuting araw sa iyo, Raul!
Napapanahon ang iyong katanungan sapagkat isa sa pinakamagandang maireregalo mo sa iyong sarili ay ang pagkakaroon ng social security coverage, lalo na sa mga manggagawang katulad mo, Raul, na nagtatrabaho sa pribadong sektor.
Para sa iyong kaalaman, ang SSS ay naitatag noong Setyembre 1, 1957 sa bisa ng Republic Act No. 1161 o ang Social Security Act of 1954. Layon ng batas na mabigyang proteksyon ang mga manggagawa sa pribadong sektor, maging mga propesyunal at nasa informal sektor. Bilang tugon, ang SSS ang itinalaga ng gobyerno upang pangasiwaan ang iba’t ibang social security programs para sa mga miyembro nito.
Samantala, ang paghuhulog sa SSS ay isang paraan ng pag-iipon para sa iyong pagreretiro, maging ang paghahanda sa oras ng pangangailangan o contingencies.
Bilang isang miyembro, maaari kang makakuha ng benepisyo para sa pagkakasakit (sickness), panganganak (maternity), pagkabalda (disability), pagkawala ng trabaho (unemployment), pagreretiro (retirement), pagpapalibing (funeral) at pagkamatay (death).
Kailangan lamang na makatugon ka sa mga kuwalipikasyon ng bawat benepisyo. Gayundin, maaari kang makahiram sa mga programang pautang nito tulad ng salary loan, calamity loan, educational assistance loan, at pension loan para naman sa retirement pensioners.
Sinusundan ng SSS ang defined benefit system kung saan nagbibigay ng mga benepisyo tulad ng sickness at maternity allowance at pensyon na kinukuwenta gamit ang bilang ng naihulog na kontribusyon at monthly salary credit o ang salary level kung saan ibinabase ang halaga ng buwanang kontribusyon ng miyembro.
Dahil dito, ang bawat manggagawa na nagiging miyembro ng SSS ay siguradong makatatanggap ng kaukulang benepisyo mula sa SSS basta’t may sapat na kontribusyon.
May kasabihan na “once a member, always a member” dahil panghabambuhay ang pagiging miyembro sa SSS. Kahit pa mahabang panahon na siyang hindi nakapaghulog ay hindi mawawalang bisa ang kanyang mga naihulog na kontribusyon sa SSS.
Kaya, malaki ang maitutulong ng SSS sa mga taon ng iyong pagtatrabaho, Raul. Sa panahon ng iyong pagreretiro ay mapapakinabangan mo na ang naimpok mo sa SSS bilang pensyon na tatanggapin mo habang ikaw ay nabubuhay.
Ang SSS ay patuloy na mananatiling kaagapay ng bawat manggagawang Pilipino sa makabagong panahon at sinisiguro na makapagbigay ng tamang benepisyo sa mga miyembro at sa nararapat na benepisyaryo nito.
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Maaaring bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran nang hulugan sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan, at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.