@Buti na lang may SSS | February 21, 2022
Dear SSS,
Ang mother-in-law ko ay SSS pensioner. Sa kasalukuyan, siya ay naninirahan sa Australia. Nais sana niyang malaman ng kung paano siya magkakapag-comply sa ACOP?
Kailangan bang umuwi siya sa Pilipinas para sa kanyang ACOP? - Marjorie
Sagot
Simula noong Oktubre 2021, muling ibinalik ang Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagrereport ng mga pensiyunado sa SSS. Layunin nitong masiguro na ang tamang benepiyaryo ang tumatanggap ng pensiyon at maprotektahan ang pondo ng SSS.
Kinakailangang maaaring mag-comply sa ACOP mula Oktubre 2021 ang mga sumusunod na uri ng pensiyunado hanggang Marso 31, 2022 upang hindi maputol ang pagtanggap nila ng buwanang pensiyon:
retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa;
total disability pensioners;
survivor pensioners; at
dependent (minor/incapacitated) pensioners na nasa pangangalaga sa ilalim ng guardianship.
Dati, kailangan pa magtungo ng pensiyunado sa mga opisina ng SSS para sa kanyang ACOP. Subalit dahil sa kasalukuyang pandemya, nagpatupad ang SSS na mas ligtas at mabilis na alternatibong pamamaraan upang makasunod dito sa ACOP na hindi na nangangailangan ng personal appearance sa SSS.
Para sa mga pensiyunadong naninirahan sa ibang bansa, tulad ng iyong mother-in-law, may tatlong pamamaraan upang isagawa ang ACOP.
Option 1: Sa pamamagitan ng video conference (Microsoft Teams). Magsend siya ng appointment request sa ofw.relations@sss.gov.ph. Hintayin ang e-mail confirmation mula sa SSS na naglalaman ng transaction reference number (TRN) at ng link sa Microsoft Teams. Sa scheduled video conferencing, dapat siyang mag-present ng isang (1) primary ID card o dalawang (2) secondary ID cards.
Option 2: Maaaring ipadala ang mga required na dokumento sa e-mail address ng pinakamalapit na SSS foreign office. Sa Canada may tatlong offices na matatagpuan sa Philippine Overseas Labor Office sa Vancouver, sa Philippine Consulate General sa Calgary, at sa Philippine Consulate General sa Toronto.
Option 3: Maaari ding ipadala ang mga required na dokumento sa pamamagitan ng koreo sa SSS OFW-Contact Services Section, Social Security System Main Office, East Avenue, Diliman, Quezon City 1100.
Para sa Option 2 at 3, dapat ihanda ng mother-in-law mo Olivia ang sumusunod na mga dokumento:
duly-accomplished ACOP Form;
isang primary o dalawang secondary ID cards;
half-body photo ng pensyonado na may hawak na kasalukuyang dyaryo o di kaya’y nasa background niya ang TV news crawler o ticker kung saan makikita ng malinaw ang news headline at kasalukuyang petsa.
Maaaring i-download ang SSS ACOP form sa link na ito https://bit.ly/3mC8TkE.
Nais naming ipaalala na kung hindi makakapag-comply sa ACOP ang iyong mother-in-law hanggang Marso 31, 2022, maaaring maputol ang pagtanggap niya ng buwanang pensiyon.
Samantala, mula Abril 1, 2022, susunduin na ulit ang dating schedule ng ACOP para sa 2022 at mga susunod na taon. Para sa mga pensiyunadong naninirahan sa ibang bansa, ang kanilang pag-comply sa ACOP ay kailangang gawin tuwing birth month nila o tatlong buwan bago sumapit
ito.
***
Nais nating ipaalam sa mga miyembro na noong Nobyembre 15, 2021 ay binuksan na ang aplikasyon para sa Short-Term Member Loan Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 5. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro ang mga naipong multa o penalties sa hindi niya nabayarang utang sa SSS gaya ng salary loan, Calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), Emergency loan at restructured loans sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) na ipinatupad noong 2016 hanggang 2019.
Maaaring mag-apply ang interesadong miyembro hanggang Pebrero 14, 2022 at mag-file ng application gamit ang kanilang My.SSS account.
Bukod dito, binuksan din ng SSS ang Housing Loan Restructuring and Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 4 noong Nobyembre 22, 2021. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro o mga tagapagmana nito ang mga naipong multa o penalties sa hindi nabayarang housing loan. Maaari silang mag-file ng aplikasyon sa SSS Housing and Acquired Asset Management Department na nasa SSS Main Office sa Quezon City at sa Housing and Acquired Asset Management Section ng piling sangay ng SSS sa labas ng Metro Manila.
Tatagal ang pagtanggap ng aplikasyon hanggang Pebrero 21, 2022.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.