@Buti na lang may SSS | August 16, 2020
Dear SSS,
Magandang araw! Nais kong malaman kung maaari bang i-withdraw ang pagiging miyembro sa SSS? – Alona
Sagot
Mabuting araw, Alona! Hindi maaaring bawiin ang SSS membership sapagkat pang-habambuhay ang pagiging miyembro sa SSS. May kasabihan tayo na “once a member, always a member.” Kahit nakapagbayad lamang ng isang hulog ang miyembro at hindi na ito naipagpatuloy ay siya’y mananatiling miyembro ng SSS. Katunayan, kahit isa lamang ang naihulog niyang kontribusyon ay makatatanggap na siya ng benepisyo tulad ng pagpapalibing o funeral benefit. Ngunit mas maganda kung tuluy-tuloy ang iyong paghuhulog dahil kaakibat ng responsibilidad na ito bilang miyembro ay ang sakop na proteksiyon sa iyo maging sa iyong pamilya.
Gayunman, ang miyembro na nawalan ng trabaho o tumigil na bilang overseas Filipino worker, non-working spouse, self-employed at voluntary member ay may opsyon pa ring ipagpatuloy ang pagbabayad ng kanyang kontribusyon sa SSS bilang voluntary member upang lubos niyang mapakinabangan sa oras ng kanyang pangangailangan ang pitong (7) benepisyong tulad ng pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagreretiro, pagpapalibing, pagkamatay at pagkawala ng trabaho.
Kahit sa mga panahong walang hulog ang miyembro, maaari pa ring makakuha ng mga benepisyo at pautang na ibinigay ng SSS hangga’t natutugunan ng miyembro ang lahat ng kondisyon upang maging kuwalipikado sa alinmang benepisyo o mga pautang na programa nito.
Alona, hinihikayat ka namin na ipagpatuloy ang paghuhulog sa SSS sapagkat ito ay isang paraan ng iyong pag-iipon sa panahon ng iyong pagreretiro. Kung may pagkakataon din, sa panahon ng iyong kalakasan at pagkita ng pera, mas makabubuting mag-impok ng pansarili bukod pa sa paghuhulog ng kontribusyon mo sa SSS. Tandaan na ang kontribusyon na inihuhulog mo ngayon sa SSS ay babalik sa iyo bilang pensiyon sa katapusan ng produktibong taon ng inyong buhay.
Kaya nga’t sa nakalipas na 62 taon at sa mga susunod pang henerasyon, ang SSS ay mananatiling kabalikat ng bawat manggagawang Pilipino.
Mabuti na lang, may SSS!
◘◘◘
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa aming Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa aming YouTube channel sa “Philippine Social Security System.”
◘◘◘
Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.