@Buti na lang may SSS | April 24, 2022
Dear SSS,
Magandang araw po. Nais kong itanong ang SSS death benefit claim ng tatay ko. Namatay siya noong Disyembre 12, 2021. Makukuha ba ng nanay ko ang pensyon ni Tatay? May unang pinakasalan po siya gayundin si nanay. Maililipat ba ang pensyon ni Tatay sa kanya?
Salamat po.
— Sarah
SAGOT:
Mabuting araw sa iyo, Sarah!
Ang pagkakasunud-sunod o order of preference ng mga benepisyaryo ng isang miyembro ng SSS ay ang mga sumusunod: Una, primary beneficiaries o pangunahing benepisyaryo na tumutukoy sa legal na asawa at menor-de-edad na anak, kasama ang legal na ampon at incapacitated; Ikalawa, secondary beneficiaries na binubuo ng mga magulang ng namayapang miyembro kung siya ay single o walang asawa; Ikatlo, designated beneficiaries o ang itinalaga ng miyembro bilang kanyang benepisyaryo sa SS Form E-1/E4; at ikaapat, ang Legal heirs o mga legal na tagapagmana ng namatay na miyembro na naaayon sa Civil Code of the Philippines.
Sa ilalim ng Republic Act 11199 o Social Security of 2018, ang may karapatan sa batas na
makatanggap ng death benefit ng miyembro ay tanging ang mga legal na benespisyaryo ng SSS katulad ng ating nabanggit.
Kung ang namatay na miyembro ay pensiyonado, ililipat ang pensyon nito sa kanyang legal na asawa na katumbas ng 100 porsyento na tinatanggap ng namayapang miyembro noong siya ay nagpepensyon sa ilalim ng SSS Retirement Benefit Program. Kung may anak naman siya na wala pang 21 taong gulang, makatatanggap ang kanyang anak ng dependents’ pension. Ito ay katumbas ng P250 o 10% ng basic monthly pension, alinman ang mas mataas.
Samantala, maaari itong ipagkaloob sa limang menor-de-edad na anak, simula sa pinakabata ngunit walang kaukulang substitution. Matitigil lamang ang benepisyong ito kapag umabot na siya ng 21 taong gulang, nakapag-asawa, nakapagtrabaho o kaya ay namatay.
Sa kaso ng iyong namayapang ama, Sarah hindi maituturing na benepisyaryo ang iyong
nanay dahil hindi siya ang legal na asawa ng iyong tatay. Idagdag pa rito, may ibang asawa rin ang iyong nanay. Kaya hindi siya kwalipikadong tumanggap ng pensyon mula sa SSS.
Kung wala nang menor-deedad sa inyong magkakapatid, maaari kayong makatanggap ng nalalabing balanse ng inyong tatay na nakapaloob sa five-year guaranteed period kung hindi pa nakakalagpas ng limang (5) taon ang pagtanggap ng pensyon ng miyembro.
Sa ilalim ng five-year guaranteed period, kapag ang miyembro ng SSS na nakatatanggap ng retirement pension o total permanent disability pension ay mamatay bago pa umabot sa limang taon ng kanyang pagtanggap ng pensyon, ang balanse nito ay ibibigay sa mga secondary, designated o legal heirs na babayaran naman sa pamamagitan ng lumpsum benefit.
***
Nais naming ipaalam sa ating mga miyembro na patuloy na tatanggap ang SSS ng aplikasyon para sa Short-Term Member Loan Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 5 hanggang Mayo 14, 2022. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro ang mga naipong multa o penalties sa hindi niya nabayarang utang sa SSS gaya ng Salary loan, Calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), Emergency loan at restructured loans sa ilalim ng Loan Restructuring Program (LRP) na ipinatupad noong 2016 hanggang 2019.
Samantala, patuloy namang tatanggap ng aplikasyon para sa Housing Loan Restructuring and Penalty Condonation Program o ang Pandemic Relief and Restructuring Program 4.
Tatanggap ang SSS ng aplikasyon hanggang Mayo 21, 2022. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro o mga tagapagmana nito ang mga naipong multa o penalties sa hindi nabayarang housing loan. Maaari silang mag-file ng aplikasyon sa SSS
Housing and Acquired Asset Management Department na nasa SSS Main Office sa Quezon City at sa Housing and Acquired Asset Management Section ng piling sangay ng SSS sa labas ng Metro Manila.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.