@Buti na lang may SSS | October 18, 2020
Dear SSS,
Magandang araw! Ako ay negosyante sa Pasig City at mayroong 20 empleyado. Dahil sa kasalukuyang sitwasyon natin, nais kong itanong kung mayroon bang pamamaraan na makapag-remit ako ng kontribusyon ng aking mga empleyado na hindi ko na kinakailangang magtungo sa sangay ng SSS o sa bangko? – Sergio
Sagot
Mabuting balita, Ginoong Sergio! Pinalawak ng SSS ang mga kaparaanan upang magkapag-remit ng kontribusyon ang mga regular at household employer. Bahagi ng kampanyang ExpreSSS, maaari mo nang bayaran ang kontribusyon ng iyong mga empleyado gamit ang iba’t ibang online payment channels. Subalit, dapat nakarehistro ka sa My.SSS upang makakuha ka ng Payment Reference Number (PRN) na gagamitin mo sa pagre-remit ng kontribusyon gamit ang alinmang online payment facilities.
Maaaring mag-remit ng kontribusyon ang mga regular at household employer sa pamamagitan ng internet banking services ng mga bangko tulad ng DigiBanker ng Security Bank Corporation at UnionBank Online ng UnionBank of the Philippines.
Maaari ring mag-remit ng kontribusyon gamit ang Bizlink ng Bank of the Philippine Islands. Subalit, ito ay available lamang para sa mga regular employer.
Dagdag pa dito, tumatanggap din ng online payments ng mga employer ang mga bangkong kabilang sa eGov BancNet gaya ng Asia United Bank, Bank of Commerce, China Bank, CTBC Bank, Metropolitan Bank and Trust Company, MUFG Bank, Philippine Bank of Communications, Philippine National Bank, Rizal Commercial Banking Corporation, Robinsons Bank, Standard Chartered Bank, at United Coconut Planters Bank.
Kinakailangan na mayroong existing na account ang employer upang magamit ang online facility ng mga nabanggit na bangko sa pagbabayad ng kontribusyon.
Pinaaalalahanan namin ang mga employers na tiyaking ang kanilang bangko ay bahagi ng Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESONet). Makikita nila ang talaan ng mga PESONet participating banks sa website ng Bangko Sentral ng Pilipinas, https://bit.ly/33ZLWO2. At kung nasa listahan ang kanilang bangko, ipinapayo namin na i-enroll nila ang kanilang bank account sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) na matatagpuan sa My.SSS upang dito na ipapasok ang kanilang reimbursement mula sa SSS.
◘◘◘
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa aming Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa aming YouTube channel sa “Philippine Social Security System.”
◘◘◘
Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.