@Buti na lang may SSS | September 6, 2020
Dear SSS,
Magandang araw! Ako ay construction worker na taga-Pasig City. Nais kong itanong kung ano ba ang Social Security System? At bakit ito mahalaga sa mangggawa? Salamat! – Elias
Sagot
Mabuting balita, Elias!
Napapanahon ang iyong katanungan sapagkat kasalukuyang ipinagdiriwang ng Social Security System (SSS) ang ika-63 na anibersaryo nito. Kaya mahalagang matalakay ang kahalagahan ng pagiging miyembro ng SSS lalo na sa mga manggagawang tulad mo mula sa pribadong sektor.
Para sa iyong kaalaman, ang SSS ay naitatag noong Setyembre 1, 1957 sa bisa ng Republic Act No. 1161 o ang Social Security Act of 1954. Nilalayon ng batas na bigyan ng proteksiyon ang mga manggagawa sa pribadong sektor maging mga propesyunal at nasa informal sector. Bilang tugon dito, itinatag ang SSS upang pangasiwaan ang pensiyon at magkaloob ng social security benefits sa mga miyembro nito.
Ang paghuhulog sa SSS ay isang paraan ng pag-iipon para sa iyong pagreretiro. Ito rin ay maituturing na paghahanda sa oras ng pangangailangan o times of contingencies.
Bilang miyembro, maaari kang makakuha ng benepisyo para sa pagkakasakit, panganganak, pagkabalda, pagreretiro, pagkamatay, pagpapalibing at pagkawala ng trabaho. Kinakailangan lamang na nakatugon ka sa mga kuwalipikasyon sa bawat benepisyo.
May kasabihan tayo na “once a member, always a member” dahil pang-habambuhay ang pagiging miyembro sa SSS. Kahit nakapagbayad lamang ng isang hulog ang isang miyembro at hindi na ito naipagpatuloy ay mananatili pa rin siyang miyembro ng SSS. Kahit pa mahabang panahon na siyang hindi nakapaghulog ay hindi mapo-forfeit o mawawala ang naihulog niya at mananatiling nasa rekord niya ang mga naihulog niya.
Kahit sa panahon na wala kang naihulog sa SSS, maaari ka pa ring makakuha ng mga benepisyo hangga’t natutugunan mo ang lahat ng kondisyon sa alinmang benepisyo. Sa katunayan, kahit isa lamang ang iyong naihulog na kontribusyon ay kuwalipikadong tumanggap ang iyong mga benepisaryo ng benepisyo ng pagpapalibing o funeral benefit kung ikaw ay hindi inaasahang pumanaw.
Bukod sa mga nabanggit na benepisyo, nagkakaloob din ang SSS ng iba’t ibang pautang sa mga miyembro at pensiyunado tulad ng Salary Loan para sa mga miyembro at Pension Loan Program para naman sa mga pensiyunado. Nagbibigay din ang SSS ng iba pang tulong pinansiyal sa mga miyembro at pensiyunado nito na naapektuhan ng mga kalamidad tulad ng Calamity Loan Assistance Program at Direct House Repair and/or Improvement Loan para sa mga miyembro at three-month advance pension para sa mga pensiyunado. Kinakailangan lang na nakatugon ka sa mga kondisyon sa ilalim ng alinamang pautang mula sa SSS.
Kaya, malaki ang bentahe ng isang manggagawa na patuloy na naghuhulog sa SSS hanggang sa siya ay magretiro. Sa panahon ng pangangailangan o pagreretiro ay aanihin niya ang naiimpok niya sa SSS bilang pensiyon o benepisyo.
Ang SSS ay patuloy na mananatiling kabalikat ng bawat manggagawang Pilipino hanggang sa mga susunod na panahon.
Buti na lang, may SSS!
◘◘◘
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa aming Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa aming YouTube channel sa “Philippine Social Security System.”
◘◘◘
Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.