@Buti na lang may SSS | June 23, 2022
Dear SSS,
Mahalaga ba na i-update ang record ko sa SSS? Bagong kasal ako at nais kong ilagay na beneficiary ang aking asawa. - Sanya
Sagot
Mabuting araw sa iyo, Sanya!
Sadyang napakahalagang updated at tama ang impormasyon ng iyong pangalan, petsa ng kapanganakan at iba pang detalye na nakatala sa iyong record sa SSS. Ang pagkakaroon ng hindi tugmang impormasyon sa personal record ay maaaring magdulot ng problema sa miyembro, lalo na kung mag-apply ng loan application at benefit claims. Maaari kasing maantala ang pagpoproseso ng iyong mga transaksyon sa SSS kung mayroong hindi tugma o discrepancies sa iyony record. Kaya patuloy ang aming paghikayat na i-update ng mga miyembro ang kanilang rekord sa SSS, lalo na sa pagpapalit ng pangalan, petsa ng kapanganakan, higit lalo ang pagdagdag ng mga bagong benepisaryo. Tulad sa iyong kaso, dapat mong i-update ang iyong civil status sa kadahilanang ikaw ay nag-asawa na.
Simple lamang ang pag-update ng rekord sa SSS. Maaari itong gawin gamit ang iyong My.SSS account at hindi na kailangan pang magsadya sa pinakamalapit na sangay ng SSS. Kinakailangan lamang na ikaw ay nakarehistro na at may sariling My.SSS account.
Upang makapagrehistro, maaaring magtungo sa SSS website at i-click ang “MEMBER.”
Dadalhin ka nito sa member login portal at i-click mo ang “Not yet registered in My.SSS?” upang masimulan ang iyong pagrerehistro rito. Punan ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan, ang irerehistro mong e-mail address ay aktibo at nagagamit mo pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para mai-activate at magamit ang iyong account.
Kung ikaw ay mayroon ng My.SSS account, i-click mo ang “Member.” Mag-login ka gamit ang iyong user ID at password. Sunod, i-click ang “I’m not a robot” at i-click ang “Submit.” Makikita mo ang mga tab ng “HOME,” “MEMBER INFO,” “INQUIRY,” E-SERVICES,” at “PAYMENT REFERENCE NUMBER (PRN).” I-click mo ang “E-SERVICES” tab at hanapin mo ang “Request for Member Data Change (Simple Correction).” Piliin ang “CIVIL STATUS” upang mai-update ang iyong civil status mula Single ito ay magiging Married.
Gamit ito ay maaaring i-update ang iyong apelyido mula sa apelyido mo sa iyong pagkadalaga ay maaari na itong palitan iyong apelyido ng iyong napangasawa. Sunod, dapat i-upload ang supporting document bilang patunay ng pagbabago ng iyong civil status sa pag-upload ng iyong Marriage Certificate.
Sunod, i-click mo ang “This is to certify that all information and documents are true” at isumite ito sa pamamagitan ng pag-click sa “SUBMIT.” Kapag successful ang iyong transaction, lilitaw ang transaction number. Mahalaga na tandaan mo ito. I-check mo ang iyong email na nakarehistro sa SSS sapagkat dito ipapadala ang Notice of Approval o Rejection sa iyong request.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.