@Buti na lang may SSS | May 09, 2021
Dear SSS,
Matagal na akong miyembro ng SSS. Nais kong malaman ang mga pagbabago sa patakaran at programa ng SSS. Ano ba ‘yung online training platform ng SSS? – James
Sagot
Mabuting araw sa iyo, James!
Lalong pinagbubuti ng SSS ang pagbibigay-serbisyo sa mga miyembro, employer at pensiyunado nito. Isa na rito ang mga ginagawang digital transformation ng SSS sa pamamagitan ng kampanya nito sa ilalim ng ExpreSSS — mas pinadali, pinabilis at pinasimpleng mga transaksiyon sa SSS.
Dahil dito, inilunsad ng SSS noong Nobyembre 2020 ang ExpreSSS e-Learning Portal o ExSSSeL. Ito ay online learning platform na dinevelop ng SSS upang patuloy na turuan ang mga miyembro, employer at iba pang stakeholders tungkol sa iba’t ibang programa at serbisyo ng SSS.
Sa dating pamamaraan, kinakailangan ang pagtitipun-tipon ng mga tao sa iisang lugar upang malaman ang mga pagbabago sa patakaran at programa ng SSS. Subalit, dahil na rin sa kasalukuyang pandemyang ating kinahaharap, sinikap ng SSS na gumawa ng sariling online learning platform — ang ExSSSeL. Bunga nito, matututunan ng mas nakararaming miyembro, employer at iba pang stakeholders sa ating bansa ang mga updates sa SSS ng libre, sa maginhawa at ligtas na pamamaraan.
Maaaring i-access ang nasabing portal gamit ang link na ito https://bit.ly/ExSSSeL_Portal. Kapag nasa portal na, maaaring pumili sa limang training modules tulad ng mga sumusunod:
Module 1: Sickness Benefit
Module 2: Maternity Benefit
Module 3: Unemployment Benefit
Module 4: Disability Benefit
Module 5: Salary Loan
Kapag nakapili na ng training module, kailangang punan ang online registration sa pamamagitan ng pagbibigay ng kumpletong pangalan, e-mail address, pangalan ng kompanya at ang pinakamalapit na sangay ng SSS. Para naman sa mga employer, dapat nilang ilagay ang bilang ng mga empleyado na kinatawan nila.
Maaaring mag-enroll ng higit sa isang module at pag-aralan ito batay sa oras at iskedyul. Dagdag pa rito, maaaring buksan ng sabay-sabay ang mga napiling modules.
Tulad ng ibang online course, kapag natapos ang bawat module ay mayroong post-examination o pagsusulit. Kaya kailangang pag-aralan at unawain ang nilalaman ng bawat module.
Ang kagandahan pa rito ay maaaring mag-enroll sa maraming modules ng sabay-sabay.
Kinakailangan lamang na makakakuha ng marka na hindi bababa sa 80% upang mabigyan ng SSS ng e-certificate. Ito ang itinakdang passing rate para sa nasabing pagsusulit. Ipapadala ng SSS ang e-certificate sa e-mail address sa loob ng pitong araw. Kung hindi naabot ang passing rate, hinihikayat naming pag-aralan muli ang module at kumuha ulit ng pagsusulit.
Kaya, mag-enroll na sa ExSSSeL Portal upang mapalawak ang iyong kaalaman tungkol sa SSS.
◘◘◘
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "Philippine Social Security System" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates."
◘◘◘
Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.