@Buti na lang may SSS | August 01, 2021
Dear SSS,
Kamakailan ay nag-file ako ng retirement claim at ang natanggap ko ay lump sum amount. Batay sa records, ako ay nakapaghulog ng 92-buwanang kontribusyon sa SSS. Nais kong itanong kung bakit hindi pensiyon ang natanggap ko sa aking retirement claim? – Luna ng Lucena City
Sagot
Mabuting araw sa ‘yo, Nanay Luna!
Ang benepisyo sa pagreretiro o ang retirement benefit ay ipinagkakaloob ng SSS sa mga miyembrong umabot na sa kanilang retirement age na 60. Upang maging kuwalipikado sa programang ito, kinakailangang siya ay separated na sa kanyang trabaho at may kaukulang 120-buwanang kontribusyon o higit pa upang makapag-pensiyon. Kung lagpas 60-taong gulang naman at kasalukuyan pang nagtatrabaho siya ay may hanggang 65-taong gulang pa upang makapaghulog sa SSS dahil ito ang compulsory age ng retirement sa ilalim ng Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018. Subalit, para sa mga professional racehorse jockeys o hinete, sila ay kuwalipikado na sa kaukulang benepisyo kapag tumuntong na sa 55-taong gulang at 50-taong gulang naman para sa mga underground at surface mineworkers o minero.
Dalawang uri naman ang pagbabayad ng benepisyo sa pagreretiro. Ito ay ang buwanang pensiyon o lump sum benefit kung saan ang ibibigay sa retiradong miyembro ay naaayon sa bilang ng naihulog niyang kontribusyon batay sa kanyang monthly salary credit (MSC) at credited years of service (CYS) na bilang o haba ng taon ng kanyang paghuhulog sa SSS.
Kung nakapaghulog ng hindi bababa sa 120-buwanang kontribusyon bago ang semestre ng pagreretiro, makatatanggap ang miyembro ng buwanang pensiyon. Ang lump sum benefit naman ay ibinibigay kapag hindi umabot sa 120-buwan ang naihulog ng miyembro.
Sa iyong kaso, Nanay Luna ay lump sum benefit ang iyong natanggap bilang inyong benepisyo dahil hindi ninyo natugunan ang isa sa pangunahing kuwalipikasyon upang makatanggap kayo ng buwanang pensiyon. Ibig sabihin, kulang kayo ng 28-months upang mabuo ang 120-months para sa monthly pension. Samantala, kung ito ay binuo n’yo upang umabot sa 120-months ay magkakaroon kayo ng pensiyon sa SSS. Paalala rin sa mga miyembro na siguruhing makaabot kayo sa minimum required number of contributions para sa retirement upang makatanggap kayo ng pensiyon.
Mahalagang i-check ng miyembro na malapit ng magretiro kung sapat na ang naihulog ninyo upang makatanggap ng buwanang pensiyon mula sa SSS. Sa ngayon, madaling i-monitor ang kanilang naihuhulog sa SSS sa pamamagitan ng paggawa ng inyong sariling My.SSS na matatagpuan sa SSS website. Kung hindi pa nakapagrehistro Nanay Luna, maaaring magtungo sa aming website (www.sss.gov.ph) at i-click ang “MEMBER.” Dadalhin ka nito sa member login portal at i-click mo ang “Not yet registered in My.SSS?” Punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon at magpapadala ng link sa iyong e-mail address upang mai-activate mo ang iyong account.
◘◘◘
Nais nating ipaalam sa mga retiree pensioners na bukas pa rin ang Pension Loan Program ng SSS para sa kanilang panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Mula Setyembre 15, 2020, maaaring magsumite ng aplikasyon online sa pamamagitan ng My.SSS na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph). Kinakailangan lamang mag-log in ang retiree-pensioner sa kanyang My.SSS account at piliin ang E-services sa tab nito at i-click ang “Apply for Pension Loan.” Punan ang lahat ng hinihinging impormasyon at isumite ang aplikasyon. Makahihiram kayo ng hanggang P200, 000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran ng hanggang 24-months o dalawang taon.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.