@Buti na lang may SSS | March 7, 2021
Dear SSS,
Kamakailan ay nagbukas ako ng maliit na trading company. Dahil bago pa lamang ay dalawa lang muna ang aking empleyado. Gusto ko sanang itanong kung kailangan pa bang ipa-register sa SSS ang company kahit dalawa lamang ang aking empleyado? At ano ba ang requirements? – Lolita
Sagot
Sa Republic Act No. 11199 o ang Social Security Act of 2018, obligado ang may-ari ng kumpanya na magparehistro sa SSS bilang employer sa pamamagitan ng pagsumite ng SS Form R-1 o ang Employer Registration Form sa pinakamalapit na sangay ng SSS. Gayundin, itinatakda ng batas na dapat i-report ng employer ang lahat ng kanyang empleyado sa SSS sa pamamagitan ng pagsumite ng SS Form R-1A o ang Employment Report.
Maliban sa SS Form R-1 at SS Form R-1A, kinakailangan din i-sumite ang kopya ng dokumento na magpapatunay na awtorisado kayong magpatakbo ng negosyo tulad ng Registration of Business Name, Business Permit, o anumang katunayan mula sa ahensiya ng pamahalaan na nakasasakop sa uri ng inyong negosyo.
Sa ngayon, hinihikayat ka naming na magrehistro gamit ang My.SSS na matatagpuan sa aming website, www.sss.gov.ph. Magtungo sa aming website at i-click mo ang “Employer.” Dadalhin ka nito sa employer login portal. Makikita mo sa ilalim ng “Not yet registered in My.SSS?” ang “Regular Employer,” “Household Employer” at “Coverage & Collection Partner.” I-click mo ang “Regular Employer” dahil ito ang klasipikasyon mo bilang employer. Dadalhin ka nito sa “Online Employer User ID Registration.” Punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon at magpapadala ang SSS sa iyong inirehistrong e-mail address ng link upang magamit mo na ang iyong account.
Maaari ka ring magrehistro sa SSS gamit ang Central Business Portal (CBP) na matatagpuna sa https://business.gov.ph/. Inilunsad ito kamakailan ng pamahalaan upang mapadali at mapabilis ang employer registration at pagsusumite ng inisyal na listahan ng manggagawa.
Ito ay one-stop shop website na kung saan maaari mong matagpuan ang unified application form ng mga ahensiyang may kaugnayan sa pagrerehistro ng negosyo gaya ng Social Security System, Securities and Exchange Commission, Bureau of Internal Revenue, Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Pag-IBIG Fund.
Sa ngayon, ang mga kumpanya na may isa hanggang limang manggagawa ay maaaring gamitin ang CBP para kumuha ng employer registration number mula sa SSS, PhilHealth at Pag-IBIG Fund.
Maaari mo ring gamitin ang portal para i-report ang iyong mga empleyado sa SSS, PhilHealth at Pag-IBIG Fund gamit ang Unified Employee Reporting Module nito.
Nais din naming ipaalala na mula sa unang araw na kumuha kayo ng tauhan para sa iyong negosyo, kinakailangang magparehistro kayo sa SSS bilang isang employer. At mula sa petsa na nagsimulang magtrabaho sa inyo ang dalawa ninyong empleyado, kinakailangang mai-report ninyo sila sa SSS sa loob 30 araw.
Obligasyon din ninyo bilang employer na ibawas mula sa sahod ng inyong empleyado ang employee share sa buwanang kontribusyon nito at i-remit ito nang buo kasama ang employer share sa SSS ayon sa itinakdang schedule.
Mula nitong Enero, 13% na ang contribution rate sa SSS mula sa dating 12%. At ang kasalukuyang hulog sa SSS ay mula kaya ang hulog P390 hanggang P2, 600 kada buwan, depende sa buwanang kita ng manggagawa. Hati ang employer at manggagawa sa pagbabayad ng SSS contribution kung saan 8.5% ang employer share at 4.5% naman ang sagot ng manggagawa.
Halimbawa, kung P390 kada buwan ang hulog ng iyong manggagawa, sagot mo ang P255 at P135 naman ang sagot ng iyong manggagawa. Kung P2, 600 kada buwan naman ang hulog ng iyong tauhan, sa iyo magmumula ang P1, 600 nito habang P900 naman ang bahagi ng iyong tauhan.
Sa ilalim din ng batas, may kaukulang parusa sa employer na hindi nagrere-remit ng buwanang kontribusyon sa SSS at Employee’s Compensation (EC) ng kanyang empleyado. Ang sinumang employer na hindi nagre-remit sa SSS ay pagmumultahin ng mula P5, 000 hanggang P20, 000 at maaaring makulong ng anim na taon hanggang 12 taon.
◘◘◘
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "Philippine Social Security System" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates."
◘◘◘
Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.