@Buti na lang may SSS | July 10, 2022
Dear SSS,
Magandang araw. Ang mother-in-law ko ay SSS pensioner. Sa kasalukuyan, siya ay naninirahan sa Canada. Nais sana niyang malaman kung paano siya makakapag-comply sa ACOP. Kailangan pa bang umuwi siya sa Pilipinas? — Shiela
Sagot
Mabuting araw sa iyo, Shiela!
Simula noong Oktubre 2021, muling ibinalik ang Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagre-report ng mga pensyonado sa SSS. Layunin nitong masiguro na ang tamang benepisaryo pa rin ang tumatanggap ng pensyon sa SSS at para maprotektahan ang pondo nito, kung saan mayroong mga pagkakataong nagbago na ang estado ng surviving spouse na kinakailangang malaman ng SSS, tulad ng kanilang pag-aasawa at iba pang kadahilanan.
Ang mga sumusunod na uri ng pensyonado ang mga kinakailangang tumugon hanggang Oktubre 31, 2022 upang hindi maputol ang pagtanggap nila ng kanilang buwanang pensyon:
retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa;
total disability pensioners;
survivor pensioners (death); at
dependent (minor/incapacitated) pensioners sa ilalim ng guardianship.
Nais naman nating banggitin na ang mga retiradong pensyonado ng SSS na naninirahan sa Pilipinas ay exempted pa rin mula sa ACOP simula noong Oktubre 2017 kaya hindi na nila kailangang mag-report sa SSS para rito.
Samantala, Shiela, para sa mga pensyonado na naninirahan sa ibang bansa, tulad ng iyong mother-in-law, may tatlong pamamaraan upang isagawa ang ACOP.
Option 1: Sa pamamagitan ng video conference (Microsoft Teams). Mag-send siya ng appointment request sa ofw.relations@sss.gov.ph. Hintayin ang e-mail confirmation mula sa SSS na naglalaman ng transaction reference number (TRN) at ng link sa Microsoft Teams. Sa scheduled video conferencing, dapat mayroon siyang maipakitang isang (1) primary ID card o dalawang (2) secondary ID cards gaya ng Senior Citizens Card, Voter’s at Postal ID, atbp.
Option 2: Maaaring ipadala ang mga required na dokumento sa e-mail address ng pinakamalapit na SSS foreign office. Sa Canada, matatagpuan ang mga opisinang ito sa Philippine Overseas Labor Office sa Vancouver, Philippine Consulate General sa Calgary, at sa Philippine Consulate General naman sa Toronto.
Option 3: Maaari ring ipadala ang mga required na dokumento sa pamamagitan ng koreo sa SSS OFW-Contact Services Section, SSS Bldg., East Avenue, Diliman, Quezon City 1100.
Para sa Option 2 at 3, dapat ihanda ng mother-in-law mo, Shiela ang sumusunod na mga dokumento:
duly-accomplished ACOP Form;
isang primary o dalawang secondary ID cards;
half-body photo ng pensyonado na may hawak na kasalukuyang dyaryo o kaya’y nasa background niya ang TV news crawler o ticker kung saan makikita ng malinaw ang news headline at kasalukuyang petsa.
Samantala, ang mga pensyonado na makatutugon sa compliance ng ACOP bago ang nabanggit na deadline ay exempted na para sa taong 2022 kung saan ang compliance nila ay sa susunod na taon na o sa 2023.
Shiela, maaari mo ring i-download ang ACOP form sa link na ito https://bit.ly/3mC8TkE.
Nais naming ipaalala na kung hindi makakapag-comply sa ACOP ang iyong mother-in-law hanggang Oktubre 31, 2022 maaaring maputol ang pagtanggap niya ng buwanang pensyon.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.
Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.