@Buti na lang may SSS | August 22, 2021
Dear SSS,
Ako ay pensiyunado ng SSS. Kamakailan ay nabalitaan ko na mayroong pautang ang SSS para sa aming mga pensiyunado. Magkano ang maaari kong mahiram SSS Pension Loan Program? – Lolo Tonio ng Cainta
Sagot
Mabuting araw sa ‘yo, Lolo Tonio!
Ang Pension Loan Program (PLP) ay inilunsad ng SSS noong Setyembre 2018 upang makapagbigay ng tulong-pinansiyal sa mga retiradong pensiyunado ng SSS. Ang PLP ay isa sa mga may pinakamababang interes na pautang para sa mga pensiyunado. Dagdag pa rito, layunin nitong mabigyan ng alternatibong mauutangan ang mga pensiyunado upang hindi na sila pumunta sa mga private lending companies na mas malaki ang patubo at ginagawang collateral ang mga ATM cards.
Sa kasalukuyan, makahihiram kayo ng hanggang P200, 000 bilang maximum loanable amount na maaaring bayaran hanggang 24 months o dalawang (2) taon. Malaking tulong ang nasabing halaga, lalo na sa panahon ngayon nasa ng pandemya. Ito ay karagdagang tulong-pinansiyal upang matugunan ang inyong mga pangangailangang medikal tulad ng pagbili ng inyong maintenance medicines, atbp.
Ang kagandahan pa nito ay magsisimula lamang ang inyong pagbabayad ng utang o monthly amortization makalipas ang dalawang buwan matapos maibigay ang inyong loan. Halimbawa, ang loan ninyo ay naibigay ngayong Agosto. Kakaltasin ng SSS ang una ninyong monthly amortization sa inyong buwanang pensyon sa Oktubre.
Kuwalipikado ang mga pensiyunado kung sila ay ang mga sumusunod:
hindi dapat hihigit sa edad 85 sa katapusan ng termino ng pautang;
walang ibinabawas sa kanyang buwanang pensiyon, tulad ng natitirang balanse sa ibang pautang ng SSS o sobrang benepisyong binayaran ng SSS;
walang utang sa ilalim ng SSS Calamity Assistance Package; at
tumatanggap na ng regular na pensiyon na hindi bababa sa isang buwan.
Lolo Tonio, ang mga first-time applicants na tulad mo sa PLP ay kinakailangang i-file ang loan application sa pamamagitan ng drop box system. Para sa renewal naman, ito ay maaari nang gawin sa pamamagitan ng online gamit ang kanilang My.SSS accounts.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.