@Buti na lang may SSS | March 28, 2021
Dear SSS,
Ako ay housewife at ang aking asawa ay nagtatrabaho sa isang kumpanya. Ang asawa ko ay naghuhulog sa SSS. Nais ko sanang maghulog sa SSS, ngunit ako ay hindi empleyado. May paraan ba na maging miyembro ako ng SSS? – Pia
Sagot
Mabuting araw sa ‘yo, Pia!
Maaaring makapaghulog sa SSS ang legal na maybahay ng aktibong nagbabayad na miyembro ng SSS na hindi nagtatrabaho at ginugugol ang buong oras sa pag-aasikaso sa kanilang pamilya bilang Non-Working Spouse (NWS). Ngunit dapat may pahintulot ito ng kanyang asawa.
Dapat nakalipas ay hindi ka kailanman miyembro o naghulog sa SSS at ikaw ay wala pang 60 taong gulang. Ang halaga ng iyong magiging kontribusyon ay ibabatay sa 50% ng huling monthly salary credit o ang salary level kung saan ibinase ang buwanang inihuhulog ng iyong asawa sa SSS, ngunit hindi ito dapat bababa sa P1, 000.
Halimbawa, si Pedring ay manggawa na naghuhulog ng regular sa SSS. Nakabatay ang hulog niya sa P3, 000 monthly salary credit at ito ay katumbas ng P330 kontribusyon kada buwan. Si Melanie na kanyang asawa ay maaaring maghulog ng P165 na kontribusyon kada buwan bilang NWS na ibinatay sa P1, 500 monthly salary credit (kalahati ng monthly salary credit ni Pedring).
Kung natugunan mo ang mga kuwalipikasyong nabanggit, kinakailangang punan at isumite ang Personal Record (E-1 Form) na may pirma ng iyong asawa sa pinakamalapit na sangay ng SSS. Dapat ilakip sa E-1 Form ang certified true copy ng inyong marriage certificate. Kung wala pang SS number, dapat isumite rin kasama ng E-1 Form ang certified true copy ng birth certificate o 2 valid ID upang magbigyan ng SS number. Matapos nito, maaaring magbayad ng kontribusyon ng kada buwan o kaya quarterly.
Mahalaga na ang NWS ay regular na naghuhulog ng kontribusyon upang maging kuwalipikado siya sa mga benepisyo ng SSS para sa panganganak, pagkakasakit, pagkabalda, pagreretiro at pagkamatay gayundin sa pautang ng SSS tulad ng salary loan.
◘◘◘
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
◘◘◘
Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.